Ang Pagkataong Tulad ng kay Cristo
Mula sa isang mensahe na ibinigay sa Brigham Young University–Idaho Religion Symposium noong Enero 25, 2003.
Si Jesus, na pinakamatinding nagdusa, ang may sukdulang pagkahabag sa ating lahat na mas kaunti ang pagdurusa.
Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ang isang prinsipyo na labis na tumatak sa akin at naging pokus ng aking mga pag-aaral, pag-iisip, at pagninilay. Sabi niya, “Wala sanang naganap na Pagbabayad-sala kung hindi dahil sa pagkatao ni Cristo!”1 Mula nang marinig ko ang diretsahan at tumitimong pahayag na ito, sinikap kong alamin pa ang tungkol sa at mas unawain ang salitang “pagkatao.” Pinag-isipan ko na rin ang kaugnayan ng pagkatao ni Cristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala—at ang mga implikasyon ng pagkataong ito sa bawat isa sa atin bilang mga disipulo.
Ang Pagkatao ng Panginoong Jesucristo
Marahil ang pinakamainam na tanda ng pagkatao ay ang kakayahang makakilala at tumugon sa angkop na paraan sa iba pang mga tao na dumaranas ng mismong hamon o hirap na kagyat at sapilitang nagpapabigat sa atin. Halimbawa, naipapakita ang ating tunay na pagkatao sa kakayahang mapansin ang pagdurusa ng ibang mga tao kapag tayo mismo ay nagdurusa rin; sa kakayahang maramdaman na nagugutom ang iba habang nagugutom rin tayo; at sa kakayahang tumulong sa iba at magpakita ng pagkahabag sa mga taong dumaraan sa mga espirituwal na pagsubok kapag tayo rin ay nasa ganitong kalagayan. Samakatwid, naipapakita ang tunay na pagkatao sa pamamagitan ng pagmamalasakit at pagtulong kahit ang natural at likas na reaksyon ay magtuon lamang sa sarili at sa sariling problema. Kung ang gayong kakayahan ang talagang pinakadakilang pamantayan ng mabuting pagkatao, samakatwid ang Tagapagligtas ng mundo ang pinakadakilang halimbawa ng gayong hindi pabagu-bago at matulungin at mapagmahal na pag-uugali.
Mga Halimbawa ng Pagkatao ni Cristo
Sa silid sa itaas sa gabi ng Huling Hapunan, ang mismong gabi kung saan daranasin Niya ang pinakamatinding pagdurusa na naganap sa lahat ng mga daigdig na Kanyang nilikha, binanggit ni Cristo ang tungkol sa Mang-aaliw at kapayapaan:
“Ang mga bagay na ito’y sinalita ko sa inyo, samantalang ako’y tumatahang kasama pa ninyo.
“Datapuwa’t ang Mangaaliw, samakatuwid baga’y ang Espiritu Santo, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat na sa inyo’y aking sinabi.
“Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man” (Juan 14:25–27).
Nalalaman na Siya mismo ay daranas ng matindi at personal na kawalan ng kaginhawahan at kapayapaan, at sa sandaling marahil ang Kanyang puso ay nababagabag at natatakot, naisip ng Panginoon ang ibang tao at inialok sa iba ang mismong mga pagpapala na makapagpapalakas sana sa Kanya.
Sa dakilang Panalangin ng Pamamagitan, na inialay bago humayo si Jesus kasama ng Kanyang mga disipulo sa batis ng Cedron papunta sa Halamanan ng Getsemani, ang Panginoon ay nanalangin para sa Kanyang mga disipulo at para sa lahat ng “mga nagsisisampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita;
“Upang silang lahat ay maging isa; na gaya mo, Ama, sa akin. …
“… Upang sila’y malubos sa pagkakaisa; upang makilala ng sanglibutan na ikaw ang sa akin ay nagsugo, at sila’y iyong inibig, na gaya ko na inibig mo. …
“At ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan, at ipakikilala ko: upang ang pagibig na sa akin ay iniibig mo ay mapasa kanila, at ako’y sa kanila” (Juan 17:20, 21, 23, 26).
Paulit-ulit kong itinatanong sa aking sarili ang sumusunod habang pinagninilayan ko ito at ang iba pang mga pangyayaring naganap malapit sa pagkakanulo sa Kanya at sa Kanyang pagdurusa sa halamanan: Paano Niya naipanalangin ang kapakanan at pagkakaisa ng iba bago Siya dumanas mismo ng hirap at pasakit? Ano ang naging daan para hangarin Niya ang kaginhawahan at kapayapaan ng mga taong ang pangangailangan ay hindi kasingtindi ng sa Kanya? Habang lalong nagpapabigat sa Kanya ang nahulog na kalagayan ng mundong Kanyang nilikha, paano Siya lubusang nakapagpokus at para lamang sa kalagayan at kapakanan ng iba? Paano nagawang isipin ng Panginoon ang iba samantalang ang mas mababang uri ng nilalang ay sarili ang iisipin? Isang pahayag mula kay Elder Maxwell ang sasagot sa bawat isa sa makapangyarihang mga tanong na ito:
“Ang pagkatao ni Jesus ay naglaan ng suportang kailangan para sa Kanyang kagila-gilalas na pagbabayad-sala. Kung wala ang sukdulang pagkatao ni Jesus hindi sana nagkaroon ng sukdulang pagbabayad-sala! Ang Kanyang pagkatao ay gayon Siya ay ‘[nagdanas ng] lahat ng uri ng tukso’ (Alma 7:11), gayunman ‘hindi [Siya] nagpadaig’ sa mga ito (D at T 20:22).”2
Si Jesus, na pinakamatinding nagdusa, ang may sukdulang pagkahabag sa ating lahat na mas kaunti ang pagdurusa. Tunay na ang tindi ng pagdurusa at pagkahabag ay may kaugnayan sa tindi ng pagmamahal na nadarama ng taong naglilingkod.
Aktibong Paghahangad ng Pag-ibig sa Kapwa-tao
Maaari nating hangarin sa mortalidad na pagpalain at magtaglay ng mahahalagang elemento ng pagkatao na tulad ng kay Cristo. Tunay na posible para sa ating mga mortal na sikapin sa kabutihan na tumanggap ng mga espirituwal na kaloob na may kinalaman sa kakayahang isipin at tulungan ang iba, at tumugon sa angkop na paraan sa iba pang mga tao na dumaranas ng mismong hamon o hirap na kagyat at sapilitang nagpapabigat sa atin. Hindi natin tataglayin ang gayong kakayahan sa pamamagitan lamang ng kagustuhan o personal na determinasyon. Sa halip, tayo ay nakaasa sa at nangangailangan ng “kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas” (2 Nephi 2:8). Ngunit “taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin” (2 Nephi 28:30) at “sa paglipas ng panahon” (Moises 7:21), nabibigyan tayo ng kakayahang isipin at tulungan ang iba kapag ang likas na tendensya ay isipin ang ating sarili.
Hayaang imungkahi ko na ikaw at ako ay kailangang magdasal, maghangad, magsikap, at kumilos para linangin ang pagkataong tulad ng kay Cristo kung umaasa tayong matatanggap ang espirituwal na kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao—ang dalisay na pag-ibig ni Cristo. Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay hindi katangian o pag-uugali na nakakamit lamang natin sa pamamagitan ng sarili nating pagsisikap at determinasyon. Tunay na kailangan nating igalang ang ating mga tipan at mamuhay nang marapat at gawin ang lahat sa abot kaya natin para maging karapat-dapat sa kaloob na iyon; ngunit sa huli ang kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao ang mag-aangkin sa atin—hindi tayo ang nag-aangkin nito (tingnan sa Moroni 7:47). Ang Panginoon ang nagpapasiya kung at kailan natin tatanggapin ang lahat ng espirituwal na kaloob, ngunit kailangang gawin natin ang lahat sa abot ng ating makakaya para naisin, hangarin, anyayahan, at maging kuwalipikado sa gayong mga kaloob. Kapag lalo pa tayong kumikilos nang naaayon sa pagkatao ni Cristo, sa gayon marahil ay ipinakikita natin sa langit sa pinakamabisang paraan ang paghahangad natin sa pambihirang espirituwal na kaloob ng pag-ibig sa kapwa-tao. At malinaw na binibiyayaan tayo ng ganitong kagila-gilalas na kaloob kapag lalo nating inisip ang ibang tao kapag ang likas na tao na nasa ating kalooban ay karaniwang ang sarili ang iisipin.
Si Jesus ang Cristo, ang Bugtong na Anak ng Amang Walang Hanggan. Alam kong Siya ay buhay. At nagpapatotoo ako na ginawang posible ng Kanyang pagkatao na magkaroon tayo ng mga oportunidad kapwa para sa imortalidad at buhay na walang hanggan. Nawa’y isipin at tulungan natin ang iba kapag ang natural na gawi ay tingnan lamang ang ating sarili.