Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Miting ng Melchizedek Priesthood at Relief Society
Simula sa Enero 2018
Pagpapasimula ng bagong karanasan sa araw ng Linggo para sa mga adult
Isang Bagong Karanasan sa Araw ng Linggo
Sa Enero 2018, magbabago na ang mga miting sa araw ng Linggo para sa mga Melchizedek Priesthood quorum at Relief Society. Ang mga pagbabagong ito ay may kinalaman sa mga materyal na ginagamit natin—ang seryeng Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan ay papalitan ng mas malaking pagbibigay-diin sa pagkatuto mula sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, pagpapayuhan, at pag-aaral ng espesyal na mga paksang pinili ng ating mga pangkalahatang pinuno.
Ngunit ang pinaka-makabuluhang pagbabago ay may kinalaman sa kung paano natin ginagamit ang mga materyal na ito upang maisakatuparan ang mga tunay na layunin ng ating mga miting sa araw ng Linggo.
Ang mga Layunin ng Ating mga Miting
Inorganisa ng Diyos ang Kanyang mga anak na lalaki at babae na nakipagtipan sa Kanya sa mga priesthood quorum at Relief Society upang tumulong na maisakatuparan ang Kanyang gawain. May makapangyarihang bagay na nangyayari kapag nagtitipon tayo sa ilalim ng pamamahala ng mga nagtataglay ng mga susi ng priesthood. Kaya bagamat mahalaga ang pagtuturo ng ebanghelyo, ang mga miting ng priesthood at Relief Society sa araw ng Linggo ay higit pa sa mga klase. Mga working meeting din ito kung saan sama-sama tayong natututo mula sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, nagpapayuhan tungkol sa gawain ng pagliligtas, at nag-oorganisa para maisakatuparan ang gawain. Ang mga pagbabagong darating sa 2018 ay tutulong sa atin na matupad ang mga layuning ito.
Mga Tanong at mga Sagot
Bagong kurikulum ba ang pagbabagong ito—o higit pa rito? Ang mga bagong materyal ay maaaring mukhang isang kurikulum, ngunit hihikayatin din nito ang mga Melchizedek Priesthood quorum at Relief Society na dagdagan ang kanilang partisipasyon sa gawain ng Diyos at sa pagtugon sa lokal na mga pangangailangan. Ang pagbabagong ito ay naglalaan ng isang forum para matukoy, makapagpayo tungkol sa, at matugunan ang mga pangangailangang iyon.
Ano ang pagtutuunan natin ng pansin sa mga miting tuwing Linggo? Simula sa Nobyembre 2017, isasama sa mga isyu ng pangkalahatang kumperensya ng Liahona at Ensign ang mga materyal na gagamitin sa mga miting ng Melchizedek Priesthood at Relief Society sa araw ng Linggo. Dalawang buwanang mga miting ang magtutuon sa mga mensahe sa kumperensya, at bibigyan ng mga ideya ang mga lider at guro para matulungan ang mga miyembro na talakayin at isabuhay ang mga mensaheng iyon. Ang mga unang Linggo ay gugugulin sa pagpapayuhan para tugunan ang lokal na mga pangangailangan at ang mga ikaapat na Linggo ay sa pag-aaral ng isang paksang pinili ng ating mga pangkalahatang pinuno. Tingnan ang iskedyul ng buwanang miting sa kabilang panig ng pahinang ito.
Ano ang ibig sabihin ng magpayuhan tungkol sa lokal na mga pangangailangan? Ang mga Melchizedek Priesthood quorum at Relief Society ay “[uupo] sa kapulungan” (D at T 107:89) sa unang Linggo ng bawat buwan. Sa ilalim ng pamamahala ng mga lider ng priesthood o Relief Society, ang mga miting sa unang Linggo ay ginagamit upang tukuyin ang lokal na mga pangangailangan at magpayuhan tungkol sa kung paano tutugunan ang mga pangangailangang iyon. Ang mga posibleng paksa para sa mga council sa unang Linggo ay kinabibilangan ng kung paano pagandahin ang komunikasyon sa mga miyembro ng pamilya, maglingkod sa komunidad, at turuan ang mga kabataan sa ward o branch. Sa kasunod na mga miting, ipa-follow up ng quorum, group, o Relief Society ang mga impresyon at ginawang hakbang.
Kapareho ba ng Come, Follow Me para sa mga kabataan ang kurikulum na ito? Kahit naiiba ang mga paksa at materyal ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Miting ng Melchizedek Priesthood at Relief Society kumpara sa Come, Follow Me para sa mga kabataan, magkapareho ang pamamaraan ng pagtuturo at pagkatuto. Para sa iba pang impormasyon sa pagkatuto at pagtuturo tungkol sa ebanghelyo, tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas sa teaching.lds.org.
Hindi ako guro. Kailangan ko bang mag-subscribe sa Liahona o Ensign? Ang iyong karanasan ay mas mapagyayaman kung babasahin mo ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya at dadalhin ang mga ito sa iyong mga miting tuwing Linggo. Maa-access mo ang mga mensahe sa internet sa conference.lds.org at sa Gospel Library app o sa pamamagitan ng pag-subscribe sa Liahona o Ensign (tingnan sa store.lds.org).
Paano kung walang magasin ng pangkalahatang kumperensya sa aking wika? Ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya ay available sa maraming wika sa conference.lds.org at sa Gospel Library app, at ang mga materyal sa kurikulum ay available sa ComeFollowMe.lds.org. Kung hindi matanggap sa iyong wika ang mga bagong materyal sa kurikulum sa online man o sa isang magasin, tingnan sa Instructions for Curriculum, 2018 para sa karagdagang impormasyon.
Kailan namin sisimulan ang pag-aaral ng mga bagong mensahe sa pangkalahatang kumperensya? Sisimulan ninyong pag-aralan ang mga mensahe sa kumperensya ng Oktubre 2017 sa Enero 2018. Pagkatapos niyon, magpapasiya ang inyong mga lokal na lider kung kailan sisimulang gamitin ang mga mensahe mula sa susunod na kumperensya—malamang ay sa Mayo at Nobyembre ng bawat taon.
Sino ang pipili kung aling mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya ang pag-aaralan namin? Magsasanggunian ang inyong mga lokal na lider kung aling mga mensahe sa kumperensya ang pinakamainam na tutugon sa mga pangangailangan ng inyong quorum, group, o Relief Society. Maaaring pag-aralan ng high priests group, elders quorum, at Relief Society sa iisang ward o branch ang iba’t ibang mensahe para matugunan ang iba’t ibang pangangailangan.
Iskedyul ng Melchizedek Priesthood at Relief Society sa Araw ng Linggo
Sisimulan sa Enero 2018
Paksa |
Pinamumunuan ng | |
Unang Linggo |
Pagpapayuhan tungkol sa lokal na mga pangangailangan |
Presidency o pamunuan ng grupo |
Mga Ikalawa at Ikatlong Linggo |
Mensahe sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya |
Presidency o pamunuan ng grupo o isang tinawag na guro |
Ikaapat na Linggo |
Partikular na paksang pinili ng mga pangkalahatang pinuno ng Simbahan |
Presidency o pamunuan ng grupo o isang tinawag na guro |
Ikalimang Linggo |
Paksang pinili ng bishopric |
Bishopric o isang taong inatasan nila |
Ang mga tagubilin para sa mga miting na ito ay matatagpuan sa isyu ng Liahona at Ensign para sa Nobyembre, sa Gospel Library app, at sa ComeFollowMe.lds.org.