Ang Pagtawag sa mga Orihinal na Apostol ng Pagpapanumbalik
Noong Pebrero 8, 1835, hiniling ni Joseph Smith sa magkapatid na sina Brigham at Joseph Young na awitan siya. Pagkatapos ay nakatanggap ang Propeta ng paghahayag na panahon na para tawagin ang Labindalawang Apostol.1
Hiniling ni Joseph Smith kay Brigham na magpadala ng pabatid na magdaraos ng kumperensya nang sumunod na Sabado. Sinabihan niya si Brigham na isa siya sa tatawaging Labindalawa.2
Makalipas ang anim na araw, nagtipon ang mga Banal. Sinabi ni Joseph Smith na isa sa mga pangunahing layunin ng pulong ay para pumili ang Tatlong Saksi ng Aklat ni Mormon—Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris—“ng labindalawang lalaki mula sa simbahan bilang mga Apostol.”3 Nauna nang natanggap nina Oliver at David ang atas na iyon noong Hunyo 1829, ngunit kahit na “hiniling nila sa Panginoon sa pag-aayuno at panalangin” na tukuyin ang Labindalawa, hindi pa dumating ang tamang oras para dito.4 Ngayon, sabi ni Joseph, ay dumating na ang oras.
Ang Labindalawa (ayon sa kaayusang inilahad sa pulong) ay sina Lyman Johnson, edad 23; Brigham Young, 33; Heber C. Kimball, 33; Orson Hyde, 30; David W. Patten, 35; Luke Johnson, 27; William E. McLellin, 29; John F. Boynton, 23; Orson Pratt, 23; William Smith, 23; Thomas B. Marsh, 34; at Parley P. Pratt, 27. Lahat sila ay nakapagmisyon. Walo ang nakasama ni Joseph Smith sa Zion’s Camp expedition sa nakaraang tag-init.5
Pagkatapos silang matukoy, bawat isa sa mga Apostol ay inordenan.6 Ang mga pagpapala ng kanilang ordenasyon ay puno ng mga pangako ng tagumpay bilang missionary. Kalaunan ay naalala ni Heber C. Kimball ang mga pagpapalang “nagpropesiya sa maraming bagay na magaganap, na magkakaroon kami ng kapangyarihang magpagaling ng maysakit, magtaboy ng mga diyablo, magpabangon ng patay, magbigay ng paningin sa bulag, … magpalipat ng mga bundok, at lahat ng bagay ay susunod sa amin sa pamamagitan ng pangalan ni Jesucristo.”7
Binigyang-diin din ni Oliver Cowdery ang kakaharapin nilang mga kahirapan: “Maging handa sa lahat ng oras na isakripisyo [sic] ang inyong buhay, sakaling hilingin ito ng Diyos para sa pagpapasulong at pagtatatag ng kanyang layunin.” Hinikayat ni Oliver ang mga Apostol na hangaring magkaroon ng personal na kaalaman tungkol kay Jesucristo para makapagpatotoo sila na Siya ay buhay nang may katiyakan: “Huwag tumigil sa pagsisikap hanggang sa makita ninyo ang Diyos, nang harap-harapan.”8
Simula noong Mayo 1835, ang mga Apostol ay nagsagawa ng ilang proselyting mission para sa Simbahan, at ang kanilang pamumuno sa pangkalahatan ay nagpala rin sa maraming indibiduwal.