Pagtulong, sa Paisa-isang Lapis
Nagsimula ang lahat nang magtakda ang aking stake ng isang proyekto para tulungan ang mga refugee. Nagustuhan ko talaga ang proyekto, kaya hiniling ko sa nanay ko na sabihin sa guro sa eskwela ang tungkol dito, at gusto ng guro ko na may gawin kasama ang grade four. Para magpakita ng halimbawa ng proyekto, kami ng kapatid kong si Maddie, ay nagbahay-bahay para humingi ng mga donasyon.
Dumating ang araw para ilahad ang proyekto sa mga nasa grade four. Medyo kabado ako noon. Ang totoo, sobra ang takot ko, pero ginawa ko ang lahat ng makakaya ko. Sinabi ko sa iba pang nasa grade four kung ano ang kailangan namin para sa mga school kit na ibibigay sa mga refugee. Ikinuwento ko na nagbahay-bahay kami, at hinamon ko sila na gawin ang mas mainam pa kaysa sa ginawa ko sa paglikom ng pera. Sama-sama kaming nakagawa ng mahigit 100 mga kit! Naglagay kami ng mga notbuk, lapis, at iba pang gamit sa eskuwela. Naglagay din kami ng munting mensahe na, “Maligayang pagdating sa Germany.”
Dinala namin ni Inay ang mga kit sa refugee camp. Hindi ko masasabing maganda ang kampo, pero mayroong palaruan at isang lugar para sa pag-aaral ng akademya. May tren na malapit sa kampo na talagang napakaingay, at sinabi sa akin ng mga bata na ang tunog nito ay parang mga jet na lumilipad sa Syria at sa iba pang lugar na katulad niyon. Siguro para itong tunog ng mga bomba sa mga bata na nakarinig nito sa kanilang inang bayan.
May nakilala akong ilang bata sa kampo na kaedad ko, pati na si Daniel, na magaling na manlalaro ng chess. Hindi ko siya nakalaro sa chess, kaya sayang talaga dahil gustung-gusto ko ang chess, pero niyaya nila akong maglaro ng foosball at ping-pong. Sinabi sa akin ng mga bata na talagang nangungulila sila sa kanilang tahanan at gusto nang iwan ang kampo at muling mag-aral.
Pagkatapos naming maglaro ng foosball at ping-pong, iniabot na namin ang mga kit. Ang ganda ng pakiramdam ko na may nagawa ako kahit paano para sa mga bata na nasa mga kampo.