2014
Elijah
Hulyo 2014


Mga Propeta sa Lumang Tipan

Elijah

“Si Elijah ay isa sa mga pinakadakilang propeta, at ipinagkaloob sa kanya ng Panginoon ang kapangyarihang magbuklod.”1 —Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972)

The Old Testament prophet Elijah standing next to an altar. Elijah has his arms extended as he commands fire from heaven to consume the altar.

Naglingkod ako bilang propeta sa Hilagang Kaharian ng Israel.2 Dahil sa kasamaan ng mga Israelita, hindi ko pinabuhos ang ulan, at nagkaroon ng taggutom sa lupain. Sa panahon ng taggutom, nanirahan ako sa tabi ng isang batis at dinalhan ako ng mga uwak ng pagkain, ngunit natuyo ang batis kalaunan.3

Pinapunta ako ng Panginoon sa isang balo na naninirahan sa Sarepta, at pakakainin niya ako. Nakita ko siyang namumulot ng mga patpat para ihanda ang huling pagkain para sa kanila ng kanyang anak. Sinabi ko sa kanya na kung pakakainin muna niya ako, ang kanyang “gusi ng harina ay hindi makukulangan, o ang banga ng langis man ay mababawasan hanggang sa araw na magpaulan ang Panginoon sa ibabaw ng lupa.”4 Nanampalataya siya, at tinupad ng Panginoon ang Kanyang pangako.

Habang nakatira ako sa kanyang pamilya, namatay ang anak ng balo. Nagsumamo ako, “Oh Panginoon kong Dios, idinadalangin ko sa iyo na iyong pabalikin sa kaniya ang kaluluwa ng batang ito.”5 Dininig ng Panginoon ang aking pagsamo, at muling binuhay ang kanyang anak.6

Kalaunan, ipinamalas ko ang kapangyarihan ng Panginoon sa mga tao ni Israel sa paghamon sa mga saserdote ni Baal sa isang paligsahan. Naghanda ng hain ang mga saserdote at buong maghapong nanawagan kay Baal na magpadala ng apoy, ngunit walang dumating na apoy. Nagtayo ako ng isang dambana na may 12 bato, simbolo ng 12 lipi ni Israel, at humukay ng kanal sa palibot ng dambana. Pagkatapos ay pinabuhusan ko ng 12 bariles ng tubig ang dambana at hain, kaya basang-basa ang kahoy at puno ng tubig ang kanal sa palibot. Nanalangin ako sa Panginoon, at nagpadala Siya ng apoy na tumupok sa hain, sa dambana, at sa tubig. Pagkatapos, nanalangin ako sa Panginoon, at binuksan Niya ang kalangitan para umulan.7

Sa pagtatapos ng aking buhay, hindi ako namatay kundi umakyat ako sa langit sakay ng isang nag-aapoy na karo.8 Sa mortal na ministeryo ni Cristo, nagpakita ako sa Bundok ng Pagbabagong-anyo at ipinagkaloob ko ang mga susi ng priesthood kina Pedro, Santiago, at Juan.9

Nagpakita akong muli sa mga huling araw “upang ibaling ang mga puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga anak sa kanilang mga ama,” nang magpunta ako sa Kirtland Temple noong Abril 3, 1836, at ipanumbalik ko ang mga susi ng pagbubuklod kina Joseph Smith at Oliver Cowdery.10