Paglutas ng Problema sa Pagsasama Ninyong Mag-asawa
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
May magagandang pagpapalang nagmumula sa paglutas ng mga problema sa isang kapaligirang may pagmamahalan.
Pinatay nina Matt at Margaret (pinalitan ang lahat ng pangalan) ang telebisyon matapos ang huling sesyon ng pangkalahatang kumperensya. Nakapagbigay ng inspirasyon ang mga mensahe, at nagalak sila sa positibong kapaligirang lumaganap sa kanilang tahanan sa katapusan ng linggong iyon.
Lubhang nalungkot sina Matt at Margaret nang wala pang 24-oras kalaunan ay nagkaroon na sila ng mainitan na pagtatalo kung iipunin ang di-inaasahang bonus na natanggap ni Matt sa trabaho o kung ipambibili ito ng uniporme sa paaralan ng kanilang mga nakatatandang anak. Hindi nalutas ang pagtatalo, at gumawa na ng ibang gawain sina Matt at Margaret na kapwa nadarama na hindi siya naunawaan.
Upang maging walang hanggan at masaya ang pagsasama ng mag-asawa, kailangan nilang matutunang lutasin ang mga problema para madama ng bawat isa na nauunawaan siya at mabuo ang mga desisyon na may katanggap-tanggap na pagbibigayan.
Espirituwal na Babala at Patnubay
Ang mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta at apostol ay nagbibigay ng sapat na mga babala tungkol sa pagtatalo. Sa 3 Nephi mababasa natin, “Siya na may diwa ng pagtatalo ay hindi sa akin, kundi sa diyablo, na siyang ama ng pagtatalo” (3 Nephi 11:29). Itinuro ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol na si Satanas ay “nagsusumikap upang hindi magkasundo at pag-awayin ang isang ama at isang ina. Inaakit niya ang mga anak na suwayin ang kanilang mga magulang. … Alam ni Satanas na ang pinakatiyak at pinakamabisang paraan upang sirain ang gawain ng Panginoon ay bawasan ang pagiging epektibo ng pamilya at ang kasagraduhan ng tahanan.”1
Ang pagkakaiba-iba ng opinyon, ugali, o pinagmulan ay hindi maiiwasan, ngunit mayroon tayong sapat na mapagkukunan ng tulong upang malaman natin kung paano ito kakayanin. Ang doktrina at tagubiling itinuturo sa pagsamba tuwing Linggo at sa mga lathalain ng Simbahan ay makakatulong at madaragdagan ng de-kalidad na propesyonal na impormasyon kung kinakailangan. Maaaring matuto ang mga mag-asawa ng mga pamamaraan sa pagharap sa problema. Ang inspirasyon ay maaaring humantong sa pagbabago ng mga puso na magpapalambot sa damdamin ng bawat asawa.
Nagbabala si Pangulong Thomas S. Monson: “Ang ilan sa pinakamagagandang pagkakataong maipakita ang ating pagmamahal ay sa loob mismo ng sarili nating tahanan. Pag-ibig ang dapat maging sentro ng buhay-pamilya, subalit kung minsan ay hindi ito nangyayari. Maaaring napakaraming kawalan ng pasensya, pagtatalo, pag-aaway, pagluha.”2
Kapag nananaig ang mga suliranin at nakakapinsala na sa buhay-pamilya, maaaring magkaroon ng mas mabibigat na sanhi ng pagtatalo, pati na ang pagkamainitin ng ulo, pagkamakasarili, hangaring manaig, at kayabangan. Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), “Noon pa’y may palagay na akong ang pinakamalaking dahilan ng kaligayahan ng mag-asawa ay ang pag-aalala sa kaginhawahan at kapakanan ng isa’t isa. Kadalasan ang pagkamakasarili ang pangunahing dahilan ng pagtatalo, paghihiwalay, diborsyo, at sama ng loob.”3
Sabi rin ni Elder Marvin J. Ashton (1915–94) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kapag inisip ng isang tao ang sama ng loob at pagkayamot na dulot ng pagtatalo, mabuting itanong, ‘Bakit ba ako nakikisali?’ …
“… Mahalagang kilalanin na pinipili natin ang ating inuugali. Ang ugat ng isyung ito ay ang walang-kamatayang problema ng kayabangan.”4
Anuman ang dahilan, kailangan tayong matuto ng mga bagong kasanayan at palambutin ang ating puso kapag nagkaroon ng mga problema.
Mga Dahilan ng Pagtatalo
Maraming sanhi ng pagtatalo, mula sa mabababaw na personal na opinyon hanggang sa matagalang nakaugaliang estilo ng pakikipag-usap. Bukod pa sa pagdaig sa pagkamakasarili at pagkamainitin ng ulo, daranas ang mga mag-asawa ng iba pang karaniwang mga sanhi ng pagtatalo kabilang na ang mga sumusunod:
-
Mga bagong kasal na pinag-aaralang makibagay sa estilo ng isa’t isa
-
Likas na mga pagkakaiba sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan
-
Kawalan ng pasensya dulot ng sobrang pagod
-
Magkaibang opinyon kung paano pinakamainam na palalakihin ang mga anak o babadyetin ang pera
-
Mga anak na natututong gumamit ng kalayaan
-
Magkaibang gusto at hindi gusto
-
Malabisang pagtugon sa stress
-
Kawalan ng pag-unawa o kasanayan sa paglutas ng problema
Mga Babala tungkol sa Galit
Nagkakaroon ng maraming problema ang mag-asawa o pamilya dahil sa di-mapigilang galit. Kung hindi tayo maingat, matapos makipagtalo sa ating asawa ay lagi nating maiisip kung paano niya tayo ginawan ng masama. Kapag lalo nating inisip ito, lalo tayong magkakaroon ng dahilan para panindigan na tayo ang nasa katwiran. Ang pagmamaktol na ito ay maaaring maging hadlang para kumalma tayo, at kapag muli tayong nagalit bago pa malutas ang unang problema, maaari pang madagdagan ang tindi ng ating galit.
Halimbawa, sa counselling session, inilarawan ni Marilyn kung paano nakayayamot ang mahiga sa kama pagkatapos silang magsigawan ng kanyang asawa. “Alam kong ako ang tama,” sabi niya. “Alam kong bubuksan niya ang ilaw at hihingi ng tawad, pero hindi niya ginawa iyon kahit kailan. Habang lalo ko itong iniisip, lalo akong nagagalit. Nang marinig ko siyang maghilik, hindi ako nakatiis—bumangon ako mula sa kama at sinigawan ko pa siya at saka ako nagpunta sa ibaba. Akalain ba ninyong hindi pa rin siya humingi ng paumanhin?” Ang karanasan ni Marilyn ay isang magandang halimbawa ng hindi nararapat gawin kapag nagagalit.
Ang mga nakagawian, kahit sa loob lang ng maikling panahon, ay tila mahirap nang itigil. Ngunit maaaring matuto ang mga mag-asawa ng mga kasanayang makatutulong. Narito ang ilang makakatulong na gawi:
7 Tip Kung Paano Kumalma
Suriin nang mabilisan ang isipan. Sa ating halimbawa, sinabi siguro ni Marilyn sa sarili, “Parang ako ang tama, pero masyado ko itong pinalalaki. Mas mahalaga sa akin ang relasyon ko sa aking asawa kaysa sa pinagtatalunan namin.”
Pakalmahin ang damdamin bago mo subukang lutasin ang problema. Maghintay hanggang lumipas ang galit na nadarama mo.
Maghanap ng ibang mapagtutuunan mo ng pansin. Piliing mag-isip ng ibang bagay o maglakad-lakad.
Isulat ang mga naiisip mo. Para sa ilan, nakakatulong ito upang madagdagan ang kamalayan nila sa sarili.
Ipahayag ang damdamin mo sa makabuluhang paraan. Ang pagsigaw tungkol sa nadarama mo ay hindi makakatulong sa iyo na “mailabas ang nasa kalooban mo.” Kapag mas naglabas ka ng damdamin mo nang pagalit, mas titindi ang galit mo.
Makinig sa nakapapanatag na tugtugin o magbasa ng nakasisiglang babasahin.
Magsimulang muli. Pigilan ang sarili mo sa simula pa lang ng pagtatalo. Makikita sa mga pag-aaral na sa unang tatlo hanggang limang minuto ng pag-uusap nakasalalay ang maaaring mga susunod na pangyayari. Sabihing, “Masama ang kauuwian nito. Magsimula tayong muli.”
Mga Hakbang sa Paglutas ng Problema
May inirerekomenda sa Strengthening Marriage [Pagpapatibay sa Pagsasama ng Mag-asawa], isang manwal ng LDS Family Services, na tatlong hakbang sa paglutas ng problema: (1) pagpapahayag ng mga opinyon, (2) pagsisiyasat sa mga problema, at (3) pagpili ng mga solusyon na makasisiya sa mag-asawa.5 Ang mga hakbang na ito ay batay sa isang modelo ng pakikipag-ugnayan at pagbabahagi na nangangailangan ng kooperasyon at lumulutas sa mga problema ng lahat ng nasasangkot.
1. Pagpapahayag ng mga Opinyon
Bawat indibiduwal ay nagbabahagi ng mga opinyon nang tapat ngunit hindi agresibo. Kung minsa’y nalulutas ang problema sa maingat na pagninilay sa sinasabi ng kabilang panig habang lumilinaw na hindi lang sila nagkaunawaan kaya sila nagtalo. Halimbawa, maaaring maunawaan ng isang babae na nag-iisip na makasarili ang kanyang asawa dahil pinipilit siyang isama nito sa isang high school basketball game sa halip na maghapunan sila sa labas, na hindi ito gaanong interesado sa basketball kundi para bigyang-pansin ang isang manlalaro na hindi na dumadalo sa kanyang Sunday School class.
2. Pagsisiyasat sa mga Problema
Sinisiyasat nang husto ng mag-asawa ang mga problema. Ang pokus ay nasa pag-unawa at pagtanggap sa mga problema ng isa’t isa. Sa pagpapatuloy ng halimbawa ng basketball, ang babae, samantalang inuunawa ang problema ng kanyang asawa para sa estudyante, ay maaaring maniwala na nagiging ugali na ng asawa na laging unahin ang mga pangangailangan ng iba bago ang sa kanila. Sa kasong ito, kailangang mas maingat na pag-usapan ng mag-asawa ang damdamin ng bawat isa sa maingat na paraan at ang tunggalian ay mauuwi sa pagbibigayan.
3. Pagpili ng mga Solusyon na Kasiya-siya sa Mag-asawa
Nagpapalitan ng opinyon ang mga mag-asawa at nagpapasiya kung anong mga solusyon ang makasisiya sa kanilang dalawa. Ang pokus ay nasa magagawa ng bawat indibiduwal upang malutas ang mga problema sa halip na sa magagawa ng kanilang asawa. Masusubukan ng gayong pag-aareglo ang kahustuhan ng isip at pasensya ngunit, sa paglipas ng panahon, humahantong ito sa paniniwala na maaari silang magpahayag ng damdamin at magtiwala na matutugunan ang mga hangarin ng bawat isa. Maaaring magkasundo ang ating mag-asawa na isang Biyernes ng gabi ay magkasama silang manonood ng basketball, isang Biyernes ng gabi ay mag-isang manonood ang lalaki, at dalawang Biyernes ng gabi ay magkasama sila sa mga aktibidad na para sa kanilang mag-asawa. Mas mahalaga na masiyahan ang mag-asawa sa kalidad ng pagdedesisyon nilang dalawa kaysa kung paano nila pipiliing palipasin ang Biyernes ng gabi.
Mga Resulta ng Paglutas sa Problema
May magagandang pagpapalang nagmumula sa paglutas ng mga problema sa isang kapaligirang may pagmamahalan. Kabilang dito ang seguridad; personal na paglago, na humahantong sa kapayapaan ng kalooban; nag-ibayong pananampalataya; yumayabong na pagkatao; at personal na kabutihan.
Kapag nalutas ang mga problema, maaari itong palitan ng mga bagong huwaran. Sa gayon ay nabubuksan ang daan upang magpahayag ang mag-asawa ng mga positibong ideya at magpakita ng suporta. Sinabi ni Sister Jean B. Bingham, Relief Society General President: “Matindi ang epekto ng mga salita, nagpapasaya at nagpapalungkot ito. Marahil ay maaalala nating lahat ang mga negatibong salitang nakapagpahina ng ating loob at ang iba pang mga salitang magiliw na sinambit na nagpasigla sa ating espiritu. Ang pasiyang sabihin lamang ang mabubuting bagay tungkol sa—at sa—iba ay nagpapasigla at nagpapalakas sa mga nasa paligid natin at tumutulong sa iba na sumunod sa paraan ng Tagapagligtas.”6
Ang mga mag-asawang nagkaroon ng pangmatagalang pag-unlad sa paglutas ng problema ay umaani ng nakasisiyang mga gantimpala. Ganito ang sabi ng isang lalaki tungkol sa kanyang dating nagkaproblemang relasyon, “Masakit gunitain ang nakaraan at maniwala na totoo iyon. Paano ko naatim na tratuhin nang gayon ang asawa ko? Nagpapasalamat ako na pinukaw ako ng Espiritu at sa pagtitiyaga sa akin ng asawa ko.”
Konklusyon
Ang hindi pakikipagtalo ay nangangailangan ng sadyang pagsisikap at pagkilos. Ang mismong isusunod mong sabihin o gawin ay maaaring magpasimula ng mas positibong komunikasyon sa pagitan ninyong mag-asawa. Kayo man ay makakaani ng mga bunga ng Espiritu tulad ng naranasan ng mga Nephita: “Hindi nagkaroon ng alitan sa lupain, dahil sa pag-ibig sa Diyos na nananahan sa mga puso ng tao.
“At walang mga inggitan, ni sigalutan, ni alitan … ; at tunay na wala nang mas maliligayang tao pa sa lahat ng tao” (4 Nephi 1:15–16).