2014
Manatiling Nakatuon sa Pampang
Hulyo 2014


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Manatiling Nakatuon sa Pampang

Itinuro sa akin ng anak ko ang isang nakaaantig na aral tungkol sa kung saan titingin at paano magtiis.

Isang biyahe sakay ng bangka papunta sa isla sa isang kalapit na national park ang tila perpektong pagkakataon para mas mapalapit sa aking anak. Ilang buwan nang nagpaplano ang mga lider ng Aaronic Priesthood at mga kabataang lalaki sa aming ward para sa paglalakbay na ito, at nasamahan ko sila.

Maganda ang kondisyon ng katawan ng anak kong si McKay, dahil kasali siya sa tatlong isports sa high school. Iyan siguro ang dahilan kaya ang mga lider ay pinagsama kami sa iisang bangka—alam nila na kaya niyang sumagwan nang mabuti kung kakailanganin. Nakapagsagwan na rin ako ng isang bangka, kaya mukhang maganda kaming pagsamahin.

Gustung-gusto ko ring magkaroon ng pagkakataon sa lawa na makapag-usap kami. Nahirapan si McKay mula nang mamatay ang kanyang ina, at hindi ako palaging nakatutugon sa pinakamainam na paraan sa kanyang mga pangangailangan at interes.

Nakapag-training kami, may suot kaming mga life vest, marunong kaming lumangoy, at magagaling na lider ang gumagabay sa amin.

Ang hindi namin napaghandaan ay ang hangin. Ilang milya na ang aming nasagwan, pagkatapos ay tumawid kami sa gitna ng lawa at malapit na sa pampang nang biglang umihip ang isang napakalakas na hangin.

Ang iba pang mga bangka ay nakadaong na sa pampang, ngunit kami ni McKay ay nakasakay sa huling bangka. Lumalaki na ang mga alon, at papalayo kami sa tamang direksiyon habang patuloy kami sa pagsagwan, sa pagsisikap na makabalik sa tamang direksiyon. Pagod na ako at kinakabahan. Buong lakas akong sumagwan sa tubig, sinisikap na bumalik sa tamang direksiyon, ngunit tila hindi kami umaalis sa aming kinalalagyan.

Nanganganib nang tumaob ang bangka namin nang inamin ko nang malakas na hindi ko alam kung may sapat pa akong lakas para magpatuloy. Pagkatapos ay sinabi ng anak ko, “Sa alon po kayo nakatingin, Itay. Hindi po tayo makakaalis dito kapag ginawa ninyo iyan. Kailangan pong ituon ninyo ang inyong paningin sa pampang. Nakikita po ba ninyo ang punong iyon sa burol? Iyon po ang gusto nating marating. Doon po kayo tumingin, at makakarating tayo sa pampang.”

Tama siya. Nang ituon ko ang aking pansin sa puno, nanatili ako sa tamang direksiyon. Pakiramdam ko’y lumakas muli ang mga bisig ko. Sabay kami sa pagsagwan ni McKay sa pagsigaw niya ng—“Sagwan. Tigil. Sagwan. Tigil.” At patuloy kami sa pag-usad.

Narating namin ang pampang, lumapit ang iba para tumulong, at naupo kami at nagpahinga hanggang sa makahinga kami nang maayos. Nang gabing iyon sa aming tolda pinag-usapan naming mag-ama ang naranasan namin.

Sabay naming naalala ang itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson tungkol sa parola ng Panginoon: “Tumatanglaw ito sa kabila ng mga unos ng buhay. Ang panawagan nito ay, ‘Ito ang landas tungo sa kaligtasan; ito ang landas pauwi.’”1

Nang hapong iyon, isang puno sa pampang ang naging parola namin. Nang malapit na akong mawalan ng pag-asa, matalino akong pinayuhan ng anak ko na huwag tumingin sa mga alon kundi ituon ang aking pansin sa pampang. At magkasama kaming sumagwan, nang maraming beses.

Tala

  1. Thomas S. Monson, “Standards of Strength,” New Era, Okt. 2008, 2.