Ang Aklat ni Mormon, ang Pagtitipon ng Israel, at ang Ikalawang Pagparito
Mula sa mensaheng ibinigay sa seminar para sa mga bagong mission president sa Provo Missionary Training Center noong Hunyo 26, 2013.
Ang paglabas ng Aklat ni Mormon ay isang pisikal na palatandaan sa mundo na sinimulan na ng Panginoon na tipunin ang Israel at tuparin ang mga tipang ginawa Niya kina Abraham, Isaac, at Jacob.
Ang kabanata 5 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero ay lubos na nakatuon sa Aklat ni Mormon. Itinuturo sa kabanatang ito na ang Aklat ni Mormon ay:
-
Ang saligang bato ng ating relihiyon.
-
Nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo.
-
Sumusuporta sa Biblia.
-
Sinasagot ang mga tanong ng kaluluwa.
-
Mas inilalapit ang mga tao sa Diyos.
Lahat ng pahayag na ito ay talagang totoo, ngunit sinambit ang mga ito ayon sa ating pananaw bilang mga mortal na nilalang. Ano kaya ang pananaw ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo tungkol sa Aklat ni Mormon?
Ang Kanilang pananaw ay tiyak na nagmula sa dalawang pangakong ginawa Nila sa buong sangkatauhan. Ang dalawang pangakong ito ay magkaugnay, may katibayan, may bisa pa rin, at matutupad balang-araw. Ang una ay ang Kanilang pangako noong araw na titipunin ang ikinalat na Israel. Ang pangalawa ay ang Kanilang matagal nang pangako na Ikalawang Pagparito ng Panginoon.
Ang Tipang Abraham at ang Sambahayan ni Israel
Noong dispensasyon ni Abraham, nakipagtipan ang Diyos kay Amang Abraham na sa pamamagitan ng kanyang lahi, pagpapalain ang mga tao sa lahat ng bansa. Ang iba pang mahahalagang bahagi ng pangakong iyan ay ginawa rin. Kabilang sa mga pangakong ito, na unang ibinigay kay Abraham at pinagtibay kalaunan kina Isaac at Jacob, ang:
-
Malaking angkan.1
-
Pamanang mga lupain.2
-
Dadalhin ng binhi ni Abraham ang priesthood sa lahat ng bansa, upang lahat ay mapagpala sa pamamagitan ng lahi ni Abraham.3
-
Ang mga hindi inapo ni Abraham na tatanggap ng ebanghelyo ay ibibilang sa binhi ni Abraham sa pamamagitan ng pagkupkop o pag-ampon.4
-
Ang Tagapagligtas ng mundo ay magmumula sa lahi ni Abraham.5
Marami sa mga inapo ni Abraham—na mga lipi ng sinaunang Israel—ang tinanggihan kalaunan ang mga turo ng Panginoon at pinatay ang mga propeta. Sampung lipi ang dinalang bihag sa Asiria. Mula roon nawala sila sa mga talaan ng sangkatauhan, bagama’t hindi nawala sa Panginoon. Dalawang lipi ang nanatili nang maikling panahon, ngunit dahil sa kanilang paghihimagsik ay dinala silang bihag sa Babilonia. Nang magbalik sila, pinagpala sila ng Panginoon, ngunit muli nila Siyang tinanggihan!
Ang Pagkalat at Pagtitipon ng Israel
Ikinalat ng mapagmahal ngunit nalulungkot na Ama ang Israel sa malalayong lugar, ngunit nangako Siya na balang-araw ay muling titipunin ang ikinalat na Israel pabalik sa kawan. Ang pangakong ito ay kasinglinaw ng pangako na ikakalat ang Israel.6 Halimbawa, nakinita ni Isaias na sa mga huling araw ay magsusugo ang Panginoon ng “maliliksing sugo” sa mga taong ito, na “[ikinalat] at [inihiwalay]” (Isaias 18:2, 7).
Tulad ng ipinropesiya, lahat ng bagay ay ipanunumbalik sa dispensasyong ito. Samakatuwid, ang pinakahihintay na pagtitipon ng ikinalat na Israel ay magiging bahagi ng panunumbalik na iyan.7 Ang pagtitipon ng Israel ay nakaugnay sa pangalawang pangako dahil mahalagang mauna ang pagtitipon bago ang Ikalawang Pagparito ng Panginoon.8 Muli, malinaw ang maluwalhating pananaw na iyan.
Ang konseptong ito ng pagtitipon ay isa sa mahahalagang turo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ipinahayag ng Panginoon, “Magbibigay ako sa inyo ng palatandaan … na aking titipunin, mula sa matagal na nilang pagkakakalat, ang aking mga tao, O sambahayan ni Israel, at muling itatatag sa kanila ang aking Sion” (3 Nephi 21:1).
Ang paglabas ng Aklat ni Mormon ay isang pisikal na palatandaan sa mundo na sinimulan na ng Panginoon na tipunin ang Israel at tuparin ang mga tipang ginawa Niya kina Abraham, Isaac, at Jacob.9 Hindi lamang natin itinuturo ang konseptong ito, kundi nakikibahagi rin tayo rito! Ginagawa natin ito sa pagtulong nating tipunin ang mga hinirang ng Panginoon sa magkabilang panig ng tabing.
Ang paanyayang “lumapit kay Cristo” (Jacob 1:7)10 ay maaari ding ipaabot nang may awa sa mga namatay na walang kaalaman sa ebanghelyo.11 Kailangan sa bahagi ng paghahanda para sa mga nasa kabilang panig ng tabing ang pagsisikap sa lupa ng mga taong nabubuhay sa panig na ito ng tabing. Nagtitipon tayo ng mga pedigree chart, gumagawa ng family group sheet, at nagsasagawa ng mga ordenansa sa templo para sa mga patay upang matipon ang mga tao sa Panginoon at sa kanilang pamilya.12
Ang dispensasyong ito ng kaganapan ng mga panahon ay nakinita ng Diyos bilang panahon para magtipon, kapwa sa langit at sa lupa. Alam ni Apostol Pedro na pagkatapos ng apostasiya, darating ang panunumbalik. Ipinahayag Niya:
“Kaya nga mangagsisi kayo, at mangagbalik-loob, upang mangapawi ang inyong mga kasalanan, upang kung magkagayon ay magsidating ang mga panahon ng kaginhawahang mula sa harapan ng Panginoon; …
“Na siya’y kinakailangang tanggapin ng langit hanggang sa mga panahon ng pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay, na sinalita ng Dios sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta buhat pa nang una” (Mga Gawa 3:19, 21).
Sa ating panahon, sina Pedro, Santiago, at Juan ay isinugo ng Panginoon taglay “ang mga susi ng [Kanyang] kaharian, at dispensasyon ng ebanghelyo para sa huling panahon; at para sa kaganapan ng panahon,” kung kailan Niya “sama-samang titipunin sa isa ang lahat ng bagay, maging ang mga nasa langit, at ang mga nasa lupa” (D at T 27:13).13
Maraming aspeto ng tipang Abraham ang natupad na. Tunay ngang nagmula ang Tagapagligtas ng mundo sa lahi ni Abraham, sa pamamagitan ng anak ni Jacob na si Juda. Naitalaga na noon pa man ang lupaing ipamamana. Makikita sa isang mapa sa LDS edition ng Biblia kung paano hinati-hati ang lupaing minana ng mga lipi sa mga inapo nina Ruben, Simeon, Juda, Issachar, Zabulon, Dan, Nephtali, Gad, Aser, Benjamin, at Jose (hinati sa kanyang dalawang anak na sina Ephraim at Manases).14 Bukod pa sa mana ni Jose sa Banal na Lupain, nalaman din natin sa Aklat ni Mormon na ang lupaing nakalaan para sa mga labi ng sambahayan ni Jose ay ang lupalop ng Amerika.15
Ang dakilang pangako na lahat ng bansa ay pagpapalain sa pamamagitan ng mga inapo nina Abraham, Isaac, at Jacob ay matutupad pa lamang. Ngunit ang pangakong ito ng pagtitipon, na binanggit sa lahat ng mga banal na kasulatan, ay tiyak na matutupad tulad ng mga propesiya na ikakalat ang Israel.16
Mauuna ang Pagtitipon Bago ang Ikalawang Pagparito
Bakit napakahalaga ng pangakong ito ng pagtitipon? Dahil mahalaga ang pagtitipon ng Israel sa paghahanda sa mundo para sa Ikalawang Pagparito! At ang Aklat ni Mormon ay kasangkapan ng Diyos na kailangan upang maisakatuparan ang dalawang banal na layuning ito.17
Ang Aklat ni Mormon ay kaloob ng Diyos sa buong mundo. Ito ang tanging aklat na pinatotohanan ng Panginoon na totoo.18 Ito ay isang kaloob mula kina Nephi, Jacob, Mormon, Moroni, at sa nabigyang-inspirasyon at pinaslang na tagapagsalin nito, si Propetang Joseph Smith. Ang Aklat ni Mormon ay sadyang para sa mga labi ng sambahayan ni Israel.19
Hinggil sa Ikalawang Pagparito, alam natin na ito “ngayon ay nalalapit na, at sa panahon [pang] darating” (D at T 63:53). At kapag muling pumarito ang Tagapagligtas, hindi na ito magiging lihim.20 Samantala, maraming kailangang gawin upang matipon ang Israel at maihanda ang mundo para sa maluwalhating Ikalawang Pagparito.
Ang Pagtitipon ng Israel sa Dispensasyong Ito
Salamat sa Aklat ni Mormon, alam natin kung kailan magaganap ang pangakong ito ng pagtitipon: “Anupa’t ang ating ama ay hindi lamang tumutukoy sa ating mga binhi, kundi gayon din sa buong sambahayan ni Israel, tumutukoy sa mga tipang matutupad sa mga huling araw; kung aling tipan ay ginawa ng Panginoon sa ating amang si Abraham, sinasabing: Sa iyong mga binhi pagpapalain ang lahat ng lahi sa mundo” (1 Nephi 15:18; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Anim na raang taon bago isinilang si Jesus sa Betlehem, alam na ng mga propeta na magaganap ang pagtitipon ng Israel “sa mga huling araw.”
Sa mga Banal sa mga Huling Araw, ang dakilang pangalang Abraham ay mahalaga. Bawat miyembro ng Simbahan ay nakaugnay kay Abraham.21 Pinagtibay ng Panginoon ang tipang Abraham sa ating panahon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.22 Sa templo tinatanggap natin ang pinakamataas at pinakadakilang mga pagpapala, na ipinangako sa binhi nina Abraham, Isaac, at Jacob.23
Kailangan nating makamtan ang banal na pananaw na iyon. Kailangan nating malaman ang tungkol sa tipang Abraham at maunawaan ang ating responsibilidad sa pagtulong na maisakatuparan ang ipinangakong pagtitipon ng Israel. Kailangan nating malaman kung bakit pribilehiyo nating matanggap ang mga patriarchal blessing at mabatid ang ating kaugnayan sa sinaunang mga patriarch. Kailangan nating malaman na ang anak ni Jacob na si Jose ang nagtamo ng karapatan sa pagkapanganay matapos itong mawala kay Ruben.24 Si Jose at ang kanyang mga anak na sina Ephraim at Manases ang naging binhi (ni Abraham) na mamumuno sa pagtitipon ng Israel.25 Susunod ang iba pang mga lipi.
Isipin ang mga sugong iyon ng langit na nagdala ng mahahalagang susi ng priesthood sa ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon. Noong Abril 3, 1836, matapos tanggapin ng Panginoon ang Kirtland Temple, dumating si Moises, na nagpanumbalik ng “mga susi ng pagtitipon [ng] Israel” (D at T 110:11). Kasunod nito, “si Elias ay nagpakita, at ipinagkatiwala ang dispensasyon ng ebanghelyo ni Abraham, sinasabi na sa pamamagitan namin at ng aming binhi lahat ng susunod na salinlahi sa amin ay pagpapalain” (D at T 110:12). Sa gayon ang tipang Abraham ay muling ginawang bahagi ng Panunumbalik! Pagkatapos ay dumating si Elijah, na nagpanumbalik ng mga susi ng awtoridad na magbuklod, tulad ng ipinropesiya ni Malakias.26 Ang mga susing iyon ay kailangan para mabuklod ang mga pamilya ng natipong Israel at matamasa nila ang pinakadakila sa lahat ng pagpapala, ang buhay na walang hanggan.
Ano ang pananaw ng Ama at ng Anak hinggil sa Aklat ni Mormon? Itinuturing Nila itong katibayan sa pagtawag kay Joseph Smith bilang propeta. Itinuturing Nila itong kasangkapan upang higit na makilala ng mga tao si Jesucristo, maniwala sa Kanyang ebanghelyo, at sumapi sa Kanyang Simbahan. Itinuturing Nila itong kasulatan na nagpapaliwanag sa ating kaugnayan sa sambahayan ni Israel na binanggit sa Biblia. Ang Aklat ni Mormon ang nagpapahayag ng pagsisimula ng pagtitipon27 at ang kasangkapan ng Diyos upang maisakatuparan ang pagtitipong iyon. Kung wala ang Aklat ni Mormon, walang magaganap na pagtitipon ng Israel.28
Ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng kabuuan ng ebanghelyo. Kung wala ang Aklat ni Mormon, kaunti lamang ang malalaman natin tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.29 Dahil itinuturo nito ang Pagbabayad-sala, tinutulungan tayo ng Aklat ni Mormon na magsisi, gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan, at maging marapat sa mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan. Inaakay tayo nito tungo sa templo, kung saan tayo maaaring maging marapat para sa buhay na walang hanggan.
Dito sa lupa maaaring mapasaatin ang banal na pananaw na iyan sa lahat ng ating ginagawa. Sa pananaw na iyan, nauunawaan natin na mahalaga ang gawaing misyonero sa pagtitipon ng Israel. Sa maraming bansa, hinahanap ng ating mga missionary ang mga kabilang sa ikinalat na Israel.
Saanman nakatipon ang matwid na mga Banal ay naroroon ang Sion.30 Ang mga lathalain, pakikipag-ugnayan, at mga kongregasyon ay nagbibigay-daan sa halos lahat ng miyembro ng Simbahan na matamasa ang doktrina, mga susi, ordenansa, at pagpapala ng ebanghelyo, saanman sila naroon. Para hindi mahirapan ang mga Banal sa iba’t ibang dako ng mundo, mayroong 143 templo, at marami pang itatayo.31
Ang mga Banal sa bawat lupain ay may pantay-pantay na karapatan sa mga pagpapala ng Panginoon. Ang espirituwal na kapanatagan ay laging nakasalalay sa kung paano tayo namumuhay, hindi sa kung saan tayo naninirahan.
Ang pagtitipon ng Israel ay hindi ang pinakahuling mithiin. Simula pa lamang ito. Kabilang sa mithiing pinagsisikapan nating makamtan ang endowment at ordenansa ng pagbubuklod sa templo. Kabilang dito ang pakikipagtipan natin sa Diyos kalahi man tayo o kinupkop at kasunod nito ay mabubuhay tayo sa piling Niya at ng ating pamilya magpakailanman. Iyan ang kaluwalhatian ng Diyos—buhay na walang hanggan para sa Kanyang mga anak.32
Talagang nais ng ating mapagmahal na Ama sa Langit na makabalik sa Kanya ang Kanyang mga anak, hindi dahil pinilit sila kundi dahil pumili sila at personal na naghanda. At nais Niyang mabuklod sila bilang mga walang-hanggang pamilya.
Iyan ang pananaw ng ating Ama sa Langit. Iyan ang pananaw ng Pinakamamahal na Anak. At maaari ding ito ang maging pananaw natin.