2014
Naglakad nang Naglakad si Sarah
Hulyo 2014


Para sa Maliliit na Bata

Naglakad nang Naglakad si Sarah

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Patalun-talon si Sarah. Siya ay handa nang maglakad sa paligid ng Silver Lake kasama ang kanyang pamilya. Ang kanyang kapatid na si Josh, ay nauna nang tumakbo.

Di nagtagal nagsimula nang madama ni Sarah ang init ng araw sa kanyang mga bisig. Nagsimulang mapagod ang kanyang mga paa.

“Huwag kang mag-alala,” sabi ni Inay. “Malapit na tayo sa kotse natin.”

Sarado ang Tulay

At nakita ni Sarah ang malaking kulay-orange na lubid na nakaharang sa daanan. “Sira ang tulay,” sabi ni Itay. “Kailangan tayong maglakad pabalik sa paligid ng lawa.”

“Pero pagod na pagod na po ako!” sabi ni Sarah. Naupo si Josh sa lupa at sumimangot.

“Naaalala ba ninyo ang kuwento tungkol sa mga pioneer?” tanong ni Inay.

Tumango si Sarah. Gusto niya ang mga pioneer.

“Kinailangan nilang lumakad nang napakalayo,” sabi ni Inay. “Kung minsan ay napakainit, at kung minsan naman ay napakalamig. Ngunit patuloy silang naglakad. Pagdating nila sa kanilang bagong tahanan, nagtayo sila ng mga bahay at templo.”

Natuwa si Sarah na patuloy na naglakad ang mga pioneer. Magpapatuloy rin siya sa paglakad. Iniabot niya ang kanyang kamay kay Josh. “Halika na,” sabi niya. “Kailangan pa tayong maglakad.”