Pagiging Ganap kay Cristo
Ang pag-unawa sa nagbabayad-salang pagmamahal na buong layang ibinigay ng Tagapagligtas ay magpapalaya sa atin mula sa pinagpipilitan, mali, at di-makatotohanang mga inaasahan tungkol sa kahulugan ng pagiging ganap o perpekto.
Kinakanta natin kasama ang ating mga anak ang, “Aking nadarama, ang pag-ibig ni Cristo.”1
Ang Kanyang nagbabayad-salang pagmamahal, na buong layang ibinigay sa atin, ay tulad sa pagbili ng “gatas at pulot, nang walang salapi at walang bayad” (2 Nephi 26:25). Walang katapusan at walang hanggan (tingnan sa Alma 34:10), inaanyayahan tayo ng Pagbabayad-sala na “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya” (Moroni 10:32).
Ang pag-unawa sa nagbabayad-salang pagmamahal na buong layang ibinigay ng Tagapagligtas ay magpapalaya sa atin mula sa pinagpipilitan, mali, at di-makatotohanang mga inaasahan tungkol sa kahulugan ng pagiging ganap o perpekto. Ang gayong pag-unawa ay pumapawi ng takot na hindi tayo perpekto—takot na nagkakamali tayo, takot na hindi sapat ang ating kabutihan, takot na bigo tayo kumpara sa iba, takot na hindi sapat ang ginagawa natin para maging marapat sa Kanyang pagmamahal.
Ang nagbabayad-salang pagmamahal na ibinigay ng Tagapagligtas ay tumutulong sa atin na maging mas mapagpatawad at di-gaanong mapanghusga sa ibang tao at sa ating sarili. Ang pagmamahal na ito ay nagpapatibay sa ating mga kaugnayan at nagbibigay sa atin ng mga pagkakataong magmahal, umunawa, at maglingkod tulad ng ating Tagapagligtas.
Binabago ng Kanyang nagbabayad-salang pagmamahal ang konsepto natin tungkol sa pagiging perpekto. Maaari tayong magtiwala sa Kanya, masigasig na sumunod sa Kanyang mga utos, at patuloy na manampalataya (tingnan sa Mosias 4:6)—habang nadarama rin natin na higit na magpakumbaba, magpasalamat, at umasa sa Kanyang kabutihan, awa, at biyaya (tingnan sa 2 Nephi 2:8).
Sa mas malawak na kahulugan, sinasakop ng paglapit kay Cristo at pagiging ganap sa Kanya ang pagiging ganap sa walang-hanggang paglalakbay ng ating espiritu at katawan—ibig sabihin, ang walang-hanggang paglalakbay ng ating kaluluwa (tingnan sa D at T 88:15). Ang pagiging ganap ay bunga ng ating paglalakbay sa buhay, kamatayan, at pagkabuhay na mag-uli, kapag lahat ng bagay ay nabalik “sa kanilang wasto at ganap na anyo” (Alma 40:23). Kabilang dito ang proseso ng espirituwal na pagsilang, na naghahatid ng “malaking pagbabago” sa ating puso at pag-uugali (Mosias 5:2). Ito ay bunga ng ating habambuhay na pagpapadalisay sa pamamagitan ng paglilingkod na katulad ni Cristo at pagsunod sa mga utos ng Tagapagligtas at pagtupad ng ating mga tipan. At may kinalaman ito sa kaugnayan ng mga buhay sa mga patay na humahantong sa kanilang pagiging ganap (tingnan sa D at T 128:18).
Gayunman, ang salitang perpekto kung minsan ay nabibigyan ng maling pakahulugan na ang ibig sabihin nito ay hindi nagkakamali kailanman. Marahil nagsisikap kayo o ang isang taong kilala ninyo na maging perpekto sa ganitong paraan. Dahil ang gayong pagkaperpekto ay tila laging imposibleng maabot, na kahit ang pinakamainam nating mga pagsisikap ay maaaring magpadama sa atin ng pagkabalisa, kawalan ng pag-asa, o pagkapagod. Hindi natin kayang kontrolin ang ating mga sitwasyon at ang mga tao sa ating paligid. Naliligalig tayo sa ating mga kahinaan at kamalian. Katunayan, habang lalo tayong nagsisikap, lalo tayong napapalayo sa pagkaperpektong hangad natin.
Sa kasunod nito, hinahangad kong palalimin ang ating pagpapahalaga sa doktrina ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa pagmamahal at awa na buong layang ibinigay ng Tagapagligtas sa atin. Inaanyayahan ko kayong gamitin ang inyong pag-unawa sa doktrina ng Pagbabayad-sala para tulungan ang inyong sarili at ang iba, kabilang na ang mga missionary, estudyante, young single adult, ama, ina, namumuno sa pamilya na walang asawa, at iba pa na namomroblema na mahanap ang kaganapan o maging perpekto.
Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo
Inihanda mula pa sa pagkakatatag ng mundo (tingnan sa Mosias 4:6–7), tinutulutan tayo ng Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas na matuto, magsisi, at umunlad sa sarili nating mga karanasan at pagpapasiya.
Sa pagsubok sa mundo, ang paunti-unting “taludtod sa taludtod” (D at T 98:12) na espirituwal na pag-unlad at “malaking pagbabago” ng puso (Alma 5:12, 13; Mosias 5:2) na mga espirituwal na karanasan ay tumutulong sa atin na lumapit kay Cristo at maging ganap sa Kanya. Ang pamilyar na mga katagang “magtiis hanggang wakas” ay nagpapaalala sa atin na ang walang-hanggang pag-unlad kadalasan ay kinapapalooban ng panahon at patuloy na pagkilos.
Sa huling kabanata ng Aklat ni Mormon, itinuturo sa atin ng dakilang propetang si Moroni kung paano lumapit at maging ganap kay Cristo. “Pagkaitan ang [ating] sarili ng lahat ng kasamaan.” “[Ibigin] ang Diyos nang buo [nating] kakayahan, pag-iisip at lakas.” Kung magkagayon ang Kanyang biyaya ay sapat sa atin, “upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya [tayo] ay maging ganap kay Cristo.” Kung “hindi [natin] itatatwa” ang kapangyarihan ng Diyos, maaari tayong “[pabanalin] kay Cristo sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos,” na “siyang nasa tipan ng Ama tungo sa ikapagpapatawad ng [ating] mga kasalanan,” upang tayo ay “maging banal, na walang bahid-dungis” (Moroni 10:32, 33).
Sa huli, ang “dakila at huling hain” ng Tagapagligtas ang naghahatid ng “awa, na nangingibabaw sa katarungan, at nagbibigay ng daan sa mga tao upang sila ay magkaroon ng pananampalataya tungo sa pagsisisi” (Alma 34:14, 15). Tunay ngang ang ating “pananampalataya tungo sa pagsisisi” ay mahalaga para tayo makalapit kay Cristo, maging ganap sa Kanya, at magtamasa ng mga pagpapala ng “dakila at walang hanggang plano ng pagtubos” (Alma 34:16).
Ang lubos na pagtanggap sa Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas ay magpapaibayo sa ating pananampalataya at magpapalakas ng ating loob na talikuran ang mga inaasahang pilit na sinasabi sa atin na kahit paano ay kailangang maging perpekto tayo o ang mga bagay-bagay. Sinasabi ng makitid na pag-iisip na lahat ng bagay ay lubos na perpekto o kaya’y may depektong wala nang lunas. Ngunit maaari nating tanggapin nang may pasasalamat, bilang mga anak ng Diyos, na tayo ang pinakadakila sa lahat ng Kanyang likha (tingnan sa Awit 8:3–6; Sa mga Hebreo 2:7), kahit paunti-unti pa rin ang ating pag-unlad.
Kapag naunawaan natin ang nagbabayad-salang pagmamahal na buong layang ibinigay ng ating Tagapagligtas, mawawala ang takot natin na baka Siya ay isang hukom na malupit at mapanghusga. Sa halip, madarama natin ang kapanatagan, “sapagka’t hindi sinugo ng Dios ang Anak sa sanglibutan upang hatulan ang sanglibutan; kundi upang ang sanglibutan ay maligtas sa pamamagitan niya” (Juan 3:17). At nauunawaan natin na kailangan ang panahon at pagkilos para umunlad (tingnan sa Moises 7:21).
Ang Ating Sakdal na Halimbawa
Tanging ang ating Tagapagligtas ang nabuhay nang sakdal, at natuto at umunlad pa Siya sa karanasan sa buhay na ito. Katunayan, “hindi niya tinanggap ang kaganapan sa simula, subalit nagpatuloy nang biyaya sa biyaya, hanggang sa tanggapin niya ang kaganapan” (D at T 93:13).
Natutuhan Niya sa pamamagitan ng karanasan sa buhay na ito na “[dalhin] ang [ating] mga kahinaan … upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao” (Alma 7:12). Hindi Siya nagpatangay sa mga tukso, kasalanan, o pamimilit sa araw-araw, kundi Siya ay nagpakababa-baba sa lahat ng pagsubok at hamon ng mortalidad (tingnan sa D at T 122:8).
Sa Sermon sa Bundok, inutusan tayo ng Tagapagligtas: “Kayo nga’y mangagpakasakdal” (Mateo 5:48). Ang salitang Griyego para sa sakdal ay maaaring isalin bilang “ganap, lubos, husto” (tingnan sa Mateo 5:48). Inuutusan tayo ng ating Tagapagligtas na maging ganap, lubos, husto—maging sakdal sa kabanalan at mga katangiang ipinakita Niya at ng ating Ama sa Langit.2
Tingnan natin kung paano matutulungan ng pag-angkop sa doktrina ng Pagbabayad-sala ang mga nakadarama na kailangan nilang mahanap ang kaganapan o maging perpekto.
Pagiging Perpeksyonista
Ang maling pagkaunawa sa ibig sabihin ng maging perpekto ay maaaring mauwi sa pagiging perpeksyonista—isang pag-uugali o asal na may kahanga-hangang hangaring maging mabuti at nagkakaroon ng di-makatotohanang pag-asa na maging perpekto ngayon. Ang pagiging perpeksyonista kung minsan ay bunga ng damdamin na iyon lamang mga perpekto ang dapat mahalin o na hindi tayo nararapat maging masaya kung hindi tayo perpekto.
Ang pagiging perpeksyonista ay maaaring maging dahilan ng hindi pagtulog, pagkabalisa, pagpapaliban, kawalan ng pag-asa, pangangatwiran, at kalungkutan. Mapapawi ng mga damdaming ito ang kapayapaan, kagalakan, at kapanatagang nais ng Panginoon na mapasaatin.
Ang mga missionary na nais maging perpekto ngayon ay maaaring mabalisa o mawalan ng pag-asa kung hindi nila matutuhan kaagad ang wika sa kanilang misyon, hindi nila mabinyagan kaagad ang mga tao, o hindi sila mabigyan kaagad ng mga tungkulin sa pamumuno sa mission. Sa mahuhusay na kabataan na sanay sa tagumpay, maaaring ang misyon ang maging una nilang mahirap na hamon sa buhay. Ngunit ang mga missionary ay maaaring maging lubos na masunurin nang hindi nagiging perpekto. Masusukat nila ang kanilang tagumpay unang-una sa kanilang tapat na pagtulong sa mga tao at pamilya na “maging matatapat na miyembro ng Simbahan na nakikinabang sa presensya ng Espiritu Santo.”3
Ang mga estudyanteng nagsisimula ng isang bagong taon sa paaralan, lalo na ang mga lumilisan ng bahay para magkolehiyo, ay kapwa sabik at nag-aalala. Ang mga estudyanteng iskolar, atleta, artist, at iba pa ay hindi na nagiging matagumpay at popular sa bagong paaralan kundi nagiging karaniwang estudyante na lang sila roon. Agad madarama ng mga estudyanteng may tendensiyang maging perpeksyonista, gaano man sila magsikap, na bigo sila kung hindi sila nangunguna sa lahat ng bagay.
Iniisip ang mga kailangang gawin sa buhay, malalaman ng mga estudyante na kung minsan ay talagang ayos lang na gawin ang lahat ng makakaya nila at na hindi posible na palaging sila ang pinakamahusay.
Inaasahan din natin na maging perpekto ang ating sariling tahanan. Ang isang ama o ina ay maaaring madama na napipilitan siyang maging perpektong asawa, magulang, maybahay, naghahanapbuhay, o bahagi ng isang perpektong pamilyang mga Banal sa mga Huling Araw—ngayon.
Ano ang tutulong sa mga nahihirapang labanan ang kanilang tendensiyang maging perpeksyonista? Ang mga tanong na nagmamalasakit at nag-aanyaya ng tapat na kasagutan ay nagpapadama sa kanila na tanggap at mahal natin sila. Inaanyayahan nito ang iba na magtuon ng pansin sa positibong bagay. Ipinahihiwatig nito sa atin na ang ating nadarama ay magiging maayos. Maiiwasan ng pamilya at mga kaibigan ang pagkukumpara sa tagumpay ng iba at sa halip ay manghikayat nang taos-puso.
Ang isa pang di-magandang aspeto ng pagiging perpeksyonista ay ang pasunurin ang iba sa ating di-makatotohanan, mapanghusga, o mahigpit na mga pamantayan. Ang gayong pag-uugali, sa katunayan, ay ipinagkakait o nililimitahan ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa ating buhay at sa buhay ng iba. Halimbawa, ang mga young single adult ay maaaring gumawa ng listahan ng mga katangiang gusto nila sa kanilang mapapangasawa pero hindi naman makapag-asawa dahil sa di-makatotohanang mga inaasahan sa perpektong asawa.
Sa gayon, maaaring ayaw makipagdeyt ng isang babae sa isang mabait at karapat-dapat na lalaki na hindi makaabot sa sukatan niya bilang perpeksyonista—hindi siya mahusay sumayaw, walang planong yumaman, hindi nagmisyon, o umamin na nagkaroon ng problema sa pornograpiya noong araw na napagsisihan at nalutas na.
Gayon din, maaaring ayaw ideyt ng isang lalaki ang isang mabait at karapat-dapat na babae na hindi tugma sa kanyang di-makatotohanang pamantayan—hindi siya mahilig sa isports, hindi president ng Relief Society, hindi reyna ng kagandahan, hindi marunong magbadyet, o umamin na lumabag sa Word of Wisdom noong araw na nalutas na.
Mangyari pa, dapat nating isipin ang mga katangiang hinahangad natin sa ating sarili at sa mapapangasawa natin. Dapat nating panatilihin ang ating pinakamatataas na inaasam at pamantayan. Ngunit kung tayo ay mapagpakumbaba, mamamangha tayo sa kabutihan sa di-inaasahang mga lugar, at maaari tayong magkaroon ng mga pagkakataong mapalapit sa isang taong tulad natin ay hindi perpekto.
Kinikilala ng pananampalataya na ang kahinaan, sa pamamagitan ng pagsisisi at kapangyarihan ng Pagbabayad-sala, ay maaaring maging kalakasan at ang mga kasalanang napagsisihan ay talagang mapapatawad.
Ang masayang pagsasama ng mag-asawa ay hindi bunga ng dalawang perpektong taong nagsumpaan. Sa halip, tumitindi ang katapatan at pagmamahalan kapag ang dalawang taong hindi perpekto ay pinalakas, tinulungan, hinikayat at pinatawad ang isa’t isa sa kanilang pagsasama. Minsan ay may nagtanong sa asawa ng isang propeta sa makabagong panahon kung ano ang pakiramdam ng makasal sa isang propeta. Buong talino siyang sumagot na hindi siya nagpakasal sa isang propeta; nagpakasal lang siya sa lalaking lubos ang katapatan sa Simbahan anumang tungkulin ang ibigay sa kanya.4 Sa madaling salita, sa paglipas ng panahon, ang mag-asawa ay magkasamang umuunlad—bilang indibiduwal at bilang mag-asawa.
Ang paghihintay para sa isang perpektong asawa, perpektong edukasyon, perpektong trabaho, o perpektong bahay ay matagal at malungkot. Matalino tayo sa pagsunod sa Espiritu sa mahahalagang desisyon sa buhay at huwag hayaang humadlang sa ating pag-unlad ang mga pangambang likha ng ating pagiging perpeksyonista.
Para sa mga taong nahihirapan o nababalisa, taos-pusong itanong sa inyong sarili, “Naaayon ba ang pakahulugan ko sa pagiging perpekto at tagumpay sa mga doktrina ng nagbabayad-salang pagmamahal ng Tagapagligtas o sa mga pamantayan ng mundo? Sinusukat ko ba ang tagumpay o kabiguan ayon sa pagpapatibay ng Espiritu Santo sa aking mabubuting hangarin o ayon sa ilang makamundong pamantayan?”
Para sa mga taong pagod na ang katawan o damdamin, simulan ang regular na pagtulog at pamamahinga, at mag-ukol ng oras na kumain at maglibang. Unawain na ang pagiging abala ay hindi kapareho ng pagiging karapat-dapat, at hindi kailangang maging perpekto para maging karapat-dapat.5
Para sa mga taong mahilig tumingin sa sarili nilang mga kahinaan o pagkukulang, magalak at magpasalamat sa mga bagay na nagagawa ninyo nang mahusay, gaano man ito kalaki o kaliit.
Para sa mga taong natatakot na mabigo at nagpapaliban, kung minsan sa labis na paghahanda, mapanatag at mahikayat na hindi kailangang umiwas sa mahihirap na gawain na maaaring magdulot ng malaking pag-unlad!
Kung kailangan at angkop, humingi ng espirituwal na payo o magpagamot sa mahusay na doktor para kayo mapahinga, magkaroon ng mga positibong paraan na mag-isip at ayusin ang inyong buhay, bawasan ang mga ugaling nagpapahina ng loob, at lalo pang magpasalamat.6
Ang pagkainip ay sagabal sa pananampalataya. Ang pananampalataya at pagtitiyaga ay makatutulong sa mga missionary na maunawaan ang bagong wika o kultura, ang mga estudyante na maging mahusay sa mga bagong asignatura, at ang mga young single adult na bumuo ng mga kaugnayan sa halip na hintaying maging perpekto ang lahat. Tutulungan din ng pananampalataya at pagtitiyaga ang mga naghihintay ng temple sealing clearance o panunumbalik ng mga pagpapala ng priesthood.
Kapag kumilos tayo at hindi pinakikilos (tingnan sa 2 Nephi 2:14), maaari tayong magkaroon ng balanseng buhay sa kabanalan at umunlad sa buhay. Maaari itong makita sa isang “pagsalungat,” na “magkasama sa isa” (2 Nephi 2:11).
Halimbawa, maaari tayong tumigil sa pagiging tamad (tingnan sa D at T 88:124) nang hindi tumatakbo nang higit na mabilis kaysa sa ating lakas (tingnan sa Mosias 4:27).
Maaari tayong maging “sabik sa paggawa ng mabuting bagay” (D at T 58:27) habang paminsan-minsan ding tumitigil upang “mapanatag at malaman na ako ang Diyos” (Awit 46:10; tingnan din sa D at T 101:16).
Masusumpungan natin ang ating buhay kung mawawalan tayo nito alang-alang sa Tagapagligtas (tingnan sa Mateo 10:39; 16:25).
Hindi tayo maaaring “mapagod sa paggawa ng mabuti” (D at T 64:33; tingnan din sa Mga Taga-Galacia 6:9) habang nag-uukol ng sapat na panahon para lumakas sa espirituwal at pisikal.
Maaari tayong magsaya nang hindi nawawalan ng galang.
Maaari tayong magtawanan nang hindi pinagtatawanan ang iba.
Inaanyayahan tayo ng ating Tagapagligtas at ng Kanyang Pagbabayad-sala na “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya.” Kapag ginawa natin ito, nangangako Siya na ang Kanyang biyaya ay “sapat sa inyo, upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay maging ganap kay Cristo” (Moroni 10:32).
Para sa mga nahihirapang mahanap ang kaganapan o maging perpekto ngayon, pinapanatag tayo ng nagbabayad-salang pagmamahal na buong layang ibinigay sa atin ng ating Tagapagligtas:
“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.
“… Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan” (Mateo 11:28–30).7