2017
Manindigan
October 2017


Manindigan

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Malaki ang nagagawang kaibhan ng mga kaibigan sa kung gaano kadali—o kahirap—ang ipamuhay ang ating mga pamantayan.

surrounded by a circle of friends

Lumaki akong kasama ang mga kaibigan na mga miyembro ng Simbahan, at nasabik akong mabinyagan at maging miyembro mismo. Nang lumipat ako sa kabilang dulo ng bansa para mag-aral sa kolehiyo, sinimulan kong pakinggan ang mga lesson ng mga missionary. Sa kasamaang palad, dahil sa pamimilit ng mga bago kong kabarkada ay nahirapan akong sundin ang mga pamantayan ng ebanghelyo. Ang mga kapwa ko freshmen ay nag-ukol ng maraming oras sa mga parti at umiinom ng alak. Hindi pa ako nakatikim ng alak noon, pero palagi akong pinipilit ng mga bago kong kaibigan na uminom nito.

Alam ko na totoo ang ebanghelyo, pero ang tukso mula sa mga kabarkada ko ay mahirap paglabanan.

Nagsimula akong magdasal sa Ama sa Langit na bigyan ako ng lakas na gawin ang tamang desisyon. Hindi ko pa naman ibinaba ang aking mga pamantayan, pero natakot ako na hindi ako magkaroon ng lakas na tanggihan ang alak sa susunod na ialok ito sa akin. Nangulila ako sa mga kaibigan ko na katulad ko ang mga pinahahalagahan.

Isang Sabado ng gabi nagpunta ako sa isang parti kasama ang mga tao na nasa dorm ko. Kaagad na nagsiinom ang mga kaibigan ko at hinikayat akong subukang tikman ang alak.

Natukso ako. Kinuha ko ang baso ng serbesa na iniabot sa akin. Inilapat ko ito sa aking bibig, hindi ako komportable pero natutuwa na sa akin nakatuon ang pansin ng mga kaibigan ko. Pagkatapos si Nick, ang binatilyong kilala sa pag-inom ng alak, ay lumapit sa grupo namin.

“Hindi ka umiinom niyan, di ba?” tanong niya.

“Hindi pa,” sagot ko.

“Kung iinumin mo iyan,” sabi ni Nick, “pagsisisihan mo iyan habambuhay.”

Nabigla ako. Alam kong tama siya. Ayaw kong uminom ng alak. Gusto kong sumapi sa Simbahan. Isinauli ko ang baso at nilisan na ang parti, nagpapasalamat na hindi ako gumawa ng masamang desisyon.

Kinaumagahan nagsimba ako, nakita ko ang mga missionary, at itinakda ang petsa ng binyag ko. Mula noong araw na iyon iniwasan ko na ang mga parti na may lasingan. Nagkaroon ako ng mga kaibigan sa simbahan na kapareho ko ang mga pinahahalagahan at pamantayan. Kaibigan ko pa rin ang mga tao sa dorm ko, ngunit nilinaw ko na sa kanila ang mga pamantayan ko. Nang malaman nila kung gaano ka-importante sa akin ang mga pinahahalagahan ko, iginalang nila ang mga ito at tumigil na sa pamimilit sa akin. Napapansin at iginagalang nila ito sa paglabas ko ng silid kapag nanonood sila ng di angkop na mga pelikula at nakikinig sa di angkop na musika.

Napalakas ang patotoo ko ng karanasang ito, at sisikapin kong hindi ibaba kailanman ang mga pamantayan ko dahil sa pamimilit ng barkada. Alam ko rin na ang pinakamainam na paraan sa pagharap sa mahihirap na desisyon ay alamin ang iyong mga pamantayan at panghawakan ang mga ito mula sa simula.

Alam ko na sinagot ng Ama sa Langit ang aking mga dalangin na bigyan ako ng lakas na paglabanan ang tukso. Nagpapasalamat ako na hinikayat ako ng Espiritu Santo na gawin ang tamang desisyon. Alam ko na nariyan ang mga pamantayan ng Simbahan para protektahan tayo, at nagpapasalamat ako na ang desisyon kong sundin ang mga ito ay tumulong sa akin na piliing sumapi sa Simbahan.