Ang mga Banal na Tipan ay Nagpapatatag sa mga Kristiyano
Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2009, “Ang Kapangyarihan ng mga Tipan.”
Ano ang mayroon sa paggawa at pagtupad ng mga tipan sa Diyos na nagbibigay sa atin ng lakas?
Noong Agosto 15, 2007, dumanas ng napakalakas na lindol ang Peru na nagwasak sa halos lahat ng lungsod sa baybayin ng Pisco at Chincha. Gaya ng maraming iba pang mga lider at miyembro ng Simbahan, agad tumulong si Wenceslao Conde, pangulo ng Balconcito Branch ng Simbahan sa Chincha, sa ibang mga taong nasiraan ng bahay.
Apat na araw pagkaraan ng lindol, nasa Chincha si Elder Marcus B. Nash ng Pitumpu at tumulong na maisaayos ang tulong ng Simbahan doon at [kinausap] niya si President Conde. Habang nag-uusap sila tungkol sa pagkawasak na nangyari at kung ano ang ginagawa para tulungan ang mga biktima, lumapit ang asawa ni President Conde na si Pamela, [karga] ang isa sa maliliit nilang anak. Kinumusta ni Elder Nash kay Sister Conde ang mga anak nito. May ngiti sa labi, sumagot ito na sa kabutihan ng Diyos ligtas at maayos silang lahat. Kinumusta niya ang bahay ng mga Conde.
“Wala na po,” sabi lang nito.
“Ang mga gamit ninyo?” tanong niya.
“Natabunan pong lahat nang gumuho ang bahay namin,” sagot ni Sister Conde.
“Pero,” pagpuna ni Elder Nash, “nakangiti ka pa habang nag-uusap tayo.”
“Opo,” sabi niya, “nagdasal po ako at napanatag. Nasa amin na ang lahat ng kailangan namin. Magkakasama kami, narito ang mga anak namin, nabuklod kami sa templo, narito ang kagila-gilalas na Simbahang ito, at kasama namin ang Panginoon. Makapagsisimula kaming muli sa tulong ng Panginoon.”
Ang Kapangyarihan ng mga Tipan
Ano ba ang pinagmumulan ng ganoon kalakas na moral at espirituwal na lakas, at paano natin ito matatamo? Diyos ang pinagmumulan nito. Matatamo natin ang lakas na iyon sa pamamagitan ng ating mga tipan sa Kanya. Ang tipan ay isang kasunduan sa pagitan ng Diyos at ng tao, isang kasunduan na ang mga kundisyon ay Diyos ang nagtakda.1 Sa mga banal na kasunduang ito, inoobliga ng Diyos ang Kanyang sarili na suportahan, pabanalin, at dakilain tayo kapalit ng ating pangakong paglilingkuran Siya at susundin ang Kanyang mga utos.
Ano ba ang nasa paggawa at pagtupad ng mga tipan sa Diyos na nagbibigay sa atin ng lakas na ngumiti sa gitna ng kahirapan, na gawing tagumpay ang paghihirap, at “maging sabik sa paggawa ng mabuting bagay, … at isakatuparan ang maraming kabutihan” (D at T 58:27)?
Pinalakas ng mga Kaloob at Pagpapala
Una, kapag sinusunod natin ang mga alituntunin at kautusan ng ebanghelyo ni Jesucristo, natatamasa natin ang patuloy na pagdaloy ng mga pagpapalang ipinangako ng Diyos sa Kanyang tipan sa atin. Ang mga pagpapalang iyon ay nagbibigay ng kakayahang kailangan natin upang kumilos sa halip na pakilusin habang tayo ay nabubuhay. Halimbawa, ang mga utos ng Panginoon sa Word of Wisdom tungkol sa pangangalaga sa ating pisikal na katawan ay nagbibigay sa atin una sa lahat ng “karunungan at malaking kayamanan ng kaalaman, maging mga natatagong kayamanan” (D at T 89:19). Dagdag pa rito, karaniwan ay humahantong ito sa mas malusog na buhay at kalayaan sa nakapipinsalang mga adiksyon. Sa pagsunod ay higit nating nakokontrol ang ating buhay, higit [ang ating] kakayahang umangkop, gumawa at lumikha. Mangyari pa, ang edad, aksidente, at mga karamdaman ay di maiiwasang magpahina, ngunit, ang pagsunod natin sa batas na ito ng ebanghelyo ay nagdaragdag sa kakayahan nating harapin ang ganitong mga hamon.
Sa landas ng tipan makasusumpong tayo ng patuloy na pagbibigay ng mga kaloob at tulong. “Ang pagibig ay hindi nagkukulang kailan man” (I Mga Taga Corinto 13:8; Moroni 7:46), ang pag-ibig ay nagbubunga ng pag-ibig, ang habag ay nagbubunga ng habag, ang kabanalan ay nagbubunga ng kabanalan, ang [katapatan] ay nagbubunga ng katapatan, at ang paglilingkod ay nagbubunga ng kagalakan. Tayo ay bahagi ng pinagtipanang mga tao, isang komunidad ng mga Banal na naghihikayat, sumusuporta, at naglilingkod sa isa’t isa. Tulad ng paliwanag ni Nephi, “At kung mangyayari na ang mga anak ng tao ay susunod sa mga kautusan ng Diyos kanya silang palulusugin, at pinalalakas sila” (1 Nephi 17:3).
Pinalakas ng Ibayong Pananampalataya
[Pumunta tayo] sa ikalawang paraan na pinalalakas tayo ng ating mga tipan—nagbubunga ito ng pananampalatayang kailangan para magsumigasig at gawin ang lahat ng bagay na mahalaga sa Panginoon. Ang kahandaan nating taglayin ang pangalan ni Cristo at sundin ang Kanyang mga utos ay nangangailangan ng malaking pananampalataya, ngunit kung tutuparin natin ang ating mga tipan, ang pananampalatayang iyon ay lalago. Una, ang mga ipinangakong bunga ng pagsunod ay nakikita, na nagpapatibay sa ating pananampalataya. Ikalawa, ipinararating ng Espiritu ang kasiyahan ng Diyos, at panatag tayo sa Kanyang patuloy na pagpapala at tulong. Ikatlo, anuman ang mangyari, mahaharap natin ang buhay nang may pag-asa at kapanatagan, batid na magtatagumpay tayo sa huli dahil ang pangako ng Diyos ay nasa bawat isa sa atin, sa pangalan, at alam nating hindi Siya magsisinungaling (tingnan sa Enos 1:6; Eter 3:12).
Pinagtibay ng mga naunang lider ng Simbahan sa dispensasyong ito na ang pagsunod sa landas ng tipan ay nagbibigay ng katiyakang kailangan natin sa mga oras ng pagsubok: “Ang [kaalaman na ang landas ng buhay nila ay ayon sa kalooban ng Diyos] ang nagbigay-kakayahan sa mga naunang banal na pagtiisan ang lahat ng pagpapahirap at pang-uusig sa kanila, at tanggapin … hindi lamang ang pagkabulok ng kanilang mga pagkain, at pagkasira ng kanilang katawan, nang may galak, kundi ang mamatay rin sa pinakamalupit na paraan; batid (hindi lamang naniniwala) na kapag naagnas ang kanilang katawang-lupa, mayroon silang isang gusali mula sa Diyos, isang bahay na hindi gawa ng mga kamay, na walang hanggan sa kalangitan. (2 Cor. 5:1).”2
Sinabi pa nila na sa paghahandog ng anumang sakripisyong hihilingin ng Diyos sa atin, natatamo natin ang patotoo ng Espiritu na ang ating landasin ay tama at kasiya-siya sa Diyos.3 Sa kaalamang iyon, lumalawak ang ating pananampalataya, nang may katiyakan na ang Diyos sa takdang panahon ay gagawing kapaki-pakinabang sa atin ang bawat pagdurusa. (Tingnan sa D at T 97:8–9.)
Pinalakas ng “Kapangyarihan ng Kabanalan”
Napag-usapan na natin, una, ang nagpapalakas na mga pagpapala at, ikalawa, ang pagkakaloob ng pananampalatayang bigay ng Diyos sa mga tumutupad ng kanilang mga tipan sa Kanya. Ang huling aspeto ng kalakasan sa pamamagitan ng mga tipan na babanggitin ko ay ang pagkakaloob ng banal na kapangyarihan. Ang tapat na pakikipagtipan natin sa Kanya ang nagtutulot sa ating Ama sa Langit na padaluyin sa ating buhay ang Kanyang banal na impluwensya, “ang kapangyarihan ng kabanalan” (D at T 84:20). Magagawa Niya ito dahil sa pakikibahagi natin sa mga ordenansa ng priesthood, nagagamit natin ang ating kalayaan at pinili nating tanggapin ito. Namamalas din sa ating pakikibahagi sa mga ordenansang iyon na handa tayong tanggapin ang mga karagdagang responsibilidad na kalakip ng dagdag na kaliwanagan at espirituwal na lakas.
Sa lahat ng ordenansa, lalo na sa templo, pinagkakalooban tayo ng kapangyarihan mula sa itaas (tingnan sa D at T 109:22). Ang “kapangyarihan ng kabanalan” na ito ay dumarating sa tao at sa pamamagitan ng impluwensya ng Espiritu Santo. Ang kaloob na Espiritu Santo ay bahagi ng bago at walang-hanggang tipan. Mahalagang bahagi ito ng ating binyag, ang pagbibinyag sa Espiritu. Ito ang naghahatid ng biyaya kung kaya’t sa pamamagitan ng dugo ni Cristo ay napapatawad ang ating mga kasalanan at napapabanal tayo (tingnan sa 2 Nephi 31:17). Ito ang kaloob kung kaya’t si Adan ay “nabuhay ang panloob na pagkatao” (Moises 6:65). Sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay natiis ng mga sinaunang Apostol ang lahat ng kanilang pinagdaanan at sa pamamagitan ng kanilang mga susi ng priesthood ay naihatid nila ang ebanghelyo sa kilalang mundo noong panahon nila.
Kapag pumasok tayo sa sagradong mga tipan, ang Espiritu Santo ang ating mang-aaliw, gabay, at kasama. Ang mga bunga ng Banal na Espiritu ay “ang mga mapagpayapang bagay ng kawalang-kamatayang kaluwalhatian; ang katotohanan ng lahat ng bagay; yaong nagpapasigla sa lahat ng bagay, na nagbibigay-buhay sa lahat ng bagay; na nakaaalam ng lahat ng bagay, at nagtataglay ng lahat ng kapangyarihan alinsunod sa karunungan, awa, katotohanan, katarungan, at kahatulan” (Moises 6:61). Ang mga kaloob ng Banal na Espiritu ay patotoo, pananampalataya, kaalaman, karunungan, mga paghahayag, himala, pagpapagaling, at pag-ibig sa kapwa, na ilan lamang sa mga ito (tingnan sa D at T 46:13–26).
Ang Espiritu Santo ang sumasaksi sa inyong sinabi kapag kayo ay nagtuturo at nagpapatotoo. Ang Espiritu Santo, habang nagsasalita kayo sa gitna ng mga kaaway, ang naglalagay sa puso ninyo ng dapat ninyong sabihin at tumutupad sa pangako ng Panginoon na “hindi kayo malilito sa harapan ng mga tao” (D at T 100:5). Ang Espiritu Santo ang naghahayag kung paano ninyo [makakayanan] ang susunod na hamon na tila napakabigat. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo na nasasa inyo maaaring madama ng iba ang dalisay na pag-ibig ni Cristo at tumanggap ng lakas na magpatuloy. Ang Espiritu Santo rin, sa Kanyang papel bilang Banal na Espiritu ng Pangako, ang nagpapatibay sa katotohanan at bisa ng inyong mga tipan at nagbubuklod ng mga pangako ng Diyos sa inyo (tingnan sa D at T 88:4–5; 109:14–15).
Sasamahan Kayo ng Ama sa Langit
Mga banal na tipan ang nagpapatatag sa mga Kristiyano. Hinihimok ko ang bawat isa na maging marapat sa at tanggapin ang lahat ng ordenansa ng priesthood sa abot ng inyong makakaya at tapat na tupdin ang mga pangako ninyo sa tipan. Sa oras ng pagdurusa, pahalagahan sa lahat ang inyong mga tipan at hustuhin ang inyong pagsunod. Sa gayo’y makahihiling kayo nang may pananampalataya, walang pag-aalinlangan, ayon sa inyong pangangailangan, at ang Diyos ay sasagot. Susuportahan niya kayo sa inyong paggawa at pagbabantay. Sa Kanyang sariling panahon at paraan Kanyang iaabot sa inyo ang Kanyang kamay at sasabihing, “Narito ako.”