2017
Si Sarah at ang MRI
October 2017


Si Sarah at ang MRI

Ang awtor ay naninirahan sa Colorado, USA.

Marahil ay matutulungan ng Espiritu Santo si Sarah na hindi gaanong matakot.

“Noong nasa lupa si Cristo’y nangako, Espiritu Santo sa tin Kanyang isusugo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 56).

Sarah and the MRI

“Parang kailangan ni Sarah na ma-MRI ang kanyang likod,” sabi ni Dr. Frank. Ngumiti siya kay Sarah. “Ipapaiskedyul ko ang MRI mo bukas. Babalik ako pagkalipas ng ilang minuto.”

Medyo matagal nang sumasakit ang likod ni Sarah. Paggising niya nang umagang iyon, matindi ang sakit nito kaya nahirapan siyang tumayo nang tuwid, at halos hindi siya makalakad. Kumonsulta si Sarah at ang kanyang ina kay Dr. Frank para malaman kung ano ang diperensya.

“Isa pang MRI?” tanong ni Sarah, habang nakatingala sa kanyang Inay. Na-MRI na siyang minsan noon. Naaalala niya kung gaano siya natakot sa loob ng malaking tubo na kumuha ng mga larawan ng loob ng kanyang katawan.

“Sori, Sarah,” sabi ni Inay. “Pero makakatulong ang mga larawan para malaman ni Dr. Frank kung ano ang diperensya ng likod mo. Alam kong kaya mo iyan. At sasamahan kita doon.” Pinisil ni Inay ang kamay ni Sarah.

“Pero hindi po kayo puwedeng pumasok sa loob na kasama ko,” sabi ni Sarah. Napayuko siya, at tumulo ang luha sa kanyang pisngi. Puwedeng sumama sa kanya si Inay sa silid, pero kapag nasa loob na siya ng machine, mag-isa na lang siya.

Niyakap ni Inay si Sarah. “Totoo iyan, pero alam mo ba kung sino ang maaaring naroon para panatagin ka?”

Naalala ni Sarah ang isang pangalan na narinig niyang tawag sa Espiritu Santo: ang Mang-aaliw. Siguro matutulungan siya ng Espiritu Santo na hindi masyadong matakot.

“Ang Espiritu Santo?” tanong ni Sarah.

Tumango si Inay. “Tama ka. Maaari mong ipagdasal na tulungan ka ng Espiritu Santo. Ipagdarasal ka rin namin ni Itay.”

Nagbigay iyon kay Sarah ng magandang ideya. “Puwede po ba akong humingi ng basbas kay Itay?”

Ngumiti si Inay. “Siyempre naman. Alam kong gustung-gusto niyang gawin iyon.”

Nang gabing iyon ipinatong ni Itay ang kanyang mga kamay sa ulo ni Sarah at binigyan siya ng basbas ng priesthood. Nang basbasan niya si Sarah na panatagin siya ng Espiritu Santo, nakadama siya ng pag-init ng kanyang katawan. Nadama niya iyon sa buong magdamag.

Kinabukasan nakahiga na si Sarah sa bangko na maglalagay sa kanya sa malaking tubo sa MRI machine. Inulit niya sa kanyang isipan ang mga salitang ginamit ni Itay habang binabasbasan siya: Ang Espiritu Santo ay paroroon para panatagin ka. Mahigpit na pinisil ni Sarah ang kamay ni Inay. Pagkatapos ay ipinasok na siya ng nars sa tubo.

Nakakatuwa ang ingay ng MRI machine habang kinukuhanan nito ng mga larawan ang kanyang likod. Kinailangang hindi gumalaw si Sarah para hindi maging malabo ang mga larawan. Saglit siyang nataranta, ngunit muli niyang nadama ang mainit na pakiramdam na iyon. Para itong yakap ni Inay. O isang malambot na kumot. Alam niyang magiging maayos ang lahat. Bago pa niya namalayan, tapos na ang MRI!

Sa opisina ni Dr. Frank, ipinakita niya kay Sarah at kay Inay ang mga larawan ng likod ni Sarah. “Ang galing mo, hindi ka gumalaw habang nakahiga ka roon,” sabi ni Dr. Frank kay Sarah habang nakaluhod siya sa tabi nito. “Ipinakikita ng mga larawang ito ng likod mo na kailangan kang operahan para matulungan kang lumakad nang mas maayos.”

Napalunok si Sarah.

“Maganda kung maooperahan ka kaagad,” sabi ni Dr. Frank, habang nakatingin sa nanay ni Sarah. Pagkatapos ay bumaling siya kay Sarah. “Maaaring pagkaraan ng ilang linggo matapos iyon ay madama mong muli ang dating ikaw, pero pagkatapos kitang makita ngayon, alam kong kakayanin mo.”

Sinikap isipin ni Sarah ang lahat ng gagawin niya pagkatapos ayusin ni Dr. Frank ang kanyang likod. Makakatakbo at makakalangoy at makakatalon na ako sa matataas na bunton ng mga dahon. Matagal na niyang hindi nagagawa ang lahat ng iyon. Pero mas nakakatakot ang operasyon kaysa sa MRI! Pagkatapos ay naalala ni Sarah ang kanyang mga dasal at ang espesyal na basbas sa kanya. Ipinadala sa kanya ng Ama sa Langit ang Mang-aaliw. Tutulungan siyang muli ng Mang-aaliw.

Tumingin siya kay Dr. Frank. “Pagkatapos makakatalon na ako sa mataas na bunton ng mga dahon?” tanong niya.

Ngumiti siya. “Pagkatapos makakatalon ka na sa mataas na bunton ng mga dahon.”