2014
Ang Simbahan sa Brazil: Dumating na ang Magandang Bukas
Hulyo 2014


Mga Pioneer sa Bawat Lupain

Ang Simbahan sa Brazil Dumating na ang Magandang Bukas

A Brazilian family standing outside of the Recife Brazil Temple which is in the background.

Sa laki at populasyon, ang Brazil ang panlimang pinakamalaking bansa sa mundo. Pero 100 taon na ang nakalipas, maliit lang ang populasyon nito, at iilan lang ang gumamit ng likas na yaman nito: tropikal na klima, matabang lupa, at yamang mineral at tubig.

Sina Max at Amalie Zapf ay naging interesado sa Brazil at nagpasiyang manirahan dito. Sumapi sila sa Simbahan sa Germany noong 1908 at nandayuhan sa Brazil noong Marso 1913. Bilang mga unang nakilalang miyembro ng Simbahan na nanirahan sa Brazil, sabik silang mapunta sa isang bansang puno ng potensyal. Subalit hindi pa naitatatag ang Simbahan sa South America, at hindi naglaon ay nadama nina Max at Amalie kung gaano sila kalungkot na mawalan ng pribilehiyong makasimba at makasalamuha ang iba pang mga miyembro.1

Pagkaraan ng 10 taon sa Brazil, nalaman nina Max at Amalie Zapf na may isa pang matapat na miyembro ng Simbahan, si Augusta Lippelt, na nandayuhan noong 1923 mula sa Germany kasama ang apat na anak at asawang di-miyembro sa katimugang estado ng Santa Catarina sa Brazil. Lumipat ang mga Zapf sa Santa Catarina para mapalapit sa mga Lippelt.

Pagkaraan ng dalawang taon binuksan ang South American Mission sa Buenos Aires, Argentina. Ang pangalawang mission president, si K. B. Reinhold Stoof, na galing din sa Germany, ay nabigyang-inspirasyon na itatag ang Simbahan sa malaking populasyon ng mga dayuhang German sa katimugang Brazil. Noong 1928 itinalaga niya ang dalawang misyonero, sina William Fred Heinz at Emil A. J. Schindler, sa Joinville, isang lungsod na may malaking populasyon ng mga dayuhang German. Noong 1930, binisita ni President Stoof ang pamilya Zapf at Lippelt at itinatag ang isang branch, kung saan magkasama na ring makakasimba at makakabahagi ng sakramento ang dalawang pamilya.

Malaking kaibhan ang nagawa ng 100 taon. Bago dumating ang mga Zapf noong 1913, walang mga miyembro, missionary, at organisasyon ang Simbahan sa Brazil. Ngayo’y mahigit isang milyong miyembro na ang nakatira sa Brazil, kaya’t pangatlo na ang bansa na may pinakamalaking populasyon ng mga miyembro ng Simbahan (kasunod ng Estados Unidos at Mexico). Ang Simbahan ngayon ay may mga kongregasyon sa lahat ng estado at pangunahing lungsod ng Brazil. Tinatamasa ng mga inapo nina Max at Amalie ang mga biyaya ng isang matatag at masiglang Simbahang may natatangi at magandang kasaysayan.

Lumalaking Gaya ng Encina [Oak]

Ipinahiwatig sa isang propesiyang ibinigay sa Argentina noong 1926 ni Elder Melvin J. Ballard (1873–1939) ng Korum ng Labindalawang Apostol na magiging mabagal ang pag-unlad ng rehiyon sa simula ngunit isang araw ay magiging malakas ito. Ipinropesiya niya: “Ang gawain ng Panginoon ay dahan-dahang uunlad dito gaya ng encina na dahan-dahang umuusbong mula sa isang acorn. Hindi ito uusbong kaagad sa loob ng isang araw na tulad ng sunflower na mabilis lumaki at pagkatapos ay namamatay.”2

Kakaunti ang sumapi sa Simbahan sa mga unang taon ng Brazil Mission, na nagbukas noong 1935. Ang Simbahan ay pinamahalaan halos sa wikang Aleman hanggang 1940, hanggang sa gawin itong Portuges, ang opisyal na wika ng bansa. Naglingkod ang mga missionary sa maraming lungsod sa buong bansa hanggang sa kailanganin nilang lisanin ang bansa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Bumalik ang mga missionary pagkatapos ng digmaan, at muling nagsimula ang gawain.

Sa lungsod ng Campinas, sa estado ng São Paulo, ilang kabataang lalaki at babae ang sumapi at nanatiling tapat. Isa sa mga naunang miyembrong iyon si Antônio Carlos Camargo. Tinedyer pa siya nang sumapi noong 1947, idineyt at pinakasalan niya ang isang miyembro ng Simbahan, at noong 1954 nag-aral siya sa Brigham Young University at kalaunan ay sa University of Utah. Nagbalik silang mag-asawa sa Brazil noong 1963 dahil sa kanyang trabaho sa isang kumpanya ng tela at namangha sa pag-unlad ng Simbahan. Nang umalis sila noong 1954, may ilang maliliit na branch lamang, na pinamunuan ng mga Amerikanong missionary. Gayunman, nang mawala sila nang siyam na taon, halos 16,000 Brazilian ang sumapi sa Simbahan, kabilang na ang maraming bata pang pamilya na may malaking kakayahang mamuno at lubos ang katapatan. Sabi ni Antônio, “Sila ay mga dakila at marangal na espiritung pinili ng Panginoon dito sa São Paulo.”3

Noong 1966, 31 taon matapos buksan ang Brazil Mission, inorganisa ang unang stake sa South America sa São Paulo. Si Elder Spencer W. Kimball (1895–1985), na miyembro noon ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang nag-organisa sa stake at tinawag niya si Walter Spät bilang pangulo at si Antônio bilang kanyang pangalawang tagapayo.

Ilan lamang sa mga bagong lider ang nakakita ng aktibong stake. Ngunit inihanda na ng Panginoon si Antônio, na may malaking karanasan sa Simbahan sa Estados Unidos at nakatulong sa stake presidency. Sa pamunuan sa mga ward at branch ng unang stake na iyon nagmula ang mga lider para sa marami pang nadagdag na stake. Ang kanilang impluwensya ay nadama sa buong bansa nang magsimula ang mabilis na pag-oorganisa ng mga stake.

Isang Panahon ng Pag-unlad

Isang di-inaasahang balita ang naging dahilan para lalo pang umunlad ang Simbahan sa Brazil: ang pagtatayo ng isang templo. Alam ng mga miyembro na mahalaga ang mga templo, ngunit karamihan sa kanila ay sa mga larawan lamang nakita ang mga ito. Ang pinakamalapit na mga templo ay nasa Estados Unidos, libu-libong milya ang layo. Binisita ni Pangulong Kimball ang Brazil noong Marso 1975 at ibinalita sa isang regional conference ang pagtatayo ng templo sa São Paulo. Ang malaking pag-asam at pinansyal na sakripisyo ay humantong sa pagtatapos nito noong 1978. Tumulong ang mga miyembro sa pagbabayad ng halaga ng pagtatayo ng templo sa pamamagitan ng mga donasyon. Ibinenta ng marami sa kanila ang kanilang mga sasakyan, alahas, at lupain para makatipon ng pondo para sa kanilang mga donasyon.

Ang paglalaan ng templo noong Oktubre at Nobyembre 1978 ay kasunod ng paghahayag noong Hunyo tungkol sa priesthood (tingnan sa Opisyal na Pahayag 2). Ang paghahayag na ito ay nangahulugan na lahat ng karapat-dapat na miyembro sa Brazil ay maaaring makibahagi sa paglalaan at mga pagpapala ng templo.

Daytime shot of the Sao Paulo Brazil Temple.

Ang paghahayag tungkol sa priesthood at paglalaan ng templo ay naging dahilan ng isa sa pinakamalalaking tagumpay ng mga missionary na nakita sa Simbahan: mahigit 700,000 Brazilian ang sumapi sa Simbahan sa sumunod na dalawang dekada.

Napaunlad pa ito ng iba pang mga kaganapan. Ang bansa ay nagkaroon ng mahahalagang pagbabago sa pulitika at lipunan na nagbigay-daan sa pag-unlad. Maraming Brazilian ang lumipat sa mga lungsod at naging mas handang tumanggap ng mga bagong relihiyon. Kasabay nito, hiniling ni Pangulong Kimball sa mga Brazilian stake president na magtakda ng mga mithiin para dumami ang mga kabataang Brazilian na magmimisyon. Hindi nagtagal mahigit kalahati ng mga missionary na naglilingkod sa Brazil ay mga katutubong Brazilian. Ang mga returned missionary na ito kalaunan ang naging mga lokal na lider sa Simbahan.

Ngunit ang pag-unlad ng Simbahan ay naharap sa isang hamon: ang kawalan ng karanasan ng mga miyembro. Gayunman, ang hamong ito ay nagkaroon ng magandang resulta: nangailangan ito ng ibayong pananampalataya at espirituwal na patnubay sa mga miyembro. Halimbawa, noong Nobyembre 1992 isang stake ang inorganisa sa Uruguaiana, sa kanlurang bahagi ng Brazil, malayo sa mga naorganisang stake ng Simbahan. Nang matawag ang tapat at matagal nang miyembro ng Simbahan na si José Candido Ferreira dos Santos bilang patriarch ng bagong organisang stake, nag-alala siya. Ipinaliwanag niya sa General Authority: “Hindi ko po kayang maging patriarch. Wala po akong ideya kung ano ito. Wala po akong naaalala na may nakausap akong patriarch at wala po akong patriarchal blessing.” Nagmungkahi ng solusyon ang General Authority. Sa kalapit na lungsod ng Alegrete, natawag din kamakailan ang isang bagong patriarch, si Ruí Antônio Dávila, at nasa gayon ding sitwasyon. Kinailangang bigyan ng patriarchal blessing ng dalawang patriarch ang isa’t isa.

Nang basbasan ni Brother Dávila si Brother Santos, nagulat ito nang marinig niya ang ipinahayag na mga basbas ukol sa kanyang nakaraan at mga personal na hangarin na sa anumang paraan ay hindi maaaring malaman ng patriarch. Nang basbasan naman ni Brother Santos si Brother Dávila, muling dumaloy ang mga luha nang maulit ang karanasang iyon. Nagyakap ang dalawang lalaki pagkatapos lubos na nauunawaan ang pangyayaring kagaganap lamang.4 Tulad nang gabayan sila ng Espiritu sa pagbibigay ng una nilang patriarchal blessing, ginabayan din sila ng Espiritu sa daan-daan pang pagbibigay nito. Naglaan ang Panginoon ng maraming espirituwal na pagpapala sa isang bansang limitado ang karanasan sa Simbahan.

Perpetual Education Fund

Ang kakulangan sa edukasyon ng mga miyembro ay isa pang hamon. Kadalasan, kapag nakabalik na ang mga missionary, handa sila sa espirituwal ngunit kulang sa pinag-aralan para makapagtrabaho. Paliwanag ni Reinaldo Barreto, stake president sa São Paulo, “Napakahirap humanap ng trabaho. Maraming missionary ang nawalan ng pag-asang umunlad, at nawala pa ang espirituwal na lakas na nakuha nila sa kanilang misyon.” Madalas ay edukasyon ang susi sa pagdaig sa hamong ito.

Dahil dito, napagpala ng pagtatatag ng Perpetual Education Fund ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) noong 2001 ang libu-libong Brazilian returned missionary. Nagbigay ito sa kanila ng mga training, na nagbunga ng mas magandang trabaho. Mas nakayanan ng mga miyembro na itaguyod ang pamilya at dagdagan pa ang kanilang pinag-aralan. Sabi ni President Barreto, na naging administrador ng PEF program sa Brazil, “Isang pagpapalang makita ang mga kabataang miyembro na matapos sa kanilang pag-aaral at makakuha ng magagandang trabaho, ngunit ang tunay na tagumpay ng programa ay ang paglakas ng tiwala nila sa kanilang sarili. Nagkaroon sila ng mas malaking pag-asa.”5

Matatapat na Miyembro

Ang katatagan ng Simbahan sa Brazil ay hindi lamang dahil sa dami ng mga miyembro kundi dahil din sa katapatan nila sa ebanghelyo. Halimbawa, si Gelson Pizzirani, isang retiradong airline administrator, ay inalok ng isang mahirap na trabaho pero malaki ang suweldo: tumulong sa pagtatayo ng isang bagong airline sa Brazil. Kasabay nito, siya at ang kanyang asawang si Míriam ay tinawag na mangulo sa Brazil Brasília Mission. Walang pag-aalinlangan kung ano ang gagawin. Mula nang mabinyagan sila noong tinedyer sila, inilaan na nila ang kanilang buhay sa Simbahan. Bago sila ikinasal, tinawag na maglingkod si Brother Pizzirani bilang branch president. Tinawag siyang maging stake president sa edad na 25 at tumanggap ng iba pang mga tungkulin, kabilang na ang Area Seventy. Naglingkod si Sister Pizzirani sa mga tungkulin sa stake at ward Relief Society, Young Women, at Primary. Ipinahayag niya ang kanyang damdamin hinggil sa mga pagpapala ng ebanghelyo: “Lubos na napagpala ang buhay ko dahil sinikap kong sundin ang mga kautusan. Sa bawat kautusang sinusunod ko, pinagpapala ako.”6

Pagkatapos ng kanilang misyon sa Brasília, ang plano nilang manatili na lang sa bahay ay naantala ng isang tawag na maglingkod bilang pangulo ng Brazil Campinas Mission sa maikling panahon. Matapos magpahinga nang ilang buwan, tinanggap nila ang tawag noong 2013 na maging pangulo at matron ng Recife Brazil Temple. Isa sa mga missionary na nagbinyag kay Brother Pizzirani ang tinawag kamakailan kasama ang kanyang asawa na maglingkod sa Recife Temple, kung saan magkasamang maglilingkod ang missionary at nabinyagan.

Ang halimbawa ng pagtanggi ng mga Pizzirani sa mga pagkakataong makapaghanapbuhay para makapaglingkod sa Panginoon ay kahanga-hanga ngunit karaniwan na sa matatapat na miyembro sa Brazil.

Ang 100 taong lumipas mula nang dumating ang pamilya Zapf sa Brazil ay sumaksi sa maraming magagandang pagbabago ngunit may paminsan-minsan ding problema. Gayunman, ang mga propetang bumisita ay hindi kailanman nag-alangang ipahayag ang kanilang pananalig sa magandang kinabukasan ng bansa. Ang mga propesiyang iyon ay natutupad nang manguna ang Brazil sa mundo sa paglago at pag-unlad ng ekonomiya. Ang mga inapo ng mga Zapf—kapwa ang literal nilang mga inapo at ang mga sumunod sa kanilang mga yapak sa ebanghelyo—ay nagtatamasa ng mga biyaya ng kasipagan at tiyaga ng mga taong nagtanim ng mga binhi ng ebanghelyo. Natupad na ang pangalawang bahagi ng propesiya ni Elder Melvin J. Ballard na ibinigay noong 1926: “Libu-libo ang sasapi sa Simbahan dito. Mahahati ito sa mahigit sa isang misyon at magiging isa sa mga pinakamatatag sa Simbahan.”

Mga Tala

  1. Sibila Hack Nunes (apo nina Max at Amalie Zapf), interbyu ni Michael Landon, Curitiba, Brazil, Hulyo 30, 2004, Church History Library.

  2. Melvin J. Ballard, sa Bryant S. Hinckley, Sermons and Missionary Services of Melvin Joseph Ballard (1949), 100.

  3. Antônio Carlos Camargo, interbyu ni Mark L. Grover, São Paulo, Brazil, Hunyo 27, 2006, Harold B. Lee Library, p. 22.

  4. Jose Candido Ferreira dos Santos, interbyu ni Mark L. Grover, Rio Grande do Sul, Brazil, Mayo 4, 2010, Harold B. Lee Library; Rui Antonio Dávila, interbyu ni Mark L. Grover, Rio Grande do Sul, Brazil, Mayo 5, 2010, Harold B. Lee Library.

  5. Reinaldo de Souza Barreto, interbyu ni Mark L. Grover, São Paulo, Brazil, Hunyo 16, 2006, Harold B. Lee Library, p. 14.

  6. Míriam da Silva Sulé Pizzirani, interbyu ni Mark L. Grover, São Paulo, Brazil, Marso 21, 1982, Harold B. Lee Library, p. 7.

Paglago ng Simbahan sa Brazil

148

1935

216

1938

536

1948

1,454

1958

31,635

1968

54,410

1978

265,286

1988

703,210

1998

1,060,556

2008

1,239,166

2013