2017
“Maging Self-Reliant Tayo at Tumayo sa Sarili Nating mga Paa”
October 2017


“Maging Self-Reliant Tayo at Tumayo sa Sarili Nating mga Paa”

Sa pagtanggap ng mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo sa mga alituntunin at doktrina ng proyektong self-reliance ng Simbahan, tinatamasa nila ang mga pagpapala ng “mas malaking pag-asa, kapayapaan, at pag-unlad.”

violin maker in workshop

Bago siya naging miyembro ng Simbahan, tumanda na si Peter sa pagsisikap na magkaroon ng pinansyal na tagumpay. Sa kanyang panlabas na anyo, tila natagpuan na niya ito. Tutal, nagkaroon at nagpatakbo na siya ng maraming negosyo.

Noong inanyayahan ng isang lokal na lider ng Simbahan sa West Midlands, England si Peter na sumali sa isang personal finances group na iniaalok sa inisyatibo ng self-reliance ng Simbahan, nagduda siya na baka wala siyang anumang matutunan mula sa kurso. Gayunman, nang magsimulang dumalo si Peter sa grupo, agad niyang natanto na napakarami pa niyang kailangang matutunan.

“Hindi lamang tungkol sa pananalapi ang kurso; bahagi lamang iyon ng kurso,” sabi niya. “Ang pinakamahalagang bagay para sa akin ay natutunan kong manampalataya sa Ama sa Langit—kung paano Niya tayo binibigyan ng lahat ng temporal na pagpapala at ng kakayahang tunay na umasa sa sarili kung susundin natin ang Kanyang espirituwal na patnubay.”

Bilang miyembro ng isang personal finances group, natuto ng mga praktikal na kasanayan si Peter tulad ng pagsubaybay sa paggastos ng pamilya, paglikha ng badyet at pagsunod dito, pagbabawas ng utang, at pag-iipon para sa kinabukasan. Gamit ang mga kasanayang ito, pati na rin ang pagsampalataya kay Jesucristo at pagsusumikap, nabayaran ni Peter at ng kanyang asawa ang isang malaki nilang pagkakautang.

“Mas magaan at malaya ang pakiramdam ko na wala ang takot na nauugnay sa utang at di-planadong paggastos,” sabi niya. “Dama ko ang saganang mga pagpapala ng Ama sa Langit sa paraang noon ko lamang nadama. Nalaman ko kung paano manalangin sa Kanya at makinig sa Kanyang mga sagot kapag kailangan ko ng tulong sa aking mga temporal na gawain.”

Inisyatibo ng Self-Reliance

Ang self-reliance ay higit pa sa pagkakaroon ng magandang trabaho, pag-iimbak ng pagkain, o pera sa bangko. Bagkus, ito ay “ang abilidad, pangako, at pagsisikap na tustusan ang espirituwal at temporal na mga pangangailangan sa buhay para sa sarili at sa pamilya. Habang natututong umasa sa sarili ang mga miyembro [ng Simbahan], mas napaglilingkuran at napapangalagaan din nila ang iba”1 kapag ginawa nilang alituntunin sa buhay ang pagtatrabaho.

Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson: “Ang self-reliance ay resulta ng ating gawain at sumusuporta sa lahat ng iba pang gawaing pangkapakanan. Ito ay isang mahalagang elemento sa ating kapakanang espirituwal gayundin sa temporal. … ‘Magtrabaho tayo para sa ating pangangailangan. Maging self-reliant tayo at tumayo sa sariling mga paa. Ang kaligtasan ay hindi matatamo sa pamamagitan ng iba pang alituntunin. Ang kaligtasan ay responsibilidad ng tao sa kanyang sarili, at dapat nating isagawa ang ating sariling kaligtasan ukol sa mga bagay na temporal gayundin sa espirituwal.’”2

Sa ilalim ng pamamahala ng mga lokal na lider ng priesthood, mahigit 500,000 Banal sa mga Huling Araw sa mahigit 100 bansa ang nakalahok sa inisyatibo ng self-reliance simula pa noong 2014. Sinisimulan na ngayon ng Simbahan ang inisyatibo sa buong Hilagang Amerika.

Kabilang sa inisyatibo ang mga kurso at mga kagamitan “upang makatulong sa mga miyembro ng Simbahan na matutunan at magawa ang mga alituntunin ng pananampalataya, edukasyon, kasipagan, at pagtitiwala sa Panginoon. Sa pagtanggap at pagsasabuhay ng mga alituntuning ito,” sinabi ng Unang Panguluhan, “higit [nating] makakamtan ang mga temporal na biyayang ipinangako ng Panginoon.”3

fisherman

Masaya at Puno ng Pag-asa

Nawalan na ng pag-asa si Maria Edilene Romão. Hindi siya makahanap ng trabaho, isa siyang ina na walang asawa, at marami siyang anak na kailangang itaguyod.

Noon siya niyaya ng dalawang miyembro ng kanyang ward sa Santa Catarina, Brazil, sa isang self-reliance devotional. Matapos ang debosyonal, sumali si Maria sa isang grupo upang matulungan siyang makahanap ng trabaho.

“Sa unang pagkakataon sa buhay ko, naniwala ako sa isang kinabukasan na kung saan maaalagaan ko ang aking pamilya,” paggunita niya. “Naniwala ako na tutulungan ako ng self-reliance group na baguhin ang buhay ko.”

Nakatulong nga iyon.

Nang sumunod na 12 linggo, inilaan ni Maria ang kanyang sarili sa kanyang grupo, sa kanyang pag-aaral, at sa kanyang mga pangako. Nagtrabaho siya na may bagong-tuklas na lakas tungo sa kanyang mga mithiin. Nagsanay siya sa mga pamamaraan sa interbyu sa trabaho. Sa loob ng dalawang linggo, nakapasa siya sa isang interbyu sa trabaho. Nagkatrabaho siya dahil sa interbyu na iyon.

“Nagbago ang buhay ko magpakailanman,” sabi ni Maria, na hindi na nahihirapang itaguyod ang kanyang pamilya. “Ngayo’y masaya na ako, natutuwa, matiyaga, at puno ng pag-asa. Naniniwala ako na ang Ama sa Langit ay buhay at mahal Niya ako. Alam ko na kapag sumasampalataya ako kay Jesucristo, pinagpapala ako.”

“Ang Pinaka-kagila-gilalas na Kasangkapan”

seamstresses

Ang self-reliance ay isang paraan upang makamit ang isang mas mataas na mithiin, sabi ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pinakamimithi natin ay maging katulad ng Tagapagligtas, at ang mithiing iyan ay pinag-iibayo ng ating di-makasariling paglilingkod sa iba. Ang kakayahan nating maglingkod ay nadaragdagan o nababawasan [ayon] sa antas ng ating pag-asa sa sarili.”

Sa pagkakaroon lamang ng sapat para sa sarili, dagdag pa ni Elder Hales, “natin tunay na matutularan ang Tagapagligtas sa paglilingkod at pagpapala sa iba.”4

Nalaman mismo ni Sergio Galbuchi ang katotohanang iyan nang magsimula siya ng sarili niyang negosyo matapos siyang tawagin ng stake presidency bilang stake self-reliance specialist. Taglay ang pananampalataya, mga kasanayan, at kaalamang natamo bilang miyembro ng komite, nagbukas ng tindahan si Sergio at ang kanyang asawang si Silvia sa Buenos Aires tampok ang “katutubong-gawa at pagkain” ng Argentina.

“Palagay ko ang pagiging self-reliant ay isang paraan upang isabuhay ang pananampalataya,” sabi ni Sergio. Bago nangyari iyon, hindi nila natamo ni Silvia ang tagumpay na kanilang inaasam, kung kaya’t patuloy silang nanampalataya. Ngunit habang hinihintay nilang kumita ang kanilang negosyo, nagsumikap sila at napagpala ang mga suki nila sa kanilang mga produkto at sa mga pagsisikap nilang ibahagi ang ebanghelyo.

“Marami kaming nakikilala,” sabi ni Sergio. “At nagkaroon kami ng pagkakataong mamigay ng mga kopya ng Aklat ni Mormon.”

Noong una, tumukoy ng 10 miyembro ang stake self-reliance committee sa stake ni Sergio na nangailangan ng tulong upang makaasa sa sarili. Ngunit pagkatapos ay sumali ang mga bishop.

“Ngayo’y 35 tao na ang alam namin na nangangailangan,” sabi ni Sergio nang lumaki na ang proyekto. “Inanyayahan silang isa-isa ng kanilang bishop na sumali sa mga grupo.”

Lumago ang kanilang pananampalataya, binago nila ang mga kailangang baguhin, at gumamit sila ng mga bagong kasanayan.

“Tuwing kakausapin ko ang mga lider ng priesthood, sinisikap kong ipahayag sa kanila na ito ang pinaka-kagila-gilalas na kasangkapang natanggap namin mula sa Unang Panguluhan,” dagdag pa ni Sergio. “Mas maganda ito kaysa anumang perang maibibigay upang tulungan ang isang tao, at ang mga turo nito ay mas malinaw kaysa karamihan sa mga lesson na pinag-aralan ko noong nag-aaral pa lamang ako sa unibersidad.”

Higit sa lahat, yaong mga nakatapos ng 12-linggong mga kurso nila sa self-reliance ay nagiging mas mabubuting disipulo ni Jesucristo at natututong gamitin ang kanilang mga kasanayan upang itayo ang kaharian ng Diyos.

“Ang [self-reliance] group na ito ay hindi lang nakatuon sa aming negosyo; nakatuon ito sa relasyon namin sa Diyos at sa ibang tao,” sabi ni Sergio. “Nagiging mas mabubuting disipulo ni Jesucristo kami sa tatlong buwang ginugol namin sa grupong ito. Tutal, baka matulungan kami ng negosyo na mas umasa sa sarili, ngunit ang tunay na layunin ay maglingkod.”

Paglago at Pagkilos

mother with sons

“Palagian nang pangunahing turo sa mga Banal sa mga Huling Araw,” sabi ni Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918), “na ang isang relihiyon na walang kapangyarihang iligtas ang mga tao sa buhay temporal, at gawin silang maunlad at maligaya dito, ay hindi maaasahang mailigtas sila sa espirituwal, at dakilain sila sa susunod na buhay.”5

Hindi tayo dapat magulat, kung gayon, na sa pagpapalakas sa temporal, pinatatatag din natin ang espirituwal. Nakita mismo nina Elder David at Sister Theresa Nish, na naglingkod bilang mga self-reliance missionary sa Solomon Islands, ang ugnayang iyon sa mga miyembro ng Simbahan doon.

“Ang espirituwal na paglago at pagdalo sa templo ay malinaw na dahil sa mga alituntunin, kasanayan, at gawing itinuro sa Ang Aking Saligan at sa komprehensibong paliwanag sa Ang Aking Landas patungong Self-Reliance,” sabi nila tungkol sa mga buklet ng proyekto. “Tinutulungan [nila] ang mga tao na umunlad sa espirituwal gayundin sa temporal, na humahantong sa espirituwal at temporal na pag-asa sa sarili.”

Ipinaliwanag ni Cheryl Redd, isang self-reliance facilitator sa Utah, USA, kung paano nakatulong sa kanyang temporal na pag-unlad ang espirituwal na mga alituntunin ng proyekto: “Natanto ko na ang mga alituntunin at saligang ito ay magagamit sa lahat ng aspeto ng ating buhay. Nakatulong sa akin ang mga workshop na ito na mas magtuon ng pansin sa aking mga responsibilidad bilang asawa at ina. Ngayo’y may mga instrumento na ako upang mas maunawaan ko ang ukol sa pera ng aking pamilya. Nakikita ko kung paano maituturing na negosyo, sa isang paraan, ang pakikipagtulungan sa ating asawa na hawakan nang maayos ang pera. Kailangan natin ang mga kasangkapang ito upang magtagumpay ang ating pamilya.”

Sa buong Simbahan, ang ibayong pag-unawang ito ay nagiging ibayong katapatan at espirituwal na lakas. Dahil dito, tumindi ang pangako ng mga miyembro na magsimba, magbayad ng ikapu, at manatiling karapat-dapat sa templo.

“Napukaw nito ang aking pansin,” sabi ng bagong miyembrong si George Echevarría tungkol sa inisyatibo ng self-reliance. Sabi ni George, na nagmamaneho ng taxi sa Peru, tinulungan siya ng proyekto na magkaroon ng patotoo sa ebanghelyo habang pinalalakas nito ang kanyang hangaring mapagbuti pa ang kanyang sarili. Ngayo’y umaasa siyang maging electrician, na nagkukumpuni ng maliliit na moto-taxi na ilang taon na niyang minamaneho.

“Hindi tayo dapat maupo at maghintay na may mangyari sa atin,” sabi niya. “Dapat tayong kumilos.”

“Pagpapalain ang Inyong Buhay”

woman kneeling in prayer

Inaani ng mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo ang ipinangakong mga pagpapala ng Panginoon kapag masigasig silang nag-aaral, namumuhay, at gumagamit ng mga alituntunin ng espirituwal at temporal na pag-asa sa sarili. Habang maaaring makinabang ang lahat, pinagpala ng inisyatibo lalo na yaong mga kulang o kailangan ng pagpapalakas sa temporal at espirituwal na pag-asa sa sarili. Sinusuportahan ng Perpetual Education Fund ang inisyatibo ng self-reliance sa pagtulong sa mga taong may planong mag-aral na magamit ang kailangang mga kagamitan.

Ipinapangako sa mga banal na kasulatan ang tulong ng Panginoon kapag nagsisikap tayong maging self-reliant. Sabi ng Panginoon, “Layunin ko ito na maglaan para sa aking mga banal” (D at T 104:15).

Sa pagbibigay ng komentaryo tungkol sa layuning iyan, ipinahayag ng Unang Panguluhan: “Ang paghahayag na ito ay isang pangako mula sa Panginoon na magbibigay Siya ng mga temporal na biyaya at mga oportunidad para maging self-reliant, na ibig sabihin ay kaya nating tustusan ang mga pangangailangan natin at ng ating pamilya sa buhay na ito.”

Kapag pinag-aralan, ginamit, at itinuro natin ang mga alituntuning ito sa mga miyembro ng pamilya, nangangako ang Unang Panguluhan na, “mabibiyayaan ang inyong buhay. Matututo kayo kung paano kumilos sa inyong pagsulong tungo sa lalo pang pagiging self-reliant. Mabibiyayaan kayo ng mas malaking pag-asa, kapayapaan, at pag-unlad.”6

Mga Tala

  1. Handbook 2: Administering the Church (2010), 6.1.1.

  2. Thomas S. Monson, “Guiding Principles of Personal and Family Welfare,” Ensign, Set. 1986, 3; tingnan din sa Marion D. Romney, sa Welfare Services Meeting Report, Okt. 2, 1976, 13.

  3. Unang Panguluhan, sa Ang Aking Saligan: Mga Alituntunin, Kasanayan, at Gawi (buklet, 2015), 2.

  4. Robert D. Hales, “Isang Pananaw ng Ebanghelyo sa Pagkakawanggawa: Pagkilos ayon sa Pananampalataya,” sa Mga Pangunahing Tuntunin sa Pagkakawanggawa at Pag-asa sa Sarili (buklet, 2009), 2.

  5. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith (1999), 198.

  6. Unang Panguluhan, sa Ang Aking Saligan, 2.