Paglilipat ng Tubo SUOT ang Maputik na Sapatos
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Ayaw ko nang ilipat ang isa pang tubo ng sprinkler.
“Salamat po, Bishop Rowley. Handa po kaming tumulong.” Kinuha ni Brother Hulet, na aming deacons quorum adviser, ang clipboard mula sa kamay ng bishop at sinabing, “May listahan ako rito na susulatan ng pangalan ng mga gustong magboluntaryo sa bukirin ng Simbahan. Natitiyak ko na masisiyahan ang Panginoon kung makatutulong tayong lahat sa darating na linggo.”
“Ano pong klaseng tulong?” ang marahan kong tanong. Ang pagpunta sa bukirin ng Simbahan ay para yatang hindi ganoon kasaya.
“Ang tanging gagawin natin sa linggong ito ay paglilipat ng tubo ng sprinkler.”
Paglilipat ng tubo! Natakot ako sa mga salitang iyon. Nabaling ang isipan ko sa nakaraang ilang buwan nang igiit ni Inay na magtrabaho ako sa tag-init. Sa aming munting bayan, isa lang ang ibig sabihin niyan—paglilipat ng tubo. Kaya’t sa buong tag-init, paglilipat ng tubo ang trabaho namin ng pinsan kong si Scott.
Sa unang araw ng aming trabaho sa tag-init, nakatayo kami’t nakatanaw sa malawak na taniman ng berdeng alfalfa. Ang mga tubo na 40-talampakan ang haba (12 m) ay pinagdurugtung-dugtong nang diretso at tila milya-milya ang inaabot nito. Pagkatapos ng maikling training, tinanggal namin ni Scott ang pagkakadugtong ng aming unang tubo. Iniangat ni Scott ang kabilang dulo, at lumabas ang malamig na tubig at nabasa ang aking sapatos na pang-tennis. Hinila namin ang tubo sa putikan at muli itong idinugtong sa kasunod na paakyat na tubo. Habang naglalakad kami pabalik sa susunod na tubo, naging mas makapal ang putik na kumapit sa sapatos ko at lalo itong bumigat. Sa huli, dahil sa putik, tubig, at sarili naming pawis ay basang-basa ang aming damit at nanlata na kami.
Bumalik sa aking isipan ang pagboboluntaryo sa bukirin ng Simbahan. “Eh, baka—baka hindi po ako makasama,” pautal kong sinabi. “Kailangan kong pumasok sa trabaho tuwing umaga.”
“Walang problema,” pagtiyak ni Brother Hulet. “Sa hapon naman lagi ang punta natin sa bukirin ng Simbahan.” Ipinasa ni Brother Hulet ang listahan. “Noong ang bawat isa sa inyo ay inorden sa priesthood, binigyan kayo ng kapangyarihang kumilos sa pangalan ng Diyos. At kapag naglilingkod tayo sa Kanya sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba, tayo ay kumikilos sa Kanyang pangalan. Bukod pa rito, sa pagtulong nating lahat, nagiging madali ang gawain natin.”
Ipinasa sa akin ang listahan. Hindi ako makapaniwala na lahat ay nagpalista na pupunta araw-araw sa linggong ito. Hindi ba nila alam kung gaano kahirap ito? Nakadama ako ng matinding pressure at parang mapipilitan ako. Masama ang loob, inilista ko ang pangalan ko at ipinasa ito.
Lunes ng hapon, nakaupo akong nagpapahinga sa aking silid mula sa trabaho ko sa umaga nang marinig ko ang pagbusina ni Brother Hulet sa labas. Nag-atubili ako sandali bago ko isinuot muli ang mabaho at mamasa-masa kong damit na pangtrabaho.
Hindi nagtagal huminto na kami sa bukirin ng Simbahan. Lahat ay nagmamadaling pumunta sa bukid maliban sa akin. Mabagal ang lakad ko, nakatungo ang ulo, sumisipa sa mga bato, nang magulat ako nang may humawak sa balikat ko. “Salamat sa pagsama mo sa amin,” sabi ni Brother Hulet. “Alam kong marami kang ginawa kaninang umaga.” Sabay kaming naglakad nang tahimik sa loob ng ilang sandali. Pagkatapos ay tumakbo na siya para ayusin ang grupo.
Minasdan ko siya at pinag-isipan ko ang sinabi niya sa akin. Ang dami kong ginawa nang umagang iyon. Pagod na ako at nangangamoy na, at gusto ko nang umuwi. Pero paano naman si Brother Hulet? Marami rin siyang trabaho nang umagang iyon. Gayon din ang lahat ng kalalakihan, kung tutuusin. Kaya bakit masaya pa sila na pumarito?
Humabol ako sa kanila, at nagsimula na kaming magtrabaho. Noong una, sinikap kong pasayahin ang sarili ko sa pag-iisip na dakilang sakripisyo ang ginagawa ko. Ngunit di nagtagal nakalimutan ko na ang iniisip ko, at napansin ko kung gaano kami kabilis gumawa sa tulong ng lahat. Nagtawanan kami at nag-usap-usap, at bigla kong natanto na talagang nasisiyahan ako! Sa loob ng ilang oras natapos namin ang aming gawain.
Habang pauwi kami, natanto ko na ang inakala kong magiging mahirap na sakripisyo ay tila napakaliit. Sa katunayan, sa pagtulong ng lahat, tila wala namang ginawang sakripisyo.
Itinigil ni Brother Hulet ang kanyang sasakyan sa harap ng aking bahay at lumingon sa akin. “Salamat sa tulong mo ngayon. Ang kasipagan mo ang nagpadali sa gawain para sa aming lahat.” Ngumiti siya at kumindat.
Napangiti rin ako. “Salamat po, pero ang pagtutulungan nating lahat ang nagpadali sa gawain.” Bumaba ako ng sasakyan at isinara ang pinto.
Pinaandar ni Brother Hulet ang sasakyan at umalis na. “Kung gayon, magkita tayo bukas?” ang sigaw niya sa bukas na bintana.
“Sige po. Magkita tayo bukas,” ang sabi ko.