Para sa Lakas ng mga Kabataan
TrabahoSino ang Nangangailangan Nito?
Ang trabaho ay maaaring hindi palaging masaya, ngunit maaaring magulat kayo sa magandang pakiramdam na maaaring maidulot nito.
Noong binatilyo pa ako, gustung-gusto kong naglalaro at nasisiyahan ako na tulad ng iba. At nang mag-16 anyos ako, gustung-gusto kong nakikipagdeyt at kasa-kasama ang aking mga kaibigan. Mas nasiyahan ako sa mga aktibidad na iyon kaysa sa pagtatrabaho.
Ngunit, gaya ng marami sa inyo, mayroon akong trabaho noon. Ang ama ko ay nagtrabaho sa construction business, nagtatayo ng mga bahay, at madalas niya akong kunin at ang tatlo kong kapatid na lalaki para tulungan siya. Matindi at mahirap ang trabaho; may mga pagkakataon na talagang hindi ko gustong nagtatrabaho. Pero kailangan naming sundin ang mga iskedyul at tapusin ang mga proyekto, kaya nagtrabaho kami nang husto bawat araw hanggang sa matapos ang trabaho. Bagama’t hindi ko ito natanto noon, ang pagtatrabaho na kasama ang pamilya ko ay nagturo sa akin ng maraming aral.
Kasiyahan ang Hatid ng Magandang Trabaho
Ang pagtatayo ng mga bahay ay nangangailangan ng mahabang panahon, pagsisikap, at katumpakan. Ang isang aspeto kung saan naisip ko na hindi namin kailangang gawin nang eksakto ay ang paghuhukay ng footings o pagpapatungan ng isang bahay. Iba ang nasa isip ng aking ama.
Para mailatag ang pundasyon para sa isang bahay, una ay kailangan mong hukayin at buhusan ng semento ang footings o pagpapatungan. Ang footings ay mga pad ng semento na mas malapad kaysa sa pundasyon. Kapag nabuhusan na ang footings o pagpapatungan at tumigas na ito, bubuhusan ang pundasyon sa ibabaw ng footings o pagpapatungan. Pagkatapos ay tatabunan itong muli ng lupa.
Madalas kong maisip noon kung talagang mahalaga na ang footings o pagpapatungan ay perpektong kuwadrado. Tutal, kapag natakpan na ito ng lupa, wala nang makakakita sa mga ito, at hindi nito pahihinain ang istruktura na sumusuporta sa bahay. Ngunit gusto pa rin ng tatay ko na kuwadrado at flat ang footings o pagpapatungan, sinusukat nang wasto at buong ingat, at ginawa niya ito sa bawat bahay na itinayo niya.
Sa pag-alala sa pangyayaring ito, natanto ko na pareho ang pangangalaga na ipinakita ng aking ama sa lahat ng ginawa niya sa kanyang trabaho, maging sa mga bagay na hindi napapansin ng may-ari. Ang maingat niyang pagbibigay-pansin sa mga detalye ay nangangahulugang mapagkakatiwalaan siya ng mga tao na maayos ang kanyang trabaho, at nasisiyahan siya dahil alam niya na ang kanyang gawa ay may pinakamagandang kalidad at pahahalagahan ito ng may-ari.
Maaaring may mga pagkakataon na walang sinumang makaaalam kundi ikaw at ang Panginoon lang kung gaano kahusay ang ginawa mong trabaho. Dapat mong malaman na alam ng Panginoon ang iyong pagsisikap. Kapag ginawa mo ang lahat ng makakaya mo, magiging maganda ang pakiramdam mo sa iyong sarili, batid na nagkaroon ka ng integridad, maaari kang asahan, at kapaki-pakinabang ang iyong mga kasanayan.
Matututuhan mo sa iyong karanasan ang kahalagahan ng batas ng pag-ani ng Panginoon: “Ang lahat na ihasik ng tao, ay siya namang aanihin niya” (Mga Taga Galacia 6:7; tingnan din sa D at T 130:20–21).
Ang Pag-uugali ay Nakakaapekto sa Lahat ng Bagay
Ang paghuhukay ng footings o pagpapatungan ay nangangahulugan ng mahaba, at mainit na oras, at aaminin ko, hindi ako palaging masaya sa paggawa nito. Sa tuwing maririnig ng aking ina na nagrereklamo ako tungkol sa pagtatrabaho, sinasabi niyang, “Mag-ingat ka. Mawawala ang mga biyaya mo, at kailangan mo pa ring magtrabaho!” (Tingnan sa D at T 58:28–29.) Tama siya. Hindi kailanman maaalis ang trabaho sa pagrereklamo; mawawala lamang ang kasiyahan at ang marami sa mga pagpapalang hatid ng paggawa nito.
Nalaman ko na kapag pinili kong makinig sa aking ina at gawin ang gawain nang may masayang puso, mas mabilis na lumilipas ang oras, mas maganda ang natatapos na trabaho, at mas masaya ako kaysa kapag nagrereklamo ako. Ang pag-uugali ay nakakaapekto sa lahat ng bagay.
Ang Pinakamahalagang Gawain ay ang Gawain ng Diyos
Ang pagmimisyon ay karanasang nagmulat sa akin. Natanto ko na wala nang ibang mas mahalagang gawain kaysa sa gawain ng ating Ama sa Langit, na siyang nagpapala ng buhay natin, na Kanyang mga anak: “Sapagkat masdan, ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).
Sa paggawa mo ng gawain ng Ama sa Langit na maglingkod sa Kanyang mga anak, madarama mo, tulad ng nangyari kay Alma, ang dakilang kagalakan sa pagiging “kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang madala ang ilang kaluluwa sa pagsisisi; at ito ang [iyong] kagalakan” (Alma 29:9).
Isang Paanyaya
Kaya sino ang nangangailangan ng trabaho? Tayong lahat! Dito nagmumula ang pagtayo sa sariling paa, pagtatagumpay, at kagalakan sa buhay na ito. Habang masaya kang nagtatrabaho, ang lahat ng nasa paligid mo ay aani nang sagana dahil sa itinanim mong mga binhi.
Sa mga gawain mo sa linggong ito, inaanyayahan kita na pag-isipan ang mga aral na natutuhan ko at pagkatapos ay subukan ang eksperimentong ito: sa susunod na ikaw ay bigyan ng trabaho o gagawin, gawin ito sa abot ng iyong makakaya, maging masayahin, at tingnan kung ano ang mangyayari. Maaaring magulat ka kung gaano ka kasaya at kung gaano kaganda ang pakiramdam mo.