2014
Ang Bahaging para sa Atin
Hulyo 2014


Ang Bahaging para sa Atin

Binyag para sa Lolo Ko

Nagpapasalamat ako na ang aming mga lider ng kabataan ay nagplanong bisitahin ang templo. Habang naghahanda kami para sa biyaheng ito papunta sa Apia, Samoa, maligaya kami sa pambihirang pagkakataong ito. Masaya kaming nagpunta sa templo para magsagawa ng mga binyag para sa mga patay—para sa mga nasa daigdig ng mga espiritu na naghihintay sa atin na hanapin ang kasaysayan ng ating pamilya at gawin ang gawain para sa kanila.

Habang isinasagawa ang mga binyag, nakita ko ang isang binatilyo sa aming grupo na bininyagan para kay Faataga Agavale, na lolo ko. Napaluha ako sa kagalakan, at alam kong naroon ang kanyang espiritu. Napakasaya ko na nagawa namin ang gawain para sa kanya sa loob ng templo.

Saini Agavale, Samoa

Mahalagang Impormasyon mula sa Isang Kaibigan

Noong tinedyer ako, ayaw kong nagsisimba, kaya hindi ko masyadong alam ang tungkol sa Biblia o tungkol sa Diyos, ni hindi ko gustong malaman ito. Noong 17 anyos ako, sinabi sa akin ng isang kaibigan ko na siya ay isang Mormon. Wala akong ideya noon kung ano ang Mormon. Sinabi ko sa kaibigan ko, “Kung gusto kong malaman ang tungkol sa simbahang iyan, ako mismo ang aalam dito.”

Dahil nakita niya na hindi ako masyadong nag-aalala tungkol sa relihiyon, binigyan niya ako ng Aklat ni Mormon at hiniling sa akin na basahin at ipagdasal ito. Hindi niya ako pinilit. Kalaunan nang gabing iyon nang buksan ko ang aklat, napansin ko ang kanyang patotoo na nakasulat sa harapan. Habang binabasa ko ito, nadama ko na dapat ko pang alamin ang tungkol sa Aklat ni Mormon. Kaya’t sinimulan kong basahin ang 1 Nephi. Hindi ko mabitawan ang aklat. Kailangan kong malaman ang iba pa.

Sa isang family home evening, itinuro sa akin ng kanyang pamilya ang tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo. Parang may kabuluhan ang lahat. Di nagtagal tinuruan ako ng mga missionary at nabinyagan at nakumpirmang miyembro ng totoong Simbahan ng Panginoon. Ang ebanghelyo ay nakatulong sa akin na malaman kung sino ako, kung saan ako nanggaling, at kung saan ako puwedeng mapunta kung matapat ako.

Kapag naaalala ko ang nangyari noon, nakikita ko kung paano ako tinulungan ng Espiritu Santo na naising madagdagan pa ang aking nalalaman. Nang madagdagan ang nalalaman ko, nagbago ang saloobin ko tungkol sa simbahan at sa Diyos. Sa unang pagkakataon sa buhay ko, gusto kong gawin ang gusto Niyang ipagawa sa akin.

Binago ng Aklat ni Mormon ang aking buhay, at nagpapasalamat ako sa kaibigan ko na nagbahagi nito sa akin. Ibinabahagi ng isang tunay na kaibigan ang mahalagang impormasyon na tulad nito.

Michael P., Ohio, USA