2017
Ang Paglalakbay ni Jane
October 2017


Ang Paglalakbay ni Jane

Ang awtor ay naninirahan sa Texas, USA.

New York, USA, 1843

janes journey

Minasdan ni Jane Manning ang paglutang ng bangka mula sa daungan palabas ng Lake Erie. Pakiramdam niya ay kasama nitong lumulutang palayo ang kanyang mga pangarap.

Isang taon pa lamang ang nakalilipas, sumapi siya sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at nagpasiyang lumipat para makasama ng iba pang mga Banal na nasa Nauvoo. Ang kanyang ina at pito pang kapamilya ay naglakbay na kasama niya mula sa Erie Canal papuntang Buffalo, New York. Ngunit sa Buffalo, hindi sila pinasakay sa bangka dahil sa kulay ng kanilang balat.

“Ano ang gagawin natin ngayon?” ang mahinang tanong ng kapatid niyang si Isaac.

Umalingawngaw ang tanong sa napakalamig na hangin. Ang Nauvoo ay 800 milya (1,287 km) pa ang layo. Puwede na sana silang sumuko at umuwi na lamang, o sikapin na lang maglakbay kalaunan. …

Pero hindi na makapaghintay pa si Jane! Alam niyang totoo ang Aklat ni Mormon. Ang Diyos ay muling nangusap sa pamamagitan ng mga propeta. Kailangan niyang makapunta sa Nauvoo kasama ang kanyang pamilya.

Iniunat ni Jane ang kanyang mga balikat at tumingin pakanluran. “Lalakad tayo.”

At ginawa nga nila ito. Hanggang sa mapudpod ang kanilang mga sapatos. Hanggang sa magbitak ang kanilang mga paa at dumugo at kinailangan nilang magdasal para gumaling. Kung minsan ay natutulog sila sa labas, at sa sobrang kapal ng namuong hamog tila umuulan ng niyebe. Nagbanta ang ilang tao na ikukulong sila, iniisip na sila ay mga takas na alipin. Hindi nila alam na ang mga Manning ay pamilyang negro na malaya. At naglakad pa rin sila, na umaawit ng mga himno para palipasin ang oras.

Malapit na sila sa Nauvoo nang makarating sila sa isang ilog.

“Walang tulay,” sabi ni Isaac.

Tumango si Jane. “Lalakad lang tayo patawid rito, kung gayon.” Nang humakbang siya sa ilog, hanggang bukung-bukong niya ang tubig. Dahan-dahan siyang lumusong. Umabot na ng hanggang tuhod ang tubig at mabilis na umabot hanggang baywang niya. Nang nasa kalagitnaan na siya ng ilog, hanggang leeg na niya ang tubig! Buti na lang hanggang doon lang ang lalim ng ilog at ligtas na nakatawid ang pamilya Manning.

Sa wakas nakarating sila sa Nauvoo. Tanaw ni Jane ang magandang mga batong-apog na pader ng Nauvoo Temple sa tuktok ng isang burol na nakatunghay sa lambak. Bagaman hindi pa ito tapos noon, manghang-mangha siya. May isang taong nagturo sa kanila papunta sa bahay na tinitirhan ni Propetang Joseph.

Isang babaeng matangkad na maitim ang buhok ang nakatayo sa pintuan. “Halikayo, tuloy kayo!” sabi niya. “Ako si Emma Smith.”

Ang sumunod na ilang minuto ay naging parang guni-guni. Nakilala ni Jane ang Propeta, at naglagay ng mga upuan sa silid para sa pamilya Manning. Buong pasasalamat na naupo si Jane at nakinig habang ipinakikilala sila ni Joseph sa lahat ng naroon, pati na sa kaibigan niyang si Dr. Bernhisel. Pagkatapos ay bumaling si Joseph kay Jane, “Ikaw pala ang pinuno nitong munting grupo, tama ba?” tanong niya.

“Opo!” sagot ni Jane.

Ngumiti si Joseph. “Pagpalain kayo ng Diyos! Ngayon gusto kong marinig ang tungkol sa paglalakbay ninyo.”

Ikinuwento ni Jane ang tungkol sa sugatan nilang mga paa at pagtulog sa niyebe at pagtawid sa ilog. Lahat ay tahimik na nakinig. “Pero hindi naman po iyon nakapanghihilakbot,” pagtatapos niya. “Naglakad po kami na nagagalak, kumakanta ng mga himno at nagpapasalamat sa Diyos sa Kanyang walang katapusang kabaitan at habag sa amin sa pagpapala sa amin, pagproteka sa sa amin, at pagpapagaling sa aming mga paa.”

Nagkaroon ng sandaling katahimikan. “Ano sa palagay mo, Doc?” ang sinabi ni Joseph sa huli, at tinampal ang tuhod ng lalaki. “Hindi ba’t pananampalataya iyan?”

“Kung ako iyon, baka umatras na ako at bumalik na lang sa aking tahanan!” pag-amin ni Dr. Bernhisel.

Tumango si Joseph at muling bumaling kay Jane at sa kanyang pamilya: “Pagpalain kayo ng Diyos. Kayo ay nasa piling ng inyong mga kaibigan.”