2017
Tulungan ang Isang Tao Ngayon
October 2017


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Tulungan ang Isang Tao Ngayon

Mula sa “Ano ang Nagawa Ko Ngayon para sa Isang Tao?” Liahona, Nob. 2009, 84–87.

Tayo ang mga kamay ng Panginoon. Umaasa Siya sa atin.

Christ healing at Bethesda

DETALYE MULA SA Christ Healing the Sick at Bethesda, NI Carl Heinrich Bloch, SA KAGANDAHANG-LOOB NG Brigham Young University Museum of Art

Tiwala ako na layon ng bawat miyembro ng Simbahan na maglingkod at tulungan ang mga nangangailangan. Sa binyag ay nakipagtipan tayong “mag[pa]pasan ng pasanin ng isat isa, nang ang mga yaon ay gumaan” [Mosias 18:8]. Ilang beses na bang naantig ang inyong puso nang makita ninyo ang pangangailangan ng iba? Gaano kadalas ninyo binalak na tulungan ang isang tao? Gayunman, gaano kadalas humahadlang ang pang-araw-araw na buhay at ipinauubaya ninyo sa iba ang pagtulong, iniisip na “ah, tiyak na may mag-aasikaso sa pangangailangang iyan.”

Masyado tayong nagiging abala sa ating buhay. Gayunman, kung titigil tayo sandali, at mamasdan ang ating ginagawa, makikita nating … kadalasan ay ginugugol natin ang ating oras sa mga bagay na hindi gaanong makabuluhan sa kabuuang plano ng buhay, at napapabayaan ang mas mahahalagang dahilan. …

Napaliligiran tayo ng mga taong nangangailangan ng ating pansin, ating paghikayat, ating suporta, pag-alo, kabaitan—sila man ay mga kapamilya, kaibigan, kakilala, o dayuhan. Tayo ang mga kamay ng Panginoon dito sa lupa, na inutusang maglingkod at tulungan ang Kanyang mga anak. Umaasa Siya sa bawat isa sa atin. …

Nawa ang mga titik ng pamilyar na himno ay tumimo sa ating kaluluwa … :

Ako ba’y may kabutihang nagawa?

Ako ba’y nakatulong na?

Nakapagpasaya, nakapagpasigla?

Kundi ay bigong talaga.

May napapagaan bang pasanin ngayon

Dahil ako ay tumulong?

Ang mga nanghihina nalunasan ba?

Nang kailangan ako’y naro’n ba?

[“Ako Ba’y May Kabutihang Nagawa?” Mga Himno, blg. 135].

… Nawa itanong natin sa sarili ang tanong na … : “Ano ang nagawa ko ngayon para sa isang tao?” Ang payo ko sa mga miyembro sa buong mundo ay maghanap ng taong nahihirapan, o may karamdaman, o nalulungkot, at gumawa ng isang bagay para sa kanya.