2017
Maging Kaiba sa mga ‘Tipikal na Tinedyer’ Ngayon
October 2017


Maging Kaiba sa mga “Tipikal na Tinedyer” Ngayon

Kalimutan ninyo ang sinasabi ng mundo. Paano kayo nakikita ng Ama sa Langit? Kaya ninyong marating ang iniisip Niyang potensiyal ninyo.

breaking the mold

Maraming sinasabi ang daigdig tungkol sa mga tinedyer ngayon. Siguro alam na ninyo ang ilang stereotype o bansag, o may narinig na kayong nagreklamo tungkol sa “mga kabataan ngayon.” Marami ring pag-aaral at estadistika tungkol sa inyo—inyong mga kaugalian sa social media, ang binibili ninyo, maging kung gaano kaikli ang inyong atensyon.

Ngunit si Pangulong Russell M. Nelson, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay nagsabing siya ay “di-komportable” kapag naririnig niya ang paglalarawan ng mga mananaliksik sa kanilang pag-aaral tungkol sa kabataan. “At ang totoo,” hindi ako gaanong interesado sa sasabihin ng mga eksperto tungkol sa inyo kaysa sa sinabi sa akin ng Panginoon tungkol sa inyo.”1

Hindi kailangan ng Panginoon ng mga pag-aaral o stereotype para makilala kayo. Hindi Niya kayo itinuturing na bahagi lamang ng estadistika o isang taong mababa ang turing batay sa sinisikap ng “daigdig” na ilarawan tungkol sa inyo.

“Mahal Niya kayo hindi lang dahil sa uri ng pagkatao ninyo sa araw na ito, kundi sa potensyal at hangarin ninyong maging isang nilalang na may kabutihan at liwanag,” sabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan.2

Hindi lang kayo nakikita ng Diyos; mahal Niya kayo.

Gusto ba ninyong maging kaiba sa mga tao ngayon sa mundo? Simulang tingnan ang inyong sarili sa paraan ng pagtingin sa inyo ng Ama sa Langit at ng Kanyang mga piling tagapaglingkod? Gusto ba ninyong patunayang mali ang mga stereotype o bansag ng tao tungkol sa inyo? Panahon na para aktibong sumali at kumilos! Noong si Cristo ay 12 taong gulang, ipinaalala Niya sa Kanyang mga magulang sa lupa na kailangan Siyang “maglumagak sa bahay ng [Kanyang] Ama” (Lucas 2:49).

Hindi na Siya napakabata noon, at gayon din kayo. Kaya ang kasunod na tanong ay ito: Paano kayo maglulumagak sa bahay ng inyong Ama?

Ang Kanyang “business” o gawain ay tungkol lahat sa pagsasakatuparan “ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39), kaya makapaglulumagak kayo sa bahay ng inyong Ama sa paggawa ng lahat sa abot-kaya ninyo para makamit ang inyong potensiyal at sa pagtulong sa iba na makamit rin ang kanilang potensyal.

Ngayon ang panahon para magkaroon ng pananagutan para sa inyong sariling kinabukasan. Ano ang magagawa ninyo ngayon mismo para matiyak na kayo ay nagiging ang taong alam ng Ama sa Langit na kaya ninyong maging, hindi lamang sa mga kawalang-hanggan kundi dito rin sa buhay na ito?

Gusto ba ninyong makasal sa templo? Magpasiya ngayon na maging dalisay sa isip, salita, at gawa. Nakikita ba ninyo ang inyong sarili na nag-aaral sa isang unibersidad? Simulan nang magkaroon ng mabuting kaugalian sa pag-aaral ngayon. Gusto mo bang magmisyon? Idagdag ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo sa pag-aaral mo ng ebanghelyo (lalo na ang kabanata 3). Gusto mo bang matustusan ang pangangailangan ng isang pamilya? Matutong gumawa ng badyet at sundin ang nakasaad doon ngayon.

Maaari mo ring tingnan ang mga bagay na nagpapaligaya sa iyo ngayon. Gusto mo ba ang math? Pagtugtog ng piano? Pagsusulat ng mga kuwento? Patuloy itong gawin! Tingnan kung may mga paraan para mapagbuti mo pa ito: mga klase sa eskuwela, mga online tutorial, kompetisyon, workshop, at marami pang iba.

Maging kaiba at patunayang mali ang mga stereotype o bansag! Magpasiya kung ano ang nais ninyong marating sa hinaharap. Ano ang ginagawa mo para maging ang pinakamainam na sarili mo? Ipaalam sa amin sa pamamagitan ng pagpapadala ng email sa liahona@ldschurch.org o pag-iiwan ng mensahe sa LDS Youth Facebook o sa Instagram pages.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Manindigan Bilang mga Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito,” Liahona, Okt. 2016, 46.

  2. Dieter F. Uchtdorf, “Masayang Ipinamumuhay ang Ebanghelyo,” Liahona, Nob. 2014, 123.