2017
Buksan ang Kalangitan sa Pamamagitan ng Gawain sa Templo at Family History
October 2017


Buksan ang Kalangitan sa Pamamagitan ng Gawain sa Templo at Family History

Mula sa isang paglalahad sa RootsTech 2017 Family History Conference sa Salt Lake City, Utah, USA, noong Pebrero 11, 2017. Upang mapanood ang rekording ng paglalahad sa Ingles, Portuges, o Espanyol, bisitahin ang lds.org/go/1017Nelson.

Sa kanilang paglalahad sa 2017 RootsTech Family History Conference, inanyayahan ni Pangulong Russell M. Nelson at ng kanyang asawang si Wendy ang mga Banal sa mga Huling Araw na mapanalanging isaalang-alang kung anong klaseng sakripisyo ang kanilang magagawa upang makagawa ng mas maraming gawain sa templo at family history.

President and Sister Nelson

Pangulong Nelson: Noong bata pang asawa at ama ang lolo kong si A. C. Nelson, 27 anyos pa lamang siya noon, ay pumanaw na ang kanyang ama. Pagkaraan ng mga tatlong buwan, dinalaw siya ng kanyang yumaong ama, na aking lolo-sa-tuhod. Ang petsa ng pagdalaw na iyon ay gabi ng Abril 6, 1891. Hangang-hanga si Lolo Nelson sa pagdalaw ng kanyang ama kaya isinulat niya ang karanasang iyon sa kanyang journal para sa kanyang pamilya at mga kaibigan.

“Nakahiga na ako sa kama nang pumasok si Itay sa silid,” pagsulat ni Lolo Nelson. “Lumapit siya at naupo sa tabi ng kama. Sabi niya, ‘Anak, dahil may ilang minuto pa ako, tumanggap ako ng pahintulot na puntahan at makita ka nang ilang minuto. Maganda ang pakiramdam ko, anak, at napakarami kong gagawin mula nang pumanaw ako.’”

Nang tanungin siya ni Lolo Nelson kung ano ang ginagawa niya, sinagot siya ng kanyang ama na abala ito sa pagtuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo sa daigdig ng mga espiritu.

“Hindi mo mawawari, anak, kung ilang espiritu ang nasa daigdig ng mga espiritu ang hindi pa nakakatanggap ng ebanghelyo,” sabi niya. “Pero maraming tumatanggap nito, at dakilang gawain ang isinasakatuparan. Maraming umaasam na magawa ng kanilang mga kaibigang nabubuhay pa ang mga ordenansa sa templo para sa kanila.”

Sabi ni Lolo Nelson sa kanyang ama, “Balak naming magpunta sa templo at mabuklod sa inyo, Itay, sa lalong madaling panahon.”

Sumagot ang aking lolo-sa-tuhod: “Isang dahilan iyan, anak, kaya ako nakipagkita sa iyo. Bubuin pa natin ang pamilya at mabubuhay tayo sa buong kawalang-hanggan.”

Sa gayo’y itinanong ni Lolo Nelson, “Itay, totoo po ba ang ebanghelyong itinuturo ng Simbahang ito?”

Itinuro ng kanyang ama ang isang larawan ng Unang Panguluhan na nakasabit sa dingding ng silid.

“Anak, kung paano mo nakikita na totoo ang larawang iyan, ganyan din katotoo ang ebanghelyo. Nasa ebanghelyo ni Jesucristo ang kapangyarihan ng pagliligtas sa bawat lalaki at babae na susunod dito, at wala nang iba pang paraan para matamo nila ang kaligtasan sa kaharian ng Diyos. Anak, lagi kang kumapit nang mahigpit sa ebanghelyo. Maging mapagpakumbaba, maging madasalin, maging masunurin sa priesthood, maging totoo, at maging tapat sa mga tipang ginawa mo sa Diyos. Huwag kang gumawa kailanman ng anumang bagay na magpapagalit sa Diyos. Ah, kaylaking pagpapala ng ebanghelyo. Anak, magpakabait ka sana.”

A.C. Nelson and father

A. C. Nelson, lolo ni Pangulong Russell M. Nelson.

Mga larawang guhit ni Bjorn Thorkelson; background, cell phone, at tablet mula sa Getty Images

Sister Nelson: Gustung-gusto ko ang lahat ng M na iyon. Maging mapagpakumbaba, maging madasalin, maging masunurin sa priesthood, maging totoo, at maging tapat sa mga tipang ginawa mo sa Diyos. … Magpakabait ka sana.” Anim na M na hatid sa iyo ng iyong pumanaw na lolo-sa-tuhod. Talagang para siyang si Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) nang ibinigay niya ang kanyang anim na M.1

Pangulong Nelson: Oo nga, ano? Napakahalaga sa akin na iniwan ng lolo ko ang rekord na iyon para sa amin. Nalaman namin na ang mga anak ng kanyang ama kalaunan ay nabuklod sa kanya. Kung kaya’t ang dahilan ng kanyang pagdalaw ay naisakatuparan.

Ang Diwa ni Elijah

Pangulong Nelson: Ipinaliliwanag ng isang pangalang may malaking kahalagahan sa mga banal na kasulatan kung bakit napakahalaga ng pamilya. Ang pangalang iyon ay Elijah. Ang literal na kahulugan ng EL-I-JAH sa Hebreo ay “Si Jehova ay aking Diyos.”2 Isipin ninyo ito! Nakapaloob sa mga pangalan ni Elijah ang mga katagang Hebreo kapwa para sa Ama at sa Anak.

Sister Nelson: Si Elijah ang huling propetang may hawak ng kapangyarihan ng pagbubuklod ng Melchizedek Priesthood bago dumating ang panahon ni Jesucristo. Ang misyon ni Elijah ay ibaling ang puso ng mga anak sa mga ama, at ang puso ng mga ama sa mga anak, upang mabuklod sila, at kung hindi, “ang buong mundo ay lubos na mawawasak sa kanyang pagparito” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:39; idinagdag ang pagbibigay-diin). Medyo matapang ang pananalitang iyon.

Pangulong Nelson: Gusto kong ituring ang diwa ni Elijah na “isang pagpapakita ng Espiritu Santo na nagpapatotoo sa likas na kabanalan ng pamilya.”3 Ayon sa Bible Dictionary, “Ang kapangyarihan ni Elijah ay kapangyarihan ng pagbubuklod ng priesthood kung saan ang mga bagay na tinalian o kinalagan sa lupa ay tatalian o kakalagan sa langit” (“Elijah”).

Sister Nelson: Kaya kapag sinabi natin na ang diwa ni Elijah ay kumikilos sa mga tao upang hikayatin silang hanapin ang kanilang yumaong mga kamag-anak, sinasabi talaga natin na nagpapahiwatig sa atin ang Espiritu Santo na gawin ang mga bagay na magtutulot sa mga pamilya na mabuklod nang walang hanggan.

Pangulong Nelson: Masarap ibaling ang puso ng mga anak sa kanilang mga ama sa pagbabahagi sa kanila ng mahahalagang kuwento ng kasaysayan ng pamilya sa mga paraang madaling gawin at hindi malilimutan. Siguro kapag nasa harapan natin palagi ang mga dokumento ng kasaysayan, kuwento, retrato, at alaala ng ating pamilya, lalakas ang ating patotoo (tingnan sa Mosias 1:5). Kapag inilagay natin ang mga ito sa ating mga dingding, mesa, computer, mga iPad, at maging sa ating cell phone, mahihikayat siguro tayong gumawa ng mas mabubuting pasiya at mas mapapalapit sa Panginoon at sa ating pamilya.

Gayunman, kung iyon lamang ang gagawin natin, hindi pa talaga sapat ang nagawa natin. Bilang mga miyembro ng Simbahan, ang interes natin sa paggawa ng family history ay nahikayat ng utos mula sa Panginoon na hindi magagawang ganap ang ating mga ninuno kung wala tayo at hindi tayo magagawang ganap kung wala sila (tingnan sa D at T 128:15). Ibig sabihin ay dapat tayong mapag-ugnay ng mga sagradong ordenansa ng pagbubuklod sa templo. Dapat tayong maging matitibay na kawing sa kadena mula sa ating mga ninuno hanggang sa ating mga inapo. Kung pangongolekta ng mga kuwento at retrato lamang ang magiging tunguhin—kung kilala natin ang ating mga ninuno at alam natin ang kagila-gilalas na mga bagay tungkol sa kanila, ngunit iiwan natin sila sa kabilang-buhay nang hindi nagagawa ang mga ordenansa para sa kanila—hindi iyon makakatulong sa ating mga ninuno na nananatiling nakakulong sa bilangguan ng mga espiritu.

Sister Nelson: Mahalagang ingatan ang mga kuwento tungkol sa ating mga ninuno, ngunit hindi ito dapat maging kapalit ng pagkumpleto ng mga ordenansa para sa ating mga ninuno. Kailangan tayong maglaan ng oras sa pagkuha ng impormasyon tungkol sa pagkamarapat sa ordenansa ng ating mga ninuno.

couple looking at computer screen

Pangulong Nelson: At nangangahulugan iyan ng pagsasakripisyo ng oras na karaniwan nating ginugugol sa iba pang mga aktibidad. Kailangan tayong mag-ukol ng mas maraming oras sa templo at sa pagsasaliksik sa family history, kasama na ang indexing.

Sister Nelson: Talagang naghahatid ng mga pagpapala ng langit ang sakripisyo.4 Napagpala akong makita ang maraming ninuno na tiwala akong handa nang makipagtipan sa Diyos at tumanggap ng kailangan nilang mga ordenansa. Sa paglipas ng panahon, nalaman ko na kung nagtatrabaho ako sa isang napakalaking proyekto at naubusan ako ng oras, lakas, at mga ideya, kung magsasakripisyo ako ng oras sa paghahanap ng impormasyon tungkol sa pagkamarapat sa ordenansa para sa ilang ninuno o sa pagpunta sa templo upang mag-proxy para sa kanila, bumubukas ang kalangitan at nagsisimulang dumaloy ang lakas at mga ideya. Kahit paano nagkaroon ako ng sapat na panahon upang makaabot sa aking deadline. Imposible talaga, ngunit laging ganoon ang nangyayari. Ang gawain sa templo at family history ay nagdudulot sa akin ng galak na talagang hindi maibibigay ng mundong ito.

Family History at Gawaing Misyonero

Pangulong Nelson: Kung missionary ako ngayon, ang dalawang pinakamatalik kong kaibigan sa ward o branch na pinaglilingkuran ko ay ang ward mission leader at ang ward temple and family history consultant.

Likas na hangad ng mga tao na may malaman tungkol sa kanilang mga ninuno. Nagiging likas na pagkakataon iyan para sa ating mga missionary. Habang natututunan ng mga missionary na mahalin ang kanilang mga tinuturuan, natural na magtatanong sila tungkol sa kanilang pamilya. “Buhay pa ba ang inyong mga magulang? Buhay pa ba ang inyong mga lolo’t lola? Kilala ba ninyo ang apat na lolo’t lola ninyo?” Madaling dumadaloy ang mga pag-uusap kapag yaong mga naaakit na makipag-usap sa mga missionary ay hinihikayat na magsalita tungkol sa mga taong mahal nila.

Sa puntong iyon maaaring maging natural sa mga missionary, pati na sa mga member-missionary, na magtanong ng, “Kilala mo ba ang sinuman sa mga kanunu-nunuan ninyo? Alam ba ninyo ang kanilang mga pangalan?” Malamang na hindi alam ng mga investigator ang mga pangalan ng lahat ng kanilang walong lolo at lola-sa-tuhod.

Sa gayon ay maaaring magbigay ng ganitong mungkahi ang mga missionary: “May kaibigan ako sa simbahan namin na makakatulong. Kung mahahanap natin ang mga pangalan ng ilan o baka lahat pa ng kanunu-nunuan ninyo, magiging sulit ba ang ilang oras ninyo upang alamin kung sino ang inyong mga kanunu-nunuan?” Ang kaibigang iyon sa simbahan, mangyari pa, ay ang ward temple and family history consultant.

Sister Nelson: Palagay ko makapapanatag sa mga missionary ang malaman na hindi sila nag-iisa kailanman kapag naghahanap at nagtuturo sila sa mga taong nakikinig sa mga katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Si Pangulong George Q. Cannon (1827–1901), na naglingkod bilang tagapayo sa apat na Pangulo ng Simbahan, ay nagturo na sa mga huling araw na ito, yaong mga sumasapi sa Simbahan ay sumasapi sa kadahilanang matagal nang ipinagdarasal ng kanilang mga ninuno na sumapi ang isa sa kanilang mga inapo sa Simbahan upang matanggap nila, ang mga ninuno, ang kailangan nilang mga ordenansa sa pamamagitan ng proxy.5

Kadakilaan: Responsibilidad ng Buong Pamilya

Family outside the Accra Ghana Temple

Pangulong Nelson: Ang kadakilaan ay responsibilidad ng buong pamilya. Sa pamamagitan lamang ng nakapagliligtas na mga ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo mapapadakila ang mga pamilya. Ang pinakadakilang layuning pinagsusumikapan natin ay maging masaya tayo bilang pamilya—tumanggap ng endowment, mabuklod, at handa para sa buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos.

Sister Nelson: Bawat klaseng dinadaluhan natin sa Simbahan, bawat panahon na naglilingkod tayo, bawat pakikipagtipan natin sa Diyos, bawat ordenansa ng priesthood na tinatanggap natin, lahat ng ginagawa natin sa Simbahan ay maghahatid sa atin sa banal na templo, sa bahay ng Panginoon. Labis ang kapangyarihang matatanggap ng isang mag-asawa at kanilang mga anak sa pamamagitan ng ordenansa ng pagbubuklod kapag tinupad nila ang kanilang mga tipan.

Pangulong Nelson: Araw-araw pinipili natin kung saan natin gustong mabuhay nang walang hanggan sa ating iniisip, nadarama, sinasabi, at ikinikilos. Ipinahayag na ng ating Ama sa Langit na ang Kanyang gawain at Kanyang kaluwalhatian ay ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng Kanyang mga anak (tingnan sa Moises 1:39). Ngunit nais Niyang piliin nating makabalik sa Kanya. Hindi Niya tayo pipilitin sa anumang paraan. Ang katumpakan ng pagtupad natin ng ating mga tipan ay nagpapakita sa Kanya kung gaano natin ninanais makabalik sa piling Niya. Bawat araw ay naglalapit o naglalayo sa atin mula sa ating maluwalhating posibilidad na mabuhay nang walang hanggan. Kailangan ng bawat isa sa atin na tuparin ang ating mga tipan, magsisisi araw-araw, at hangaring maging higit na katulad ng ating Tagapagligtas. Saka lamang magkakasama-sama ang mga pamilya magpakailanman.

Sister Nelson: Pinatototohanan ko na gaano man kaganda ang inyong buhay ngayon, o gaano man ito nakakapanghina at nakakasama ng loob, pagagandahin ito ng paggawa ninyo ng gawain sa templo at family history. Ano ang kailangan ninyo sa inyong buhay ngayon? Mas maraming pag-ibig? Mas maraming kagalakan? Higit na pagpipigil sa sarili? Mas maraming kapayapaan? Mas maraming makabuluhang mga sandali? Mas madama na nakakagawa kayo ng kaibahan? Mas maraming kasiyahan? Mas maraming sagot sa mapanuri ninyong mga tanong? Mas masinsinang pakikipag-ugnayan sa iba? Mas maunawaan ang binabasa ninyo sa mga banal na kasulatan? Higit na kakayahang magmahal at magpatawad? Higit na kakayahang manalangin nang mabisa? Mas maraming inspirasyon at malikhaing mga ideya para sa inyong gawain at iba pang mga proyekto? Mas maraming oras para sa mga bagay na talagang mahalaga?

Nakikiusap ako na magsakripisyo kayo ng panahon sa Panginoon sa pamamagitan ng pagdaragdag ng oras sa paggawa ninyo ng gawain sa templo at family history, at pagkatapos ay masdan ninyo kung ano ang mangyayari. Pinatototohanan ko na kapag ipinakita natin sa Panginoon na seryoso tayo sa pagtulong sa ating mga ninuno, mabubuksan ang kalangitan at matatanggap natin ang lahat ng ating kailangan.

Pangulong Nelson: Magkaka-inspirasyon tayo buong araw tungkol sa mga karanasan sa templo at family history na naranasan ng iba. Ngunit may kailangan tayong gawin upang tayo mismo ang makaranas ng kagalakang dulot nito. Gusto kong hamunin ang bawat isa sa atin para magpatuloy at mag-ibayo pa ang magandang pakiramdam sa gawaing ito. Hinihikayat ko kayo na mapanalanging isaalang-alang kung anong klaseng sakripisyo—mas mainam kung pagsasakripisyo ng oras—ang magagawa ninyo upang mas marami kayong magawa sa templo at family history sa taong ito.

Abala tayo sa gawain ng Diyos na Maykapal. Siya ay buhay. Si Jesus ang Cristo. Ito ang Kanyang Simbahan. Tayo ay Kanyang mga pinagtipanang anak. Makaaasa Siya sa atin.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Gordon B. Hinckley, “Payo at Panalangin ng Isang Propeta para sa Kabataan,” Liahona, Abr. 2001, 30–41.

  2. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Elijah.”

  3. Russell M. Nelson, “A New Harvest Time,” Ensign, Mayo 1998, 34.

  4. Tingnan sa “Purihin ang Propeta,” Mga Himno, blg. 21.

  5. Tingnan sa Gospel Truth: Discourses and Writings of President George Q. Cannon, tinipon ni Jerreld L. Newquist, 2 tomo (1974), 2:88–89.