LDS Charities Tampok sa Kaganapan sa United Nations
Ang gawain ng LDS Charities ang paksa ng katatapos na panel discussion sa United Nations headquarters sa New York, USA. Ang kaganapang, “Discovering Mormonism and Its Role in Humanitarian Assistance [Pagtuklas sa Mormonismo at ang Papel na Ginagampanan Nito sa Tulong-Pantao],” ay bahagi ng seryeng Focus on Faith na itinataguyod ng mga pribadong organisasyon na bahagi ng Department of Public Information ng U.N.
“Layunin ng seryeng ito na mas maipaunawa kung paano nagkakaisa ang iba’t ibang relihiyon sa mga pangunahing alituntunin na tulad ng pagpaparaya, paggalang sa mga taong naiiba sa atin, at ang pangakong lutasin nang may pagkakaunawaan at kahinahunan ang mga pagtatalo,” paliwanag ng panel moderator na si Felipe Queipo, isang public information assistant sa U.N. na miyembro ng Simbahan mula sa Spain.
“Ang pangalagaan ang mga maralita ay pangunahing tungkulin ng sinumang may pagpipitagan sa Diyos at sa layon ng kapatiran ng lahat ng kalalakihan at kababaihan—na paglingkuran, pasiglahin, at tulungan ang mga tao, at ibsan ang kanilang pagdurusa anuman ang kanilang relihiyon, pilosopiya sa buhay, nasyonalidad, lipi, kasarian, o pinagmulan,” sabi ni Sharon Eubank, direktor ng LDS Charities, na nakibahagi sa talakayan.
Sa kanyang pananalita nirepaso rin niya ang nakasaad na layunin ng LDS Charities: ibsan ang pagdurusa, pagyamanin ang pag-asa sa sarili, at maglaan ng mga pagkakataong mapaglingkuran ang mga pamilya ng lahat ng nasyonalidad. Ang mahahalagang proyekto nito, sabi niya, ay malinis na tubig, neonatal resuscitation, pangangalaga sa mata, pamamahagi ng wheelchair, pagbabakuna, pagkain, at agarang tulong.
Kabilang sa iba pang mga kalahok na Banal sa mga Huling Araw sina Ahmad S. Corbitt, direktor ng New York Office of Public and International Affairs ng Simbahan, at John P. (Phil) Colton, na naglilingkod kasama ang kanyang asawang si Barbara, bilang U.N. representative ng LDS Charities.
Sinabi ni Brother Corbitt na may “mga taong mabuti ang kalooban sa lahat ng relihiyon sa mundo,” na binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagtutulungan. Ipinaliwanag ni Brother Colton ang mga paraan na nakatulong ang LDS Charities sa halos dalawang milyong katao sa 132 bansa noong 2013.