2017
Pagpapalago ng Aking Negosyo na Pagluluto ng Bibingka
October 2017


Pagpapalago ng Aking Negosyo na Pagluluto ng Bibingka

Lordita Yagomyom

Misamis Occidental, Philippines

rice cakes

Paglalarawan ni Carolyn Vibbert

Nais kong makapagmisyon ang anak kong lalaki, pero ang pagbebenta ng isang kilo (2 lbs.) ng bibingka (rice cakes) sa isang linggo ay hindi sapat para masuportahan siya sa misyon.

Tumulong ang anak ko sa pinansiyal na pangangailangan ng pamilya at masyadong nag-aalala sa aming pinansiyal na katayuan kung kaya’t hindi siya komportableng umalis. Palaging hirap noon ang aming pamilya sa pagkita ng pera. Ipinagmalaki ko ang mabuting hangarin ng aking 25-anyos na anak na maglingkod sa Panginoon, ngunit natanto ko na kailangan namin ng himala para matupad ang kanyang pangarap na makapagmisyon.

Sumali ako sa isang self-reliance group. Sa pagiging aktibo at pagsampalataya ko, alam kong pagpapalain ang aming pamilya. Sa isang pulong, nadama kong dapat akong magpunta sa palengke. Doon ay nakita ko ang maraming babae na nagbebenta ng mga katutubong kakanin. Nakipagkasundo ako sa isang babae. Sinabi kong iiwan ko sa kanya ang mga produkto ko sa umaga para ibenta niya at kokolektahin ko ang kinita sa hapon. Kapwa kami makikinabang sa kasunduan. Di-nagtagal nakakita ako ng mas marami pang nagbebenta. Umabot sa 10 ang tagabenta ng negosyo ko noong nasa self-reliance group ako.

Natutunan kong ihiwalay ang sarili kong pera sa perang kinikita ng negosyo ko at sinahuran ko ang sarili ko. Natutunan kong tumigil sa paggugol ng oras sa paggawa ng mga produktong hindi mabenta at tumututok na lamang sa mga mas malaki ang kita. Natuto rin ako ng pagmemerkado sa social media. Tinulungan ako ng action partner ko sa self-reliance group na gumawa ng account sa Facebook. Mula doon ay natutunan namin ang tungkol sa branding at packaging. Lumago ang negosyo ko sa punto na maaari nang tumigil ang asawa ko sa mahirap niyang trabaho at maghanapbuhay na kasama ko.

Kamakailan ay may nangumusta sa benta ko. May pagmamalaking sinabi ko sa kanya na nakakabenta na ako ngayon ng 12 kilo (26 lbs.) ng bibingka.

“Napakalaki na ng 12 kilo sa bawat linggo!” sabi niya.

“Hindi, brother,” sabi ko. “Nagbebenta ako ng 12 kilo araw-araw.”

Kalaunan ay sinabi sa akin ng anak ko na masaya siya na kaya nang tustusan ng aking negosyo ang aming mga pangangailangan.

“Mukhang makakapaglingkod na po ako sa full-time mission,” sabi niya.

Siya ngayon ay naglilingkod sa Philippines San Pablo Mission. Nagpapasalamat talaga ako sa inisyatibo ng self-reliance. Talagang totoo ang Panginoon nang sabihin Niyang, “Layunin ko ito na maglaan para sa aking mga banal” (D at T 104:15).