Dalhin sa Tahanan ang Turo sa Primary
Nagiging Miyembro Tayo ng Simbahan sa Pamamagitan ng Binyag at Kumpirmasyon
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Alamin ang iba pa tungkol sa tema ng Primary sa buwang ito!
Umuwi si Mariela mula sa paaralan na nakasimangot. “Ano’ng problema?” tanong ni Inay habang nagtatanim siya ng mga bulaklak sa hardin.
“Nangako po si Sonia na makikipaglaro siya sa akin, pero hindi po siya nakipaglaro,” sabi ni Mariela. Pasalampak siyang umupo sa tabi ni Inay.
“Nakakalungkot nga iyan,” sabi ni Inay. “Mahalagang tuparin ang mga pangako. Sa susunod na linggo kapag bininyagan ka at kinumpirma, gagawa ka ng ilang napakahalagang pangako, na tinatawag na mga tipan.”
“Talaga po?” tanong ni Mariela. Sabik na siyang mabinyagan.
Inilagay ni Inay ang ilang dilaw na bulaklak sa lupa. “Nangangako kang susundin ang mga utos. Nangangako ka rin na tataglayin mo ang pangalan ni Jesucristo. Ano ang pangako ng Ama sa Langit kung gagawin mo ang mga bagay na ito?”
Inisip ni Mariela ang natutuhan niya sa Primary. “Na mapapasaakin po ang Espiritu Santo.”
“Tama,” sabi ni Inay. “Magiging miyembro ka rin ng Simbahan ni Jesus. Paano mo tutuparin ang pangako mo na susundin ang mga kautusan?”
“Magiging mabait po ako, at magsasabi po ako ng totoo,” sabi ni Mariela. “Ano po ang ibig sabihin ng tataglayin ko ang pangalan ni Jesus?”
“Ibig sabihin nito sisikapin mong maging katulad Niya at gagawin ang gusto Niyang ipagawa sa iyo,” sabi ni Inay. “Ano ang magagawa mo para maging katulad ni Jesus?”
Inikut-ikot ni Mariela ang lilang bulaklak sa kanyang mga daliri. “Tatabihan ko po sa upuan ang bagong lipat na batang babae sa paaralan. At sisikapin ko pong maging mabait kay Sonia,” sabi niya.
“Magagandang ideya iyan,” sabi ni Inay. “At kapag nakikibahagi ka ng sakramento, maaalala mo ang iyong mga pangako.”
Ngumiti si Mariela. “May isa pa po akong pangako—didiligan ko ang mga bulaklak para magkaroon tayo ng magandang hardin!”