Mensahe ng Unang Panguluhan
Pagiging Tunay na mga Disipulo
Sa bawat sacrament meeting, may pribilehiyo tayong mangako sa Ama sa Langit na lagi nating aalalahanin ang Tagapagligtas at susundin ang Kanyang mga kautusan para mapasaatin ang Kanyang Espiritu upang makasama natin (tingnan sa Moroni 4:3; 5:2; D at T 20:77, 79). Ang pag-alaala sa Kanya ay laging likas na dumarating sa atin kapag tinaglay natin ang Kanyang pangalan. Ginagawa natin ito sa maraming paraan ngunit lalo na kapag naglilingkod tayo sa iba sa Kanyang pangalan, nagbabasa ng Kanyang mga banal na salita, at nagdarasal upang malaman kung ano ang ipagagawa Niya sa atin.
Nangyari iyon sa akin noong bininyagan ko ang isang binatilyo. Batid ko na ako ay tinawag ng mga inorden na lingkod ng Tagapagligtas bilang isang missionary upang ituro ang Kanyang ebanghelyo at magpatotoo sa Kanya at sa Kanyang tunay na Simbahan. Nangako kami ng aking kompanyo sa binatilyong iyon na siya ay magiging malinis sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo noong magsisi siya nang may pananampalataya sa Tagapagligtas at nabinyagan ng isa sa Kanyang mga awtorisadong lingkod.
Nang iniahon ko ang binatilyo mula sa tubig ng bautismuhan, ibinulong niya sa aking tainga, “Malinis na ako, malinis na ako.” Sa sandaling iyon, naalala ko ang pagbibinyag ni Juan Bautista sa Tagapagligtas sa Ilog Jordan. Bukod pa rito, naalala ko na ginagawa ko ang nakapagliligtas na gawain ng isang nabuhay na mag-uli at buhay na Tagapagligtas—na dinaluhan ng Espiritu Santo, na tulad ng kay Juan noon.
Para sa akin at sa bawat isa sa atin, ang pag-alaala sa Tagapagligtas ay maaaring higit pa sa pag-asa sa isang alaala ng ating kaalaman at mga karanasan na kasama Niya. Araw-araw ay maaari tayong gumawa ng mga pagpili na naglalapit sa atin sa Kanya sa kasalukuyan.
Ang pinakasimpleng pagpili ay maaaring ang magbasa ng mga banal na kasulatan. Sa paggawa nito, madarama natin na malapit tayo sa Kanya. Para sa akin, ang pagiging malapit ay kadalasang dumarating kapag binabasa ko ang Aklat ni Mormon. Sa mga unang minuto ng pagbabasa ko sa mga kabanata ng 2 Nephi, naririnig ko sa aking isipan ang tinig nina Nephi at Lehi na inilalarawan ang Tagapagligtas na para bang kilala nila Siya mismo. Nadarama ang pagiging malapit.
Para sa inyo, maaaring mas mapalapit kayo sa Kanya sa iba pang mga talata sa banal na kasulatan. Ngunit saanman at kailanman kayo magbasa ng salita ng Diyos, nang may pagpapakumbaba at may tunay na layunin na alalahanin ang Tagapagligtas, madaragdagan ang hangarin ninyong taglayin ang Kanyang pangalan sa inyong buhay araw-araw.
Babaguhin ng hangaring iyon ang paraan ng paglilingkod ninyo sa Simbahan ng Panginoon. Mananalangin kayo sa Ama sa Langit upang humingi ng tulong sa pagganap sa inaakala ninyong maliit na tungkulin. Ang tulong na hihingin ninyo ay ang kakayahang kalimutan ang inyong sarili at mas tumuon sa nais ng Tagapagligtas para sa mga pinaglilingkuran ninyo.
Nadama ko na ang Kanyang impluwensya at pagiging malapit sa paglilingkod ko sa aming mga anak nang magdasal ako upang malaman kung paano sila matutulungang madama ang kapayapaang tanging ebanghelyo lamang ang makapaghahatid. Sa gayong mga sandali, hindi ko masyadong inisip na makita ng iba na tagumpay ako bilang magulang, ngunit lubos kong pinahalagahan ang tagumpay at kapakanan ng aking mga anak.
Ang hangaring maibigay sa mga pinaglilingkuran natin ang ibibigay sa kanila ng Tagapagligtas ay humahantong sa mga panalangin ng pagsamo sa Ama sa Langit, sa pangalan ni Jesucristo. Kapag nagdarasal tayo sa gayong paraan—sa pangalan ng Tagapagligtas, nang may pananampalataya sa Kanya—sumasagot ang Ama. Isinugo Niya ang Espiritu Santo upang gumabay, magbigay ng kapanatagan, at maghikayat sa atin. Dahil palaging sumasaksi ang Espiritu sa Tagapagligtas (tingnan sa 3 Nephi 11:32, 36; 28:11; Eter 12:41), ang kakayahan nating mahalin ang Panginoon nang buong puso, isipan, at lakas ay nadaragdagan (tingnan sa Marcos 12:30; Lucas 10:27; D at T 59:5).
Ang mga pagpapala ng araw-araw at kasalukuyang pag-alaala ay dahan-dahan at unti-unting darating habang naglilingkod tayo sa Kanya, nagpapakabusog sa Kanyang salita, at nagdarasal nang may pananampalataya sa Kanyang pangalan. At ang pag-alaalang ito ay huhubog sa atin na maging tunay na mga disipulo ng Panginoong Jesucristo sa Kanyang kaharian dito sa lupa—at kalaunan sa piling ng Kanyang Ama sa maluwalhating daigdig na darating.