Kapag pinag-aaralan natin at pinag-iisipang mabuti ang mga simbolo sa mga ordenansa ng ebanghelyo, ang ating kaisipan ay nasesentro kay Jesucristo.
Dahil nasa paligid natin ang mga simbolo, madalas ay hindi natin gaanong iniisip ang tungkol sa mga ito. Ngunit ang pagbibigay-pansin sa mga simbolo ng ebanghelyo ay maaaring maging susi sa higit na pagkaunawa.
Ginagamit ng mga banal na kasulatan ang salitang tulad ng uri, anino, sagisag, tanda, talinghaga, pag-alaala, saksi, o patotoo upang ilarawan ang isang bagay na naglalayon na ituon ang ating isipan sa iba pang bagay na mahalaga (tingnan sa Moises 6:63). Halimbawa, nang pinasimulan ni Jesus ang sakramento sa Huling Hapunan, ibinigay Niya sa Kanyang mga disipulo ang pira-pirasong tinapay na kakainin nila at sinabing, “Ito’y aking katawan, na ibinibigay dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin” (Lucas 22:19). Ngayon, malinaw na malinaw na ang tinapay ay hindi literal na Kanyang katawan; tulad ng sabi Niya, ito ay para ipaalala sa atin ang Kanyang katawan—at marami pang iba. Iyan ang dahilan kaya napakabisa ng mga simbolo—nagpaparating ito ng mensahe nang hindi gumagamit ng wika at nagpapaalala ng ilang magkakaugnay na kaisipan nang sabay-sabay, na nagdaragdag ng lalim at kahulugan.
Mangyari pa, ang mga ordenansa ay hindi lamang gawaing may isinisimbolo; naghahatid ang mga ito ng tunay na kapangyarihan para pagpalain tayo sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood. Ngunit naglalaman din ang mga ito ng mga simbolo na nagtuturo sa atin tungkol sa Tagapagligtas at sa ating mga tipan. Maging ang pagpapailalim sa at pagtanggap ng ordenansa ng priesthood ay panlabas na palatandaan ng pananampalataya at kababaang-loob ng isang tao. Narito ang marami sa mga simbolo na may kaugnayan sa mga ordenansa ng binyag, kumpirmasyon, at ng sakramento, gayundin ang ilan sa mga ideyang nauugnay sa mga ito.