2017
Hindi pa Huli ang Lahat para sa Pangalawang Pagkakataon
October 2017


Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo

Hindi pa Huli ang Lahat para sa Pangalawang Pagkakataon

Ang awtor ay naninirahan sa Virginia, USA.

Sinabi ng ama ng isa sa mga nagsusumikap kong mga estudyante sa kanyang anak na babae, “Hindi pa huli ang lahat para magtagumpay ka.” Iyon din ang mensahe ng Panginoon sa atin.

father and daughter at a parent teacher conference

Paglalarawan ni Kelley McMorris

Si Sandra ay estudyante ko sa advanced English class. Ilang linggo na mula nang nagpasukan sa taong iyon, wala siyang nagawang anumang homework o mga proyekto. Nangarap lamang siya nang gising sa kanyang upuan. Marami siyang dahilan kung bakit hindi niya natapos ang kanyang mga homework, at hindi nakita sa ugali at kilos niya na gusto niyang pumasa sa isang napakahirap na kurso.

Ipinasiya namin ng kanyang counselor o tagapayo na kausapin sina Sandra, ang kanyang ama, at ang ilan sa iba pa niyang mga guro upang malaman ang direksyong dapat niyang tahakin: dapat ba niyang bitawan ang advanced courses niya at sa halip ay kumuha na lang ng mga karaniwang kurso? Ang pinakamahalaga ay ang di-masambit na tanong na bumabagabag sa isipan naming lahat: makakahanap ba kami ng paraan para matulungang pumasa si Sandra?

Sa paniniwalang nabigyan na si Sandra ng maraming pagkakataon para pumasa ngunit pinili pa rin niyang bumagsak, nagpunta ako sa miting na lubhang dismayado. Lihim kong inasam na magpasiya siyang bitawan ang klase ko para hindi ko na siya problemahin. Pakiramdam ko ay ginawa ko na ang lahat ng makakaya ko at huli na ang lahat.

Sa miting, nabunyag sa kilos ni Sandra na duda rin siya sa kakayahan niyang pumasa. Nakatitig siya sa mesa nang sabihin ko sa kanya na bagsak siya sa English class. Habang kinukumpirma ng history teacher ni Sandra na bagsak din siya sa klase nito, lalo siyang nanlupaypay sa kanyang upuan at nakita kong pumapatak ang luha sa kanyang mga pisngi.

Dahil sa habag, ipinaliwanag ko sa kanya at sa kanyang ama na kung gustong pumasa ni Sandra sa mahihirap na kursong ito, kailangan niyang baguhin ang ugali na nagpahamak sa kanya at magiging napakahirap nito.

Isang Mensahe mula sa Kanyang Ama

Pagkatapos ay bumaling ang counselor o tagapayo sa ama ni Sandra, isang lalaking kakaunti ang pinag-aralan na tila hindi komportableng mapunta sa paaralan. Tinanong siya ng counselor o tagapayo kung may itatanong siya sa mga guro. Wala raw at nagpasalamat siya sa mga nagawa namin para kay Sandra. Pero pagkatapos ay sinabi niya na may sasabihin siya sa kanyang anak.

Kinabahan ako. Naging bahagi ako ng ilang kumperensya ng mga magulang at guro kung saan hayagang binulyawan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa harap ng mga guro at tagapayo, pinagagalitan sila sa kanilang katamaran, pagpapabaya, at kawalan ng ganang magsikap. Inihanda ko ang sarili ko na marinig itong muli.

Sa halip ay nagulat ako sa narinig ko. Bumaling ang mapagpakumbabang ama ni Sandra sa kanyang lumuluhang 16-na-taong-gulang na anak na hiyang-hiya at nagsisisi at sinabi rito, “Hindi pa huli ang lahat. Hindi pa huli ang lahat para pumasa ka. Talagang hindi pa huli ang lahat.”

Nilisan ko ang miting na iyon na nagpapasalamat sa kanyang mapagmahal na reaksyon ngunit nag-alala ako na wala siyang ideya kung ano ang kailangan para makapasa ang kanyang anak sa puntong ito. Tila imposible na. Dumating ang balita kalaunan na nagpasiya siyang bitawan ang kanyang history class pero hindi ang English class ko.

Kalaunan nang araw na iyon habang nakaluhod ako sa panalangin, pinag-iisipan ang sarili kong mga pagkukulang at humihingi ng tawad sa aking Ama sa Langit, natanto ko kung gaano kalaki ang natutunan ko mula sa ama ni Sandra. Sa mga pagkakataong naramdaman ko ang kawalan ng kapanatagan at damdamin ng kakulangan sa sarili kong buhay, naisip ko kung karapat-dapat o nararapat ba akong bigyan ng pangalawang pagkakataon. Sa mga sandaling iyon, ang Panginoon, tulad ng ama ni Sandra, ay pinili na hindi ako pagalitan kundi sa halip ay muling tiyakin na: “Hindi pa huli ang lahat, anak ko.” Hindi pa huli ang lahat.”

Ang Mensahe ng Ebanghelyo

Gaano tayo kadalas naniwala sa mensahe ng kaaway na wala na tayong pag-asa? Ngunit iba ang sinasabi sa atin ng mga propeta. Ipinahayag ni Isaias, “Manumbalik siya sa Panginoon, at kaaawaan niya siya; at sa aming Dios, sapagka’t siya’y magpapatawad nang sagana” (Isaias 55:7). Idinagdag ni Mormon ang kanyang patotoo, “Kasindalas na sila ay magsisi at humingi ng kapatawaran, nang may tunay na layunin, sila ay pinatatawad” (Moroni 6:8). Ang kagalakan ng ebanghelyo ay na hindi pa huli ang lahat. Sapagkat kapag madalas tayong humingi ng tawad, tutulutan tayo ng pagtubos ng Panginoon na magsimulang muli.

Ginanahang magsimulang muli, nakitaan si Sandra ng mga unti-unti ngunit malalaking pagbabago. Hindi naging madali ang pagbabago—kinailangan nito ng araw-araw na pagsisikap na daigin ang masasama niyang gawi—ngunit nakita niya ang mga gantimpala ng kanyang mga pagsisikap nang unti-unting tumaas ang kanyang marka.

Sa pananaw ng ebanghelyo, ang huling marka natin ay hindi isasaalang-alang kung gaano katagal tayong pinanghinaan ng loob o gaano tayo napalayo sa Simbahan. Sa halip, hahatulan ng Panginoon ang ating buhay batay sa direksyong tinatahak natin, kung paano tayo nagsisi, at gaano tayo umasa sa Pagbabayad-sala ng Panginoon.

Sa limitadong pang-unawa ko, nagduda ako sa kakayahan ni Sandra na madaig ang mga pagkakamali niya noon. Sa kabilang banda, hindi nawawalan ng pag-asa ang ating sakdal na Ama kailanman sa kakayahan ng Kanyang mga anak na makamit ang kaligtasan sa pagiging sakdal kay Cristo. Hindi mahalaga kung gaano na tayo kalayo; lagi Niyang hahanapin ang nawawala. Nakikiusap sa atin ang Panginoon na huwag nang malihis sa landas ng pagkakasala bilang mga dayuhan kundi sa halip ay hanapin Siya nang may pag-asa at tamasahin ang mga pagpapala ng Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala. Tunay ngang hindi pa huli ang lahat.