2017
Natagpuan ang Tulong Matapos ang Pagpanaw ni Nancy
October 2017


Natagpuan ang Tulong Matapos ang Pagpanaw ni Nancy

Ang awtor ay naninirahan sa Georgia, USA.

Ano ang kinailangan kong gawin upang magkaroon ng bisa ang nagpapagaling na kapangyarihan ni Jesucristo sa buhay ko?

man sitting down

Mga iginuhit na larawan ni Iker Ayerstaran

Noong Pebrero ng 2016, pumanaw ang asawa kong si Nancy matapos makibaka nang 11 taon sa kanser sa suso. Ang matinding dalamhating nadama ko sa mga unang buwan ng kanyang pagpanaw ay mahirap ilarawan sa isang taong hindi pa nakaranas ng ganitong uri ng kawalan. Pighati, pagdurusa, kalungkutan, pasakit—hindi sapat ang mga salitang ito upang ilarawan ang nadama ko. Hindi ko ito makayanan.

Ang Nagpapagaling na Kapangyarihan ng Tagapagligtas

Nauunawaan ko na noon pa man na si Jesucristo ay “nagpakababa-baba sa lahat ng bagay” (D at T 88:6) upang Kanyang “[ma]tulungan [mapaginhawa o maalalayan] ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:12). Nangangahulugan na ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay higit pa sa paglalaan ng Pagkabuhay na Mag-uli at pagkatubos mula sa kasalanan. Sa kapangyarihang ito, mapapagaling rin Niya tayo sa mga panahon ng ating pagdurusa at pangangailangan. Sa aking dalamhati, agad kong sinikap—na parang baliw—na malaman ang kailangan kong gawin upang maging epektibo ang aspetong ito ng kapangyarihan ng Tagapagligtas sa buhay ko. Ilang linggo kong sinaliksik ang mga banal na kasulatan at mensahe ng mga General Authority ng Simbahan. Taos-puso akong naniwala na, kahit labis Siyang nagdusa at nagsakripisyo, alam ng Tagapagligtas ang sakit na nadarama ko. Ngunit paano nakatulong sa akin ang pagkabatid Niya rito? Dahil pinagdusahan Niya ito para sa akin, ano ang kinailangan kong gawin upang matanggap ang pagtulong na alam Niya kung paano ibigay?

Matapos ang maraming pagsasaliksik, pag-aaral, panalangin, at pagsamba sa templo, nagsimula akong makaunawa. Una sa lahat, nasimulan kong makita nang mas malinaw na noon pa man ay tinutulungan, pinapanatag, at sinusuportahan na ng Panginoon ang aming pamilya, lalo na noong mga linggo bago pumanaw si Nancy. May kagila-gilalas na mga espirituwal na karanasan na kinikilala ko ngayon na mga pagpapalang nagmumula sa nagpapagaling at nagpapalakas na kapangyarihang makakamtan natin dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. At ang pagkaalam lamang na pinangangalagaan na kami ng Tagapagligtas sa napaka-personal na paraan, kung tutuusin, ay lubos na nakapapanatag. Tulad nina Sadrach, Mesach, at Abed-nego noong araw, nakasama namin Siya sa “hurnong nagniningas” (Daniel 3:17) ng aming pagdurusa.

Magtiwala sa Panginoon

Nalaman ko rin na may ilang bagay na hinihingi sa atin upang matanggap ang kapanatagan at pagpapagaling ng Panginoon. Ang pinakamahalaga, kailangan nating magtiwala sa Kanya. Maaaring mahirap gawin iyan. Bakit ako magtitiwala sa Diyos samantalang sa simula pa lang ay nahadlangan sana Niya ang pagpanaw ni Nancy? Bilang sagot sa tanong na ito, patuloy kong pinagninilayan ang isang bagay na sinabi ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith:

“Hindi ninyo mamamasdan ng inyong likas na mga mata, sa kasalukuyan, ang balangkas ng inyong Diyos hinggil sa mga bagay na yaon na darating pagkaraan nito, at ang kaluwalhatiang susunod matapos ang maraming kapighatian” (D at T 58:3).

Biniyayaan kami ng maraming palatandaan na ang paraan at takdang panahon ng pagpanaw ni Nancy ay ayon sa kalooban ng Panginoon. Naunawaan ko na isang mapagmahal na Amang nakababatid sa lahat ng bagay ang nagtulot na pagdusahan natin ang mga bagay na ito dahil, sa Kanyang perpektong plano para sa kadakilaan ng ating pamilya, ang paghihirap na ito kahit paano ay kinakailangan. Nababatid iyan, nauunawaan ko na ang bahagi ko sa Kanyang plano ay hindi lamang ito pagtiisan kundi “pagtiisang mabuti” (D at T 121:8). Hangga’t maiaalay ko sa Kanya ang paghihirap na ito, hindi lamang ako matutulungan kundi mapapabanal din. Naranasan ko na ito sa maraming paraan.

Pinayuhan ko ang aming mga anak na gawin ang natutunan ko mismo sa prosesong ito:

  • Hayaang itulak kayo ng sakit ng mahihirap na karanasan na maging mas magiting na disipulo.

  • Ibuhos sa panalangin ang inyong niloloob.

  • Kung nakakaramdam kayo ng galit sa Diyos dahil tinulutan Niyang mangyari ang mga trahedya, magsumamo sa Kanya na palitan ang galit na iyan ng pananampalataya at pagsuko.

  • Makipagtipan na mahalin Siya at maging tapat hanggang wakas.

  • Laging magpatid-uhaw sa mga salita ng Diyos—mula sa mga banal na kasulatan at mensahe at isinulat ng mga makabagong propeta at inspiradong guro.

  • Magpunta sa templo nang may hangaring maturuan ng mga bagay ukol sa kawalang-hanggan.

  • Maghanap ng mga taong nahihirapang manampalataya dahil sa isang personal na problema, at palakasin sila gamit ang inyong patotoo tungkol sa mga doktrinang ito.

Patotoo ng Isang Apostol

Mga isang buwan pagkamatay ni Nancy, sumapit ang isang gabi na tunay na nadurog ang puso ko sa labis na dalamhati. Buong araw akong nalulunod sa sama ng loob at kalungkutan. Naalala kong itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na “ang landas ng kaligtasan ay laging pinamumunuan … sa pagtahak sa Getsemani.”1 Bagama’t hindi maikukumpara ang pagdurusa ko sa pagdurusa ng Tagapagligtas, nang gabing iyo’y nahirapan ako sa sarili kong “madidilim at mapapait na sandali.”2

Matapos itong maranasan nang kaunting panahon at humingi ng tulong sa panalangin, naisip ko ang isang bagay na nabasa at minarkahan ko sa computer ko ilang taon na ang nakararaan. Nakita ko ang dokumento at binasa ito upang makita ang hinahanap ko. Isang panayam iyon kay Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol (1928–2015) kung kailan tinanong siya tungkol sa pagkamatay mula sa kanser ng kanyang asawa, si Jeanene, noong 1995. Sumagot si Elder Scott, “Una sa lahat … hindi siya nawala sa akin. Nasa kabilang panig siya ng tabing. Nabuklod kami sa banal na ordenansang iyon ng templo, at magkakasama kami magpakailanman.”3

Atlanta Georgia Temple

Iginuhit na larawan ng Atlanta Georgia Temple

Nang gabing iyo’y dumating ang mga salitang iyon na may kapangyarihang noon ko lamang nadama. Para itong isang tanglaw sa parola na sinisindihan sa dilim ng gabi. Hindi pa ako nakabasa ng gayong bagay na biglaan at malalim ang epekto sa akin. Naglaho ang kadiliman at sakit. Para iyong si Alma noong “hindi [niya] na naalaala pa ang [kanyang] mga pasakit” (Alma 36:19). Ang patotoong ito ng apostol ay tumimo sa kaibuturan ng puso ko. Namangha ako na biglang parang napaka-pambihira ng isang konseptong naunawaan ko mula pa sa pagkabata. Naisip ko kung paano posibleng malaman ni Elder Scott ang isang bagay na katulad nito. At sa sandaling iyon, natanto ko na alam ko rin ito. Kung tapat ako, mapapasaakin ang lahat ng pag-asang tinaglay ni Elder Scott. Kahit talagang nalungkot at nagluksa ako simula noon, hindi ko na muling nadama ang tindi ng pasakit at kalungkutang naranasan ko noong gabing iyon.

Ito ang kapangyarihang ibinibigay sa atin ng Tagapagligtas upang tulungan tayo sa ating mga pagsubok. Alam ko na hindi kailanman lubusang maglalaho ang dalamhati ng aming pamilya, ngunit napapasakop ito sa tinatawag na “nagpapalakas” at “nakasasakdal” na mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.4 Mas napalapit tayo sa Tagapagligtas, nadama natin ang Kanyang mga pagtiyak, at napalakas tayo ng tiyak na pundasyon ng ating mga tipan.

Mga Tala

  1. Jeffrey R. Holland, “Lessons from Liberty Jail” (Brigham Young University devotional, Set. 7, 2008), 6, speeches.byu.edu.

  2. Dieter F. Uchtdorf, “Yakap ng mga Bisig ng Kanyang Pagmamahal,” Liahona, Mar. 2015, 5.

  3. “A Sure Witness of Jesus Christ: Elder Richard G. Scott,” lds.org/prophets-and-apostles.

  4. Tingnan sa Bruce C. Hafen at Marie K. Hafen, The Contrite Spirit: How the Temple Helps Us Apply Christ’s Atonement (2015), 34–52.