2017
Limang Aral para sa mga Young Adult mula sa mga Batang Apostol
October 2017


Limang Aral para sa mga Young Adult mula sa mga Bata pang Apostol

Ano ang matututunan natin ngayon mula sa mga karanasan ng mga unang Apostol ng Pagpapanumbalik?

Ang kanilang mga edad ay nasa pagitan ng 23 hanggang 35 anyos, gayunman tumulong sila para mabago ang daigdig. Ang mga unang Apostol ng ipinanumbalik na Simbahan ay mga bata pa. Dama ng ilan ang kanilang kakulangan. Ang ilan ay nakagawa ng mga pagkakamali. Ngunit silang lahat ay gumawa ng kaibahan sa mundo. Narito ang limang aral na matututunan natin mula sa kanilang mga karanasan.

1. Hindi Mo Kailangang Madama na Sapat ang Iyong Kabutihan para Maging Sapat na Mabuti

Heber C. Kimball

Mga paglalarawan ni Elizabeth Thayer

Nadama ni Heber C. Kimball ang kanyang kakulangan nang matanggap niya ang tawag sa kanya sa Korum ng Labindalawang Apostol noong Pebrero 1835. Wala pa siyang tatlong taon sa Simbahan at siya ay 33 taong gulang lamang noon.

“Hindi ko ito inasahan,” paggunita ni Heber kalaunan.1 Ngunit handa siyang tanggapin ang tungkulin, at sa kanyang basbas ng ordinasyon sinabihan siya na “milyun-milyon” ang “mangagbabalik-loob sa pamamagitan niya.”2

Bilang Apostol naglingkod siya sa dalawang napakamatagumpay na misyon sa England. Napabalik-loob niya ang maraming tao na ang mga inapo ngayon ay maaaring milyun-milyon na ang bilang. Para kay Heber, ang pagsulong kahit na dama niyang kakaunti lang ang maibibigay niya ay nagpala sa kanya at sa marami pang iba.

2. Tayo ay Nakikilala Batay sa mga Desisyon, Hindi sa Kalagayan sa Buhay

Thomas B. Marsh

Si Thomas B. Marsh ay naglayas sa kanilang tahanan sa New Hampshire sa edad na 14. Nagtrabaho siya sa bukid sa Vermont; bilang waiter o serbidor sa Albany, New York; sa isang otel sa New York City; pagkatapos ay bilang katulong sa Long Island. Hindi matatag ang kanyang kalagayan sa buhay hanggang sa kanyang nakilala at pinakasalan si Elizabeth Godkin.

Kalaunan sila ni Elizabeth ay inakay ng Espiritu papunta sa kanlurang bahagi ng New York. Doon nila narinig ang tungkol sa Aklat ni Mormon. Nakita ni Thomas ang mga kopya ng unang 16 na pahina nang lumabas ito sa imprenta, at pinayagan siya ng naglimbag na basahin ang proof sheet. Naniniwalang ang aklat ay sa Diyos, pinili ni Thomas na sumapi sa Simbahan. Nabinyagan siya noong Setyembre 3, 1830.3

Ipinangaral ni Thomas ang ebanghelyo sa maraming lugar. Napagtiisan niya ang hirap nang itaboy ang mga Banal mula sa Jackson County, Missouri, noong Nobyembre 1833. Siya ay orihinal na miyembro ng mataas na lupon ng Missouri nang itatag ito noong Hulyo 1834. Pagkatapos siyang tawagin bilang Apostol sa edad na 34 anyos, naglingkod siya bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawa. Bagamat masigasig niyang ipinagtanggol si Joseph Smith laban sa mga nag-alsa noong una, kalaunan si Thomas mismo ay nagbago at namali ng akala. Noong 1838 nagpasiya siyang umalis sa Simbahan.4

Mula kay Thomas Marsh matututunan natin na ang mabuway na kalagayan ay hindi kailangang humadlang sa pagkakamit natin ng mga pagpapala ng ebanghelyo—o sa pagpapala sa buhay ng iba.

3. Mag-ingat: Walang Taong Napakabuti para Hindi Magkasala

Lyman Johnson

Si Lyman Johnson ang pinakabata sa mga tinawag—23 taon at apat na buwang gulang noong panahong iyon. Naorden siyang high priest sa loob lang ng ilang araw pagkatapos niyang mag-20 anyos noong 1831 at nakapaglingkod na sa ilang misyon para sa Simbahan. Habang nasa isa sa mga misyon na ito, ipinangaral niya ang isang sermon na naaalaala bilang “isa sa mga pinakamalakas na patotoo hinggil sa misyon ni Joseph Smith, at sa dakilang gawain sa mga huling araw.”5

Sa kasamaang-palad, ang paglilingkod ni Lyman bilang Apostol ay hindi nagtagal. Noong may problema sa ekonomiya sa Kirtland, Ohio, noong 1837, kinalaban niya si Joseph Smith. Si Lyman ay na-excommunicate noong 1838.

Kahit gaano siya kahusay mangaral, kahit ano pa ang hinawakan niyang katungkulan sa Simbahan, nag-apostasiya pa rin si Lyman. Sinabi ni Brigham Young na kalaunan ay inamin ni Lyman na sana ay kaya pa rin niyang paniwalaan ang ebanghelyo: “Punung-puno ako noon ng galak at saya. … Masaya ako araw at gabi. … Pero ngayon ay sobra ang kadiliman, pasakit, dalamhati, at kalungkutan.”6

4. Ang Pagsunod ay Hindi Nagbibigay ng Garantiya ng Kaluwagan, Ngunit Sulit Ito

Parley P. Pratt

Pagkatapos na si Parley P. Pratt ay inorden na Apostol, si Oliver Cowdery, na isa sa mga inatasang tumulong sa pagpili ng mga Apostol, ay nag-utos kay Parley, na nagsasabing siya ay “mahihirapang tulad ng mga Apostol noong una sa pagtupad sa ministeryong ito.” Sinabi niya na si Parley ay makukulong sa “matitibay at mapanglaw na mga bilangguan,” ngunit ang gayong mga kalagayan ay hindi dapat magpahina sa kanya, dahil sa mga pagsubok na ito ay “matatanggap niya ang kaluwalhatian” na laan ng Panginoon para sa kanya.7

Ganoon nga ang naging buhay ni Parley. May mga pagkakataon na naharap siya sa matinding kahirapan. Naranasan niyang maalipusta sa pangangaral ng ebanghelyo. Nabilanggo siya noong 1838 at 1839 sa mga paratang na nag-ugat sa mga kahirapang nakaharap ng mga miyembro ng Simbahan noon sa Missouri. Gayunman ay naranasan din ni Parley ang mga pagpapalang ipinangako ni Oliver. Hindi nagtagal nang makalaya siya mula sa bilangguan, isinulat niya, “Napakainam ng aming katayuan, at talagang pinaunlad ng Panginoon, pagkatapos ng lahat ng aming mga paghihirap.”8

5. Hindi Mahalaga ang Edad Kumpara sa Pananampalataya

Orson Pratt

Si Orson Pratt, na kapatid ni Parley, ang pangalawang pinakabata sa mga Apostol. Naorden sa edad na 23, ilang linggo lang ang tanda niya kay Lyman Johnson. Ang paglilingkod na ibinigay ni Orson sa Simbahan ay napakagandang halimbawa kung paanong ang mga young adult ay maaaring maging puwersa para sa kabutihan.

Si Orson ay nabinyagan noong Setyembre 19, 1830—sa kanyang ika-19 na kaarawan. Kaagad pagkatapos niyon, nakatanggap si Joseph Smith ng paghahayag na nagsasabing si Orson ay anak ng Diyos, na siya ay pagpapalain dahil naniwala siya, at responsibilidad niyang ipangaral ang ebanghelyo (tingnan sa D at T 34:3–6). Kaugnay nito, si Orson ay maraming beses na nagmisyon, kabilang na ang isang kasama niya si Lyman Johnson noong 1832 kung saan nakapagbinyag sila ng halos 100 tao at nag-orden ng ilang elder.

Noong tinawag si Orson bilang Apostol, wala siya sa Kirtland. Noong Abril 23, 1835, sa lungsod ng Columbus, nalaman niya na kailangan ang kanyang presensya sa isang pulong sa Kirtland noong Abril 26.

Hindi batid ang layon ng pulong, kaagad siyang nagpunta doon. Dahil hindi alam na tinawag siya bilang Apostol, pumasok siya sa kongregasyon na noon ay “nagdarasal, at umaasam sa kanyang pagdating.”9 Dama ang suporta ng mga Banal, tinanggap ni Orson ang pagtawag sa kanya.

Bilang Apostol, inihanda niya ang polyeto na naglalaman ng pinakaunang nakalimbag na salaysay ng Unang Pangitain ni Joseph Smith. Bilang pioneer noong 1847, nagtala siya ng detalyadong ulat ng paglalakbay papuntang kanluran. Nagsulat rin siya ng maraming polyeto ng mga missionary at naging malakas na tagapagtanggol ng Aklat ni Mormon.

Kaiba Ngayon … Tama Nga Ba?

Sa maraming paraan, ang mga young adult ngayon ay kaiba kaysa noong 1835. Gayunman ang mga aral na ito ay makatutulong sa mga young adult ngayon sa pagsisikap nilang mamuhay nang ayon sa kanilang potensyal. Narito ang buod:

  • Kung dama mong may kakulangan ka, sumulong ka lang kahit paano.

  • Lahat ay may mga hamon. Malalampasan mo ang sa iyo.

  • Mas magiging maligaya ka kung mananatili kang aktibo sa Simbahan.

  • Manatiling tumutupad sa pangako. Maging masunurin at matapat. Darating ang mga pagpapala.

  • Mayroon kang mahalagang bagay na maibibigay. Umaasa ang Panginoon sa iyo.

Mga Tala

  1. “Extracts from H. C. Kimball’s Journal,” Times and Seasons, Abr. 15, 1845, 868.

  2. “Minutes, Discourse, and Blessings, 14–15 February 1835,” sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 4: April 1834–September 1835, ed. Matthew C. Godfrey and others (2016), 229.

  3. Tingnan sa “History of Thos. Baldwin Marsh,” The Deseret News, Mar. 24, 1858, 18.

  4. Tingnan sa “History of Thos. Baldwin Marsh,” The Deseret News, Mar. 24, 1858, 18; Kay Darowski, “The Faith and Fall of Thomas Marsh,” sa Revelations in Context: The Stories behind the Sections of the Doctrine and Covenants, Matthew McBride at James Goldberg, eds. (2016), 57–59.

  5. Edward W. Tullidge, Tullidge’s Histories (1889), vol. 2 (supplement), 175.

  6. Brigham Young, Discourse, Hunyo 17, 1877, sa Journal of Discourses, 19:41.

  7. Oliver Cowdery, sa “Minutes and Blessings, 21 February, 1835,” sa Joseph Smith Papers, Documents, Volume 4: April 1834–September 1835, 240–41.

  8. “Letter from Parley P. Pratt, 22 November 1839,” josephsmithpapers.org/paper-summary/letter-from-parley-p-pratt-22-november-1839/1.

  9. “Extracts from H. C. Kimball’s Journal,” Times and Seasons, Abr. 15, 1845, 869.