2014
Nakita Ko ang Mukha ng Iyong Ina
Hulyo 2014


Nakita Ko ang Mukha ng Iyong Ina

Randi Reynolds Allen, California, USA

Isang araw ng Linggo noong tag-init ng 2002, nagising ako na iniisip ang aking ina, na pumanaw kamakailan lang. Binibisita ko ang dati kong home ward sa Pacific Palisades, California, USA, kung saan nagsimba ang nanay ko nang halos 50 taon.

Lumuhod ako at nanalangin para sabihin sa Panginoon kung gaano ang pangungulila ko sa kanya at humiling ako ng espirituwal na karanasan sa araw na iyon.

Nang hapong iyon nagplano akong dumalo sa brodkast sa muling paglalaan ng Nauvoo Illinois Temple sa gusali ng stake sa Santa Monica, California. Ang malungkot, huling-huli na akong dumating para papasukin pa sa sesyon. Nagbalik ako sa aking sasakyan at bumalik na ako sa freeway.

Habang nagmamaneho, narinig ko ang isang tinig na nagsasabing, “Randi, puntahan mo si Mary!” Si Mary ay malapit na kaibigan ng aming pamilya at tapat na miyembro ng ibang relihiyon. Siya at ang anak niyang si Natasha ay naging kapitbahay ng aking Aunt Ruby nang mahigit 25 taon. Dahil wala silang kamag-anak na malapit sa tinitirhan nila, naging kapamilya na namin sila. Nang pumanaw na ang tita ko noong 1984, madalas bisitahin ni Inay si Mary, lagi siyang may dalang maliit na regalo o pagkaing iniluto niya.

Noong una binalewala ko ang pahiwatig. Hindi maaaring basta na lang ako pupunta roon nang walang pasabi, at wala akong cell phone para tawagan siya. Bigla kong narinig muli ang tinig, mas malakas na sa pagkakataong ito: “Randi, puntahan mo si Mary!” Sa pagkakataong ito sinunod ko ang pahiwatig, bagama’t halos wala na akong oras para makalabas ng freeway.

Pagdating ko kay Mary, binati niya ako pero matamlay siya. Masasabi kong kaiiyak lang niya. Tinanong ko siya kung ano ang nangyari. Sinabi niya na nagkasakit siya at nasasaktan dahil sa pinsala sa leeg. Halos wala na rin siyang makain sa bahay. Hirap na hirap daw siyang maglakad papuntang botika o palengke.

Nang tanungin ko kung bakit hindi niya tinawagan ang sinuman sa aming pamilya, sabi niya, “Nagdasal ako at hiniling ko sa Ama sa Langit na magpadala ng isang taong tutulong sa akin.”

Sinabi ko sa kanya na narinig ng Ama sa Langit ang kanyang mga dalangin at ipinadala ako. Nagyakap kami, at pagkatapos ay may sinabi siya sa akin na hinding-hindi ko malilimutan. Sabi niya, “Pagdating mo sa may pintuan ko, nakita ko ang mukha ng iyong ina, hindi ang iyo.”

Agad kong nadama ang magiliw na presensya ng aking ina malapit sa akin, at nahikayat akong maglingkod tulad ng paglilingkod ni Inay. Ang buhay niya, mangyari pa, ay puno ng paglilingkod sa iba.

Sana’y hinding-hindi ko malimutan ang kahalagahan ng pakikinig sa tinig ng Espiritu at ang halimbawang ipinakita sa akin ng aking ina sa paglilingkod sa iba.