Kapag kinakausap ko ang mga kaibigan ko tungkol sa Simbahan, sinasabi nila na hindi sila interesado dahil napakarami nitong patakaran. Ano ang maaari kong sabihin sa kanila?
Ang ating saloobin sa alinmang “patakaran” ay may malaking kaugnayan sa nakasanayan natin. Kung ang iyong mga kaibigan ay nasanay nang hindi nagsesepilyo ng kanilang ngipin at sinabi mo sa kanila na araw-araw kang nagsesepilyo dahil itinuro ito sa iyo, baka ituring nilang mabigat ang patakarang ito. Pero ikaw, hindi mo man lang naisip na patakaran ito dahil nakagawian mo na ito, naging paraan ng pamumuhay. Bagama’t maaaring iniisip nila na ang hindi pagsesepilyo ng ngipin ay isang uri ng kalayaan, alam mo ang mga problemang idudulot nito at kung gaano kasarap ang pakiramdam ng magkaroon ng malinis at matibay na mga ngipin.
Ganito rin sa “mga patakaran” ng Simbahan. Maaaring isipin ng iyong mga kaibigan na mahigpit ang sinusunod nating mga pamantayan, pero alam mo na ang mga ito ay ibinigay sa atin ng Panginoon at ng Kanyang mga lingkod para tulungan tayong magkaroon ng mas magandang buhay at makabalik sa Ama sa Langit. Gayundin, ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ay palaging may dulot na mga pagpapala, at isa na dito ang patnubay ng Espiritu Santo. Puwede mong subukang ilarawan ang mga pakinabang at pagpapalang ito sa iyong mga kaibigan, at maaari mong sabihin sa kanila na ang tanging paraan para malaman kung ang mga “patakaran” ay mula sa Diyos ay dapat nila itong subukan (tingnan sa Juan 7:17).