Mensahe sa Visiting Teaching
Ang Banal na Misyon ni Jesucristo: Tagapamagitan
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at hangaring malaman kung ano ang ibabahagi. Paano pag-iibayuhin ng pag-unawa sa buhay at misyon ng Tagapagligtas ang inyong pananampalataya sa Kanya at pagpapalain ang mga pinangangalagaan ninyo sa pamamagitan ng visiting teaching? Para sa iba pang impormasyon, magpunta sa reliefsociety.lds.org.
Si Jesucristo ang ating Tagapamagitan sa Ama. Ang salitang advocate o tagapamagitan ay nagmula sa salitang Latin (advocatus) na ibig sabihin ay “isang taong nagsusumamo para sa iba.”1 Nagsusumamo ang Tagapagligtas para sa atin, sa pagpapairal ng pag-unawa, katarungan, at awa. Sa kaalamang ito ay mapupuspos tayo ng pagmamahal at pasasalamat sa Kanyang Pagbabayad-sala.
“Makinig [kay Jesucristo] na siyang tagapamagitan sa Ama, na siyang nagsusumamo sa inyong kapakanan sa harapan niya—
“Sinasabing: Ama, masdan ang mga pagdurusa at ang kamatayan niya na walang ginawang kasalanan, na inyong lubos na kinalulugdan; masdan ang dugo ng inyong Anak na nabuhos, ang dugo niya na inyong ibinigay upang ang inyong sarili ay luwalhatiin;
“Kaya nga, Ama, iligtas ang mga kapatid kong ito na naniniwala sa aking pangalan, upang sila ay makaparito sa akin at magkaroon ng buhay na walang hanggan” (D at T 45:3–5).
Tungkol kay Cristo bilang ating Tagapamagitan, sinabi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Napakahalaga sa akin, na anumang oras at anuman ang sitwasyon ay makakalapit ako sa trono ng biyaya sa pamamagitan ng panalangin, na pakikinggan ng aking Ama sa Langit ang aking kahilingan, na ang aking Tagapamagitan, siya na walang ginawang kasalanan, na ang dugo ay natigis, ay isasamo ang aking kahilingan.”2
Karagdagang mga Banal na kasulatan
Mosias 15:8–9; Moroni 7:28; Doktrina at mga Tipan 29:5; 110:4
Mula sa mga Banal na Kasulatan
Sa buong kasaysayan ng Simbahan ng Panginoon, natularan ng mga babaeng disipulo ni Jesucristo ang Kanyang halimbawa. Si Esther ay tapat at matapang. Pinadalhan siya ng kanyang pinsang si Mardocheo ng kopya ng utos ng hari na dapat lipulin ang mga Judio, at inutusan siyang “[humiling sa hari para] sa kaniyang bayan.” Sabi pa niya: “At sinong nakakaalam na kung kaya ka pinasapit sa kaharian ay dahil sa bagay na ito?” (Esther 4:8, 14.)
Sa kabila ng panganib, pumayag si Esther: “Sa gayo’y papasukin ko ang hari, na hindi ayon sa kautusan: at kung ako’y mamatay ay mamatay” (Esther 4:16).
Sa gayo’y mapagpakumbabang nagsalita si Esther sa hari at “nagpatirapa sa kaniyang mga paa at ipinamanhik sa kaniya na may luha … na tiwaliin ang mga sulat … [na] lipulin ang mga Judio.” Dagdag pa niya, “Paanong ako’y makapagtitiis na makita ang paglipol sa aking kamaganakan?” (tingnan sa Esther 8:3, 5–6). Lumambot ang puso ng hari, at ipinagkaloob ang kanyang kahilingan.3