2017
Isang Elepante sa Loob ng Klase
October 2017


Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

Isang Elepante sa Loob ng Klase

Ang mga teacher council meeting ay hindi lamang binabago ang paraan ng ating pagtuturo; binabago ng mga ito ang paraan ng ating pagkatuto.

elephant

Nahaharap si Mzwakhe Sitole sa isang hamon. Bilang ward Sunday School president, binigyan siya ng Diyos ng responsibilidad na tumulong na mapagbuti ang pagkatuto at pagtuturo ng ebanghelyo sa ward.1

Ngunit ang mga miyembro ng kanyang ward sa Johannesburg, South Africa, sa ilang pagkakataon, ay lubhang magkakaiba ang mga pinagmulan at inaasahan. Ang ilan ay mataas ang pinag-aralan; ang iba naman ay hindi. Naturuan ang iba na ang tungkulin ng estudyante ay makinig, at hindi magsalita. Ang ilan ay hinaharap ang pagkakaibang kultural sa pag-unawa na kapwa kalalakihan at kababaihan ay dapat makilahok sa pagtuturo sa simbahan at sa tahanan.

“Mayroon din kaming mga estudyante na iba’t ibang wika ang gamit,” sabi ni Brother Sitole. “Pero nais ng Espiritu na gabayan ang bawat isa.”

Nang pasimulan ang mga teacher council meeting at ang Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas noong nakaraang taon, nagsimulang magdaos ng mga teacher council meeting ang mga ward at branch sa buong Simbahan upang talakayin, matutunan, at magamit ang paraan ng pagtuturo ng Tagapagligtas.

Noon nagsimulang makita ni Brother Sitole kung paano magagawang pagpalain ng mga teacher council meeting ang kanyang ward. Malulutas ang mga hamong pang-kultura, madaragdagan ang pakikibahagi sa klase, at maaaring maging mga pagpapala ang iba’t ibang pananaw ng mga miyembro.

Gaya ng marami pang iba sa buong mundo, natanto ni Brother Sitole na hindi ginagamit ng Panginoon ang mga teacher council meeting para lamang baguhin ang paraan ng ating pagtuturo; ginagamit Niya ito para baguhin din ang paraan ng ating pagkatuto.

Isang Elepante na Medyo Kakaiba

Ang isa sa pinaka-interesanteng tuklas para kay Brother Sitole ay habang binibigyang-kakayahan ng mga guro ang mga estudyante na makibahagi sa sarili nilang pagkatuto, lahat ay nakikinabang sa pinalawak na pananaw na ibinibigay ng iba’t ibang perspektibo.

Dumating ang pag-unawang iyan kay Brother Sitole sa isang teacher council meeting nang ikuwento ng isang miyembro ng ward ang talinghaga ng mga bulag na lalaki at ng elepante, na medyo kakaiba. Sinasabi sa talinghaga kung paano magkakaibang inilarawan ng anim na bulag ang isang elepante (ang isang binti ay parang haligi, ang buntot ay parang lubid, ang nguso ay parang labasan ng tubig sa poso, at iba pa) dahil magkakaiba ang parteng hawak ng bawat isa.2

parts of an elephant

“Pero sabihin nating kinakatawan ng elepante ang pagtuturo ng ebanghelyo,” sabi ng Brother Sitole. “Sa gayon ay kailangan nating bigyang-kakayahan ang bawat miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang pananaw, upang sama-sama tayong magkaroon ng iisang pag-unawa kung paano tayo pinagpapalang lahat ng ebanghelyo.”

Kaya palaging umuupo nang magkakaharap sa isang mesa ang mga guro sa ward ni Brother Sitole sa oras ng teacher council meeting—upang mapadali ang talakayan. “Ipinapaalala nito sa atin na lahat ay maaaring magbigay ng opinyon,” sabi niya.

Ayon sa Kanilang mga Pangangailangan

Sa Tokyo, Japan, nagduda si Natsuko Soejima kung mahusay nga siyang magturo. “Nang tinawag ako upang maging youth Sunday School teacher,” sabi niya, “sinabi ko sa bishop na matatakot ako. Pero sinabi niyang ang tawag na iyon ay mula sa Diyos, kung kaya’t tinanggap ko.”

Bilang isang grupo, natakot siya sa klase dahil sa mga indibiduwal na hamong kanilang inilahad. Dalawa sa mga kabataan ang may kapansanan sa pandinig. Ang ilang miyembro ng klase na lumipat sa Japan mula sa ibang bansa ay Ingles lang ang wikang gamit. Natakot din siya sa agwat ng edad sa pagitan niya at ng mga miyembro ng kanyang klase.

Pagkatapos, sa isang teacher council meeting, nalaman ni Sister Soejima ang sagot. “Pinag-usapan namin ang pagmamahal sa bawat miyembro ng klase, pag-alam sa kanilang pangalan, pagdarasal para sa bawat isa sa kanila, at pagtuturo—sa patnubay ng Espiritu—alinsunod sa kanilang mga pangangailangan,” paliwanag niya, “kaya iyan ang sinimulan kong gawin.” May iba rin siyang ginawa na natutunan niya sa council: “Gumamit ako ng pananalitang nagpadama ng aking pagmamahal.”

Ang resulta? “Nagbago ang puso ko. Nakadama ako ng pagmamahal para sa mga estudyante ko. Pinahalagahan ko ang mga taong nawawala at ipinagdasal ko rin sila. Sa oras na matapos ang isang lesson, naghahanda na ako para sa susunod, para may oras pa akong mag-isip tungkol sa mga pagtuturo. Napuspos ako ng kagalakan.”

Mga Partikular na Sagot

Sinisiguro ni Brad Wilson, isang Sunday School president sa Minnesota, USA, na hindi umaalis ang mga guro sa teacher council meeting hangga’t hindi nila napag-uusapan kung paano sila magbabago dahil sa mga natutunan nila.

“Sinusunod namin ang balangkas na nasa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas,” sabi ni Brother Wilson. “Tinatalakay namin ang mga karanasan ng mga guro, pagkatapos ay tinatalakay namin ang isa sa mga iminungkahing paksa. Bilang facilitator, nagtatanong ako at ibinubuod ko ang mga ideya. Pagkatapos ay ipinatutupad namin iyon. Naghahati-hati kami sa maliliit na grupo at pinag-uusapan namin, ‘Ano ang gagawin ko dahil sa napag-usapan natin sa miting ngayon?’”

Sabi ni Ron Goodson, isang deacons quorum instructor sa ward ding iyon, na hanga raw siyang makita kung paano “tinuturuan” ni Brother Wilson ang council. “Pinag-uusapan namin kung paano magturo ang Tagapagligtas,” sabi niya. “At kapag nadama mo ang Espiritu, iisipin mo, ‘Dapat kong subukan ito sa klase ko.’ Nagbabago ang iyong pamamaraan kapag inisip mo ang Tagapagligtas. Hindi mo na gaanong iisiping ‘Kailangan kong maghanda ng lesson,’ at mas iisipin mo kung, ‘Ano ang kailangan ng mga deacon na ito at paano ako makatutulong na maibigay iyon sa kanila?’”

Naaalala niya ang isinulat niya sa kanyang journal, “Dumalo ako sa teacher council meeting ngayon, at ito ang kailangan kong gawin.” Sa katunayan, puno ang journal niya ng gayong mga tala. Naghahanda na siya ngayon nang maaga: “Magsimula nang maaga at buong linggo kang tatanggap ng mga pahiwatig.” Tinatanong niya ang mga deacon kung ano ang nangyayari sa kanilang buhay: “Mas epektibo ako sa pagtulong sa kanila kapag mas kilala ko sila.” At inaanyayahan niya ang mga deacon na magturo: “Habang ginagawa nila iyon, mas natututo rin sila.”3

Patuloy Akong Umaawit

“Sa aming council, pinag-usapan namin kung paano maaanyayahan ng musika ang Espiritu,” sabi ni Jocelyn Herrington, isang Primary teacher sa ward ding iyon sa Minnesota. “Kalaunan, nagturo ako sa Sunbeams. Naisip ko, ‘Aawit ako habang nagkukulay sila, at magiging masaya iyon.’ Nagsimula akong umawit, at napatigil silang lahat at nakinig. Kaya’t nagpatuloy ako. Inihatid nga nito ang Espiritu, at nang matapos ako, mapitagan na sila, at hinintay nila akong magsalita. Napag-usapan na rin namin iyan [sa council], na magpatotoo kapag dumating ang pagkakataon. Kung kaya’t nagpatotoo ako sa mga salitang nauunawaan nila.”

Sabi ni Sister Herrington, nagpapasalamat siya dahil kasali ang mga Primary teacher sa mga council meeting. “Pinag-uusapan namin ang pagtuturo sa matatanda,” sabi niya, “pero pagkatapos ay sasabihin ni Brother Wilson, ‘Paano na ang pagtuturo sa mga kabataan? Paano na ang pagtuturo sa mga bata?’ Ipinapaalala niya sa amin na lahat ng iba’t ibang edad ay naroon.”

Mula sa isang Council tungo sa isa pang Council

Sabi ni Adam Martin, isang ward Sunday School president sa Calgary, Alberta, Canada, pinasasalamatan daw niya ang mga mungkahi sa ward council. “Sasabihin ng Relief Society president o elders quorum president, ‘Nais naming pagtuunan ito ng pansin ng mga guro,’ kaya pinag-uusapan namin iyan sa teacher council [meeting],” sabi niya.

Noong unang pasimulan ang mga teacher council meeting, hindi matiyak ng mga guro kung ano ang aasahan, kung kaya’t nagpaabot siya ng maraming personal na paanyaya at nagpasimula ng mga materyal sa pagsasanay na makukuha sa teaching.lds.org. “Ngayo’y palagi nang may miting,” sabi niya. “Alam nila na doon pinag-uusapan kung ano ang nangyayari.”

Isang miting kamakailan ang tumuon sa pagsunod sa Espiritu. “Pinag-usapan namin ang paghahanda nang mabuti nang hindi nag-aalalang pag-uusapan ang lahat ng mga paksa,” sabi niya. “Sabi ng isang sister, palagi niyang nadarama na kailangan niyang banggitin ang bawat item sa kanyang lesson plan. Makikita ninyo na unti-unti siyang naliwanagan nang pag-usapan namin ang pagsunod sa inspirasyon habang ginagabayan ninyo ang isang talakayan.”

Sama-samang Paghahanap ng mga Solusyon

elephant on a table

Bawat sitwasyon sa pagtuturo ay may sariling mga oportunidad, hamon, at potensyal na mga pagpapala. Kung kaya’t ang mga council ay epektibo, dahil tinutulutan nito ang mga guro, sa tulong ng Espiritu, na maghangad at makahanap ng mga sagot sa kanilang partikular na mga hamon.

Sabi ni Geoffrey Reid, isang stake Sunday School president sa Arizona, USA, pinakaepektibo ang mga teacher council meeting kapag nauunawaan ng mga guro na ang kanilang layunin ay magpayo: “Sa gayo’y nakikita nila na matutulungan nila ang bawat isa.”

Ang stake, sabi niya, ay nakatuon sa pagtulong sa mga guro na baguhin ang kaisipan mula sa, “Mahusay ba akong magturo?” tungo sa, “Paano nila tinatanggap ang mensahe?”

Sabi ni Marisa Canova, isang Primary teacher sa stake, bilang sagot sa isang pahiwatig na nadama niya sa teacher council, hinihikayat na niya ngayon ang kanyang mga estudyante sa Valiant 8 na ipagdasal ang isa’t isa. Epektibo iyon, subalit baka hindi iyon epektibo sa isang klase para sa mga nasa hustong gulang. “Napakahirap sigurong ipagdasal ang bawat miyembro sa isang malaking klase ng Gospel Doctrine,” sabi niya. ‘Mabuti na lamang, sinasabi ng mga gurong iyon, ‘Sa palagay ninyo paano natin maiaakma iyan sa ating klase?’ At sama-sama kaming naghahanap ng mga solusyon.

“Ang pinasasalamatan ko tungkol sa mga teacher council meeting,” sabi niya, “ay binibigyan tayo nito ng oras upang pagnilayan kung ano ang lagay ng ginagawa natin at kung ano ang ating ginagawa. Nakakatulong ang makatanggap ng suporta at feedback, na nadarama na iisa ang mithiing pinagsisikapan ninyong matamo. Gusto ko rin ang iba’t ibang pananaw na hatid ng maraming tao sa miting. Tinutulungan ako nitong isipin ang mga bagay na talagang hindi ko magagawang isiping mag-isa.”

Habang nakikilahok at nagbabahagi tayo sa mga teacher council meeting, unti-unting lumilinaw ang pag-unawa natin sa elepante na tinatawag na “pagtuturo ng ebanghelyo.” Gaya ni Brother Sitole sa Aprika, natutuklasan ng maraming miyembro sa buong Simbahan na habang nadaragdagan ang kakayahan nating magturo sa paraan ng Tagapagligtas, binabago nito hindi lamang ang paraan ng ating pagtuturo kundi maging ang paraan ng ating pagkatuto.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Handbook 2: Administering the Church (2010), 12.2.2.

  2. Ang talinghaga ay kasama sa Dieter F. Uchtdorf, “Ano ang Katotohanan?” (debosyonal ng Church Educational System para sa mga young adult, Ene. 13, 2013), broadcasts.lds.org; at Dieter F. Uchtdorf, “What Is the Truth?” Friend, Mar. 2017, 2.

  3. Para sa mga karagdagang mungkahi, tingnan sa Brian K. Ashton, “Pagtulong sa mga Kabataan na Magturo,” Liahona, Ago. 2016, 24–25.