Tunay na Naniniwala ang mga Mormon sa Diyos
Ang awtor ay naninirahan sa Chihuahua, Mexico.
Sa isang airport malayo sa tahanan, nagkaroon ako ng pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo sa isang estranghero.
Naglalakbay ako noon mula sa Mexico papunta sa Montana, USA, at may layover sa Denver, Colorado. Naglakad-lakad ako sa paligid ng airport, nakatingin sa malalaking bintana at nakikita ang paglapag at paglipad ng mga eroplano. Kinakabahan ako dahil hindi pa ako nakasakay ng eroplano. Tila napakalaki ng airport.
Tiningnan ko ang tiket ko at natanto kong dalawang oras pa bago lumipad ang aking eroplano. Nagpasiya akong humanap ng lugar para makaupo at magbasa hanggang sa sumakay ako ng eroplano. Natakot ako habang naghahanap ako ng lugar na mauupuan. Halos bawat upuan ay may nakaupo na. Nagpasiya akong umupo sa tabi ng isang matandang babae na tila nag-iisa. Siya lamang ang tila hindi nakakatakot para sa akin.
Isang oras o higit pa ang lumipas bago ako nagpasiyang kausapin siya. Nagpakilala ako; parang napakabait niya at masayang nakipag-usap sa akin tungkol sa mga nagawa ng kanyang apo. Nagtanong siya nang kaunti tungkol sa aking sarili, at sinabi ko sa kanya ang lahat ng tungkol sa buhay ko sa Mexico. Pagkatapos ay bigla kong naramdaman ang kagustuhang ibahagi ang ebanghelyo sa kanya. Tinanong niya ako tungkol sa aking relihiyon, at sinabi ko sa kanya na ako ay miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Sinabi niya na hindi pa niya narinig kailanman ang tungkol dito.
Ngumiti ako at sinabi kong, “Kilala rin po kami bilang mga Mormon.”
Kaagad na naiba ang pakikitungo niya sa akin. Ang ekspresyon ng kanyang mukha at ang pakikipag-usap niya sa akin ay nagbago. Tila hindi niya alam ang sasabihin. Pakiramdam ko ay doon na matatapos ang pag-uusap namin, pero patuloy ko siyang kinausap. Tinanong ko siya tungkol sa kanyang relihiyon. Sinabi niya nang walang pag-aatubili, “Katoliko ako.”
Pagkatapos ay sinabi niya, “Hindi ko maunawaan. Mabait kang babae. Mukha kang disente. Bakit gusto mong maging Mormon?”
Nagulat ako sa komentaryong ito, at hindi ko alam kung paano tutugon. Tahimik akong nanalangin, hinihiling sa Ama sa Langit na tulungan akong ipaliwanag kung ano ang kahulugan sa akin ng pagiging Banal sa mga Huling Araw. Sinabi ko sa kanya na gustung-gusto ko ang pagiging miyembro ng Simbahan, at dahil sa mga turo ng ebanghelyo, ako ay naging mas mabuting tao at nagkaroon ng magandang pananaw sa mga bagay-bagay.
Mukha siyang nagulat at sinabing, “Ang mga Mormon ay hindi naniniwala sa Diyos.”
Sinikap kong huwag pagtawanan ang komentaryong ito; sa halip napangiti ako at natanto ko na ito ang pagkakataon ko para ibahagi ang katotohanan sa kanya. Ipinaliwanag ko ang ilan sa ating mga pangunahing paniniwala. Itinuro ko sa kanya ang tungkol sa plano ng kaligtasan at kahalagahan ng mga pamilya. Parang hindi pa rin siya nakumbinsi, kaya nagpasiya akong magpatotoo sa kanya. Doon sa isang malaking airport, nabigyan ako ng lakas ng loob na ibahagi ang aking patotoo tungkol kay Joseph Smith, tungkol sa buhay na propeta at mga apostol, at tungkol sa pagmamahal na nadarama ko sa ebanghelyo at sa Aklat ni Mormon.
Tiningnan ko ang orasan. Oras na para sumakay sa aking eroplano.
Nang hapong iyon lumakas ang aking patotoo sa paraang hindi ko naranasan noon. Masaya ako na ibinahagi ko ang aking patotoo sa kanya at nagpapasalamat na nagawa kong baguhin ang kanyang iniisip tungkol sa mga miyembro ng ating Simbahan. Ngayon ay mas may kumpiyansa na ako kapag may nagtanong sa akin tungkol sa Simbahan.