Mensahe sa Visiting Teaching
Pagyakap nang May Pagmamahal sa mga Naliligaw ng Landas
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at maghangad ng inspirasyon upang malaman kung ano ang ibabahagi. Paano ihahanda ng pagkaunawa sa layunin ng Relief Society ang mga anak na babae ng Diyos para sa mga pagpapala ng buhay na walang hanggan?
“Ang totoo ay wala namang perpektong pamilya … ,” sabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan. “Anumang mga problema ang kinakaharap ng inyong pamilya, anuman ang kailangan ninyong gawin para malutas ito, ang simula at wakas ng solusyon ay pag-ibig sa kapwa-tao, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo.”1
Sa mga taong hindi lubos na nakikibahagi sa ebanghelyo, sinabi ni Linda K. Burton, dating General President ng Relief Society: “Mahal ng Ama sa Langit ang lahat ng anak Niya. … Saan man sila naroon—nasa tamang landas man o wala—nais Niya tayong makauwi.”2
“Gaano man [kasuwail ang inyong mga anak], … kapag nagsasalita o kinakausap ninyo sila, huwag itong gagawin nang may galit, huwag itong gagawin nang may kabagsikan, sa isang mapanghatol na diwa,” pagtuturo ni Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918). “Magsalita sa kanila nang malumanay.”3
Inulit ni Elder Brent H. Nielson ng Pitumpu ang tagubilin ng Tagapagligtas sa mga taong may 10 piraso ng pilak at nawalan ng isa: “Hanapin ito hanggang sa matagpuan ito. Kapag ang nawawala ay ang inyong anak na lalaki o babae, kapatid na lalaki o babae, … matapos ang lahat ng [ating] magagawa, [minamahal natin] ang taong iyon nang buong puso. …
“Nawa’y makatanggap tayo ng paghahayag na malaman kung paano pinakamainam na matutulungan ang mga tao sa ating buhay na nalihis ng landas at, kung kinakailangan, ay magkaroon ng pagtitiyaga at pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo, habang tayo ay nagmamahal, umaasam at naghihintay sa alibughang anak.”4
Sabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ipinagdasal ko nang may pananampalataya na subukan at damhin ng isang mahal ko sa buhay ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala. Ipinagdasal ko nang may pananampalataya na dumating ang mababait na tao para tulungan sila, at dumating nga ang mga ito.
“Gumawa ng mga paraan ang Diyos para mailigtas ang bawat isa sa Kanyang mga anak.”5