2014
Ang Aking Lesson Tungkol sa Pananampalataya
Hulyo 2014


Ang Lesson Ko Tungkol sa Pananampalataya

Ilang taon na ang nakararaan, nagturo ako sa family home evening tungkol sa pananampalataya. Maraming oras ang ginugol ng pamilya ko sa pag-uusap tungkol sa pananampalataya dahil ang kuya ko ay may mga tanong kung bakit kailangan natin ang pananampalataya. Nagtanim ako ng isang buto ng milon sa isang maliit na tasa. Sinabi ko sa aking pamilya na ang pananampalataya ay katulad ng isang binhi. Kung iingatan mo ito, tutubo ang binhi.

Hindi kami masyadong nakakapagpatubo ng pananim. Ngunit umasa akong mapapatubo ko ang halamang ito at na magiging mabuting halimbawa ako ng pananampalataya. Inilagay ko ang tasa sa bintana at inalagaan ito. Naghintay ako at nagdasal na tumubo ang aking binhi.

Halos sumuko ako, ngunit matapos ang isang linggo sa wakas ay nakita ko ang ilang berdeng usbong. Ito ay lumaki sa bintana sa loob ng isa pang linggo. Pagkatapos ay tinulungan ako ng mga magulang ko na humanap ng lugar na mapagtataniman nito sa taniman ng bulaklak sa bakuran.

Inalagaan kong mabuti ang aking halaman. Diniligan ko ito at inalisan ng mga damo. Lumaki ito nang lumaki. Tuwang-tuwa ako!

Makalipas ang ilang linggo, napansin ko ang mga bulaklak, at pagkatapos ay nagsimulang umusbong ang maliit na bunga. Minasdan namin ang paglaki ng pitong milon sa baging mula sa aking munting binhi. Sa akin ito ay isang himala at sagot sa aking mga dalangin. Ang bunga ay matamis, tulad ng nakasaad sa Alma 32:42: “At dahil sa inyong pagsisikap at inyong pananampalataya at inyong pagtitiyaga sa salita sa pag-aalaga nito upang ito’y mapapag-ugat ninyo, masdan, di maglalaon, kayo ay pipitas ng bunga niyon, na pinakamahalaga, na pinakamatamis sa lahat ng matamis.”

Masayang-masaya ako sa karanasang ito at nagturo sa akin at sa pamilya ko na ang pananampalataya ay isang tunay na alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo.