Mga Tanong at mga Sagot
“Bukod sa panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan, ano ang pinakamainam na paraan para mapalakas ang aking patotoo?”
Malamang na hindi kaagad dumating ang iyong patotoo. Lalago ito sa bawat espirituwal na karanasan—gaya ng nakasaad sa mga banal na kasulatan, “taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin” (2 Nephi 28:30). Pagkatapos ay kailangan mong pangalagaan at palakasin ang iyong patotoo, tulad ng binhing lumalago (tingnan sa Alma 32:28–43). At gaya ng isang halaman na hindi mabubuhay sa tubig lamang, walang iisang “pinakamainam” na paraan upang palakasin ang inyong patotoo. Kailangan mo ng kombinasyon ng mga paraan.
Ang panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay tunay na mabubuting paraan para mapangalagaan ang iyong patotoo. Habang pinag-aaralan mo ang ebanghelyo at nananalangin nang may tunay na layunin para malaman kung totoo ang isang bagay, tutulungan ka ng Espiritu Santo na madama ang katotohanan ng ebanghelyo (tingnan sa Moroni 10:4–5).
Mapalalakas mo rin ang iyong patotoo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan. Kapag ipinamumuhay mo ang isang alituntunin ng ebanghelyo—gaya ng pag-aayuno, pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath, o pagtanggap ng sakramento—nagsisimula kang magkaroon ng patotoo kung paano at bakit ito totoo, sa halip na basta ito ay totoo. Sinabi ni Jesus na kapag pinili mong “gawin ang kanyang kalooban,” iyong “makikilala ang doktrina [o mga turo]” (Juan 7:17).
Ang isa pang paraan para mapangalagaan mo ang iyong patotoo ay sa pamamagitan ng pagbabahagi nito. Sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015), Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol na, “Ang patotoo ay matatagpuan sa pagbabahagi nito!” (“The Candle of the Lord,” Ensign, Ene. 1983, 54; Tambuli, Hulyo 1983, 34). Maibabahagi mo ang iyong patotoo sa simbahan at sa seminary, sa tahanan, at sa mga kaibigan. Kapag ginagawa mo ito, maaaring magpatotoo ang Espiritu Santo sa iyo na ang ibinabahagi mo ay totoo.
Habang pinalalakas mo ang iyong patotoo sa maraming paraan, ito ay lalago at lalalim, at makadarama ka ng kapayapaan at kagalakan.
Pangangalaga sa Iyong Patotoo
“Gaya ng lumalagong halaman, [ang patotoo ay] kailangang alagaan dahil kung hindi ito ay malalanta. … Ang pagsunod sa mga kautusan ay bahagi ng pangangalagang kailangan ninyo sa inyong patotoo.”
Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Isang Buhay na Patotoo,” Liahona, Mayo 2011, 125.
Susunod na Tanong
Paano ko maaanyayahan ang Espiritu sa aking tahanan samantalang nag-aaway at nagtatalo ang mga tao roon?
Ipadala ang iyong sagot at, kung nais mo, isang high-resolution na larawan bago sumapit ang Nobyembre 15, 2017, sa liahona.lds.org (i-klik ang “Submit an Article”) o sa pamamagitan ng e-mail sa liahona@ldschurch.org.
Isama lamang ang mga sumusunod na impormasyon: (1) buong pangalan, (2) kapanganakan, (3) ward o branch, (4) stake o district, (5) nakasulat na pahintulot mo, at, kung wala ka pang 18 taong gulang, ang nakasulat na pahintulot ng iyong magulang (tinatanggap ang email) na ilathala ang iyong sagot at larawan.
Ang mga sagot ay maaaring i-edit ayon sa haba o paglilinaw.