2014
Pagtatrabaho at Pag-asa sa Sarili
Hulyo 2014


Pagtuturo ng Para sa Lakas ng mga Kabataan

Pagtatrabaho at Pag-asa sa Sarili

Kapag ang kabataan at mga bata ay natutong magsumikap at umasa sa sarili, sila ay naghahandang “makapag-ambag sa mundong ginagalawan [nila]” (Para sa Lakas ng mga Kabataan [2011], 40).

Sa mga pahina 56–57 ng isyung ito, ibinahagi ni Randall L. Ridd, pangalawang tagapayo sa Young Men general presidency, ang natutuhan niya sa trabaho sa konstruksyon kasama ang kanyang ama. Tinalakay niya ang kahalagahan ng pagsisikap, pagkakaroon ng mabuting saloobin, at pagtatayo ng kaharian ng Panginoon. Ipinaalala sa atin ni Brother Ridd: “Sino ang nangangailangan ng trabaho? Tayong lahat! Ito ang pinagmumulan ng pag-asa sa sarili, tagumpay, at kagalakan sa buhay na ito. Kapag masaya kayong magtrabaho, lahat ng nakapaligid sa inyo ay aani nang sagana dahil sa mga binhing itinanim ninyo.”

Mga Mungkahi sa Pagtuturo sa mga Kabataan

  • Sabi sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, “Magtakda ng matataas na mithiin para sa sarili, at maging handa na pagsikapang matamo ito” (40). Maaari ninyong ipapanood sa mga anak ninyo ang Mormon Messages for Youth video na “A Work in Progress” (tingnan sa mga video ng Marriage and Family sa mormonchannel.org/come-follow-me). Pagkatapos ay magtulungan sa pagtatakda ng ilang mithiin at planuhing makamtan ang mga ito.

  • Mas madali ang trabaho kapag positibo ang ating saloobin. Basahin ang “Paglilipat ng Tubo Suot ang Maputik na Sapatos” sa mga pahina 58–59 ng isyung ito at talakayin kung paano naaapektuhan ng inyong saloobin ang trabaho ninyo.

  • “Isang uri ng katamaran ang paggugol ng sobrang panahon sa mga aktibidad na humahadlang sa inyo na maging kapaki-pakinabang, tulad ng paggamit ng Internet, paglalaro ng mga video game, at panonood ng telebisyon” (Para sa Lakas ng mga Kabataan, 40). Tanungin ang inyong mga anak tungkol sa mga pakinabang at panganib ng Internet, mga video game, at telebisyon. Kailan nakakasama ang mga kagamitang ito? Anong mga pagpapala ang dulot ng makabuluhang trabaho? Isiping tulungan ang inyong mga anak na maranasan ang mga pagpapalang ito sa pamamagitan ng pagsasantabi ng lahat ng teknolohiya nang ilang oras at pagtutulung-tulong sa isang gawain.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo sa mga Bata

  • Ang gawaing misyonero ay mahirap na gawain, at ang pagkatutong umasa sa sarili ay tutulong sa mga anak na maghanda para sa gawaing iyan. Kasama ang inyong mga anak, gumawa ng listahan ng mga gawaing-bahay na dapat matutuhang gawin ng mga missionary (halimbawa’y paglalaba, pagluluto, at paglilinis). Pagkatapos ay pagtulungan ang ilan sa mga gawaing-bahay na iyon.

  • Sa kanyang artikulo, ipinaalala sa atin ni Brother Ridd na “ang pinakamahalagang gawain ay ang gawain ng Diyos.” Paano maisusulong ng inyong pamilya ang gawain ng Panginoon? Mag-isip ng isang aktibidad na mapagtutulungan ninyo na maglalapit sa iba kay Cristo.

  • Bahagi ng pag-asa sa sarili ang matutuhan kung paano humawak ng pera. Ituro sa inyong mga anak ang mga alituntunin ng pagbabadyet at ang kahalagahan ng pagsasama ng ikapu sa kanilang badyet.