2014
Dalawang Liham mula kay Inay
Hulyo 2014


Dalawang Liham mula kay Inay

Ken Pinnegar, California, USA

Noong 1996 kaming mag-asawa ay may dalawang anak na lalaki, edad apat at pito. Kami ay isang karaniwang pamilya na abalang-abala. Isang hatinggabi nag-ukol ng oras ang aking asawa para lumiham sa aking pamangking si Glen na noon ay nagmimisyon sa Finland.

Sa kung anong dahilan, nadama niya na kailangan niyang sumulat ng mahabang liham—na puno ng mga detalye tungkol sa kung ano ang ginagawa ng bawat miyembro ng pamilya, ang kanilang espirituwal na kalagayan, ang nangyayari sa tungkulin naming mag-asawa sa Simbahan, ang pagsapi niya sa Simbahan, ang saloobin niya sa gawaing misyonero, at patotoo sa ebanghelyo.

Napakagandang liham niyon, pero naisip ko kung talagang kailangan ba ng pamangkin ko ang gayon karaming impormasyon. Kalaunan sinulatan niya itong muli.

Makalipas ang anim na taon, habang naglilingkod ako bilang bishop at ang aming mga anak ay edad 10 at 13 na, biglang nabago ang aking mundo. Noong Enero 2, 2002, namatay sa atake sa puso ang asawa ko sa edad na 42 taon lamang.

Sa bahay sinikap kong patuloy na sundin ang mga alituntunin sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.”1 Nalaman ko na kaya kong mamuno at maglaan sa aming pamilya, ngunit nagkulang ako sa pag-aarugang kailangan ng aking mga anak. Magkagayunman, patuloy kaming namuhay sa abot ng aming makakaya.

Noong Hunyo 2012 ang nakababata kong anak na si Sam, na noon ay nasa full-time mission sa Colorado Denver South Mission, ay nag-email sa akin. “May maganda pong nangyari sa linggong ito,” pagsulat niya. “Nakatanggap ako ng dalawang liham mula kay Inay.”

Ipinaliwanag niya na nakatanggap siya ng isang package mula sa pinsan niyang si Glen na may kasamang mga liham na isinulat ng kanyang ina kay Glen noong nasa Finland ito.

“Sinabi po niya sa akin na ang dalawang liham na ipinadala sa kanya ni Inay noong nasa misyon siya ay talagang isinulat para sa akin habang nasa misyon ako,” pagsulat ni Sam. “Kaya ipinadala niya ang mga ito sa akin, at napakaganda nito!”

Ang malaman ang pagbabalik-loob, patotoo, at saloobin ng kanyang ina sa gawaing misyonero ay “lubos na nagpapalakas ng loob sa panahong ito,” pagsulat ni Sam. Plano raw niyang i-photocopy ang mga liham at ipadala ang mga orihinal sa bahay.

“Hindi ko alam na naglingkod pala kayo bilang elders quorum president o bilang ward mission leader,” pagsulat ni Sam. Nalaman niya na noong siya ay apat na taong gulang, siya ay “tumatalon sa kama pagkatapos ng mga panalangin at sumisigaw ng ‘Gusto kong maging missionary.’”

Pagkatapos ay idinagdag pa niya ang isang bagay na natutuhan niya tungkol sa kanyang ina: “Siguro alam ni Inay na magiging wrestler ako dahil mabait daw ako kaya kong kaibiganin ang isang propesyonal na wrestler. :)”

Napaluha ako sa reaksyon ni Sam sa mga liham. Pagkaraan ng ilang linggo ipinadala niya ang mga ito sa bahay. Maganda, personal, at nakaaantig ang mga ito nang isulat noong 1996, ngunit dahil sa mga nangyari noong sumunod na mga taon, lalo pang tumindi ang epekto nito.

Ang mga liham ng aking asawa ay nagpatatag sa pamangkin ko, at gaya ng “[pagha]hasik ng tinapay sa tubigan” (tingnan sa Eclesiastes 11:1), bumalik ang mga ito makalipas ang ilang taon upang pagpalain ang kanyang anak na missionary at biyudong asawa.

Tala

  1. Tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.