Ang Kagalakan ng Pagtubos sa mga Patay
“Kanyang itatanim sa mga puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa mga ama, at ang mga puso ng mga anak ay magbabalik-loob sa kanilang mga ama.”
Inihayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith ang napakagandang doktrina tungkol sa sagradong ordenansa ng binyag. Dumating ang paghahayag na iyon nang itinuturo ng iba pang mga simbahang Kristiyano na ang kamatayan ay hindi madadaig, walang hanggan at nagtatadhana sa kahahantungan ng kaluluwa. Itinuro nila na ang mga nabinyagan ay ginagantimpalaan ng walang-katapusang kagalakan samantalang ang iba ay dumaranas ng walang-hanggang kaparusahan, na walang pag-asang matubos pa.
Ang paghahayag ng Panginoon na ang binyag ay maaaring isagawa para sa mga patay sa pamamagitan ng wastong awtoridad ng priesthood ay nagbigay-katwiran sa Kanyang pahayag na: “Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya, makapapasok sa kaharian ng Dios.”1 Ang pagbibinyag para sa mga patay ay mahalagang ordenansa para sa lahat ng pumanaw na karapat-dapat na hindi nakatanggap nito sa mortalidad.
Ang maluwalhating doktrinang ito ay isa pang patotoo sa ganap at walang-hanggang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ginawa Niyang posible ang kaligtasan sa bawat kaluluwang nagsisisi. Dinaig ng Kanyang Pagbabayad-sala ang kamatayan, at tinulutan Niyang matanggap ng mga karapat-dapat na yumao ang lahat ng ordenansa ng kaligtasan.
Sa isang liham na isinulat mahigit 150 taon na ang nakalilipas, sinabi ni Joseph Smith: “Ang mga Banal ay may pribilehiyong mabinyagan para sa … kanilang namatay na mga kamag-anak … na tumanggap ng Ebanghelyo sa daigdig ng mga espiritu, sa pamamagitan ng … mga inatasang mangaral sa kanila.”2 Kalaunan sinabi pa niya, “Ang mga Banal na magbabalewala dito para sa kanilang namayapang mga kamag-anak, ay ginagawa ito sa ikapapahamak ng sarili nilang kaligtasan.”3
Ipinagkaloob ng propetang si Elijah ang mga susi ng pagsasagawa ng mga gawain para sa mga patay kay Joseph Smith sa Kirtland Temple4 upang tuparin ang pangako ng Panginoon na “kanyang itatanim sa mga puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa mga ama, at ang mga puso ng mga anak ay magbabalik-loob sa kanilang mga ama.”5
Sa dagdag na paghahayag kay Joseph Smith at sa sumunod na mga propeta, naunawaan at pinaghandaan ang gawain sa templo at sa family history na sumusuporta dito. Binigyang-diin ng bawat propeta magmula kay Joseph Smith na kailangang-kailangang maisagawa ang lahat ng ordenansa para sa ating sarili at sa namatay nating mga ninuno.
Ang gawain sa templo at family history ay isang gawain na nahahati sa dalawang bahagi. Magkaugnay ang mga ito tulad ng mga ordenansa ng binyag at ng kaloob na Espiritu Santo. Maaaring hindi magawa ng ilang miyembro ang mga gawaing ito dahil sa problema sa kalusugan o napakalayo nila sa templo.
Itinuro ni Pangulong Howard W. Hunter:
“Kailangan nating maisagawa ang mga ordenansa ng priesthood sa templo na mahalaga sa ating sariling kadakilaan; pagkatapos ay kailangan nating gawin ang mahalagang gawain para sa mga hindi nagkaroon ng pagkakataon na tanggapin ang ebanghelyo sa buhay na ito. Ang paggawa nito para sa iba ay naisasagawa sa dalawang hakbang: una, sa pagsasaliksik ng family history para matukoy ang ating mga ninuno; at pangalawa, sa pagsasagawa ng mga ordenansa ng templo upang bigyan din sila ng mga pagkakataon tulad ng mga buhay.
“Gayunman maraming miyembro ng Simbahan ang limitado ang pagpasok sa mga templo. Ginagawa nila ang lahat sa abot ng makakaya nila. Nagsasaliksik sila sa family history at ipinagagawa sa iba ang ordenansa sa templo. Gayunman, may ilang miyembro na ginagawa ang gawain sa templo ngunit bigong gawin ang pagsasaliksik ng family history sa kanilang sariling mga ninuno. Bagama’t nagsasagawa sila ng banal na paglilingkod sa pagtulong sa iba, nawawala sa kanila ang mga pagpapala sa hindi pagsasaliksik sa sarili nilang kamag-anak na namatay na gaya ng tagubilin ng mga propeta sa mga huling araw. …
“Nalaman ko na ang mga nagsasaliksik ng family history at pagkatapos ay isinasagawa ang mga ordenansa sa templo para sa mga pangalan na nahanap nila ay makadarama ng dagdag na kagalakan sa pagtanggap sa lahat ng pagpapala na dulot ng mga ito.”6
Nais ng Ama sa Langit na matanggap natin ang lahat ng pagpapala na dulot ng mahahalagang gawaing ito para sa mga patay. Inakay Niya ang iba upang ipakita sa atin kung paano maging karapat-dapat. Nasa inyo na at sa akin ang pagtatamo ng mga pagpapalang iyon.
Ang anumang gawain na ginagawa ninyo sa loob ng templo ay hindi pagsasayang ng panahon, bagkus ang pagtanggap ng mga ordenansa para sa isa sa mga yumao ninyong ninuno ay lalong magpapabanal sa oras na ginugol sa templo at mas malalaking pagpapala ang matatanggap. Ipinahayag ng Unang Panguluhan, “Ang pinakamahalagang obligasyon natin ay hanapin at tukuyin ang sarili nating mga ninuno.”7
Kayong mga kabataan, gusto ba ninyo ng isang tiyak na paraan para maalis ang impluwensya ng kaaway sa inyong buhay? Lubos na makibahagi sa paghahanap ng inyong mga ninuno, ihanda ang kanilang pangalan para sa mga sagradong ordenansa na maisasagawa sa templo, at magpunta sa templo para magsilbing proxy nila sa pagtanggap ng mga ordenansa ng binyag at kaloob na Espiritu Santo. Sa pagtanda ninyo, magagawa ninyong makibahagi sa pagtanggap ng iba pang mga ordenansa. Wala akong maisip na mas mainam na proteksyon laban sa impluwensya ng kaaway sa inyong buhay.
Sa Russia Rostov-na-Donu Mission inanyayahan ang mga kabataan na mag-index ng 2,000 pangalan ang bawat isa sa kanila at ihanda ang kahit isang pangalan lang mula sa sarili nilang pamilya para sa mga ordenansa sa templo. Ang mga nakagawa sa mithiing ito ay inanyayahang pumunta sa bagong Kyiv Ukraine Temple. Isang binatilyo ang nagkuwento ng kanyang karanasan: “Marami akong inuubos na oras noon sa mga computer game. Nang simulan ko ang indexing, wala na akong panahon na maglaro nito. Noong una naisip ko, “Naku! Paano nangyari ito!’ Nang matapos ang proyektong ito, nawalan na rin ako ng interes sa paglalaro. … Ang gawain sa genealogy ay isang bagay na magagawa natin dito sa mundo, at mananatili ito sa langit.”
Maraming matatapat na Banal ang nakapagsaliksik na ng kanilang mga ninuno at ginagamit ang reserve feature ng FamilySearch upang sarili nilang pamilya ang mag-proxy sa gagawing mga ordenansa. Ang layon ng pagrereserba ng mga pangalan ay para magkaroon ng sapat na panahon ang bawat isa na isagawa ang mga ordenansa para sa mga ninuno at kaanak nito. Sa ngayon may 12 milyong pangalan at milyun-milyong kaukulang ordenansa ang gagawin para sa mga ito. Maraming pangalan ang ilang taon nang nakareserba. Ang nahanap na mga ninuno ay tiyak na sabik at natutuwa nang mapahintulutang magawan ng mga ordenansa ang kanilang pangalan. Gayunman, maaaring hindi sila masyadong masaya kapag kailangan pang maghintay sila para maisagawa ang mga ordenansa para sa kanila.
Hinihikayat namin kayong may maraming inireserbang pangalan na ipagawa ito sa iba para ang mga kamag-anak ninyo o ang mga miyembro ng ward at stake ay makatulong sa inyo sa pagkumpleto ng gawaing ito. Magagawa ninyo ito sa pagbibigay ng mga temple card sa mga miyembro ng ward at stake na handang tumulong o sa paggamit ng FamilySearch computer system upang direktang maisumite ang mga pangalan sa templo. Ang huling opsiyong ito ang matagal nang ginagawa ni Cindy Blevins ng Casper, Wyoming.
Si Sister Blevins ay nabinyagan noong tinedyer siya at siya lang ang miyembro ng Simbahan sa kanyang pamilya. Napakarami na niyang nagawang genealogy. Ngunit napakarami ng pangalan para makumpleto niya at ng kanyang pamilya. Dahil dito, isinumite ni Sister Blevins ang mga pangalan sa templo, na, sabi niya, kadalasan ay nakukumpleto sa loob ng ilang linggo, karaniwan ay sa isa sa dalawang pinakamalapit na templo sa kanyang tahanan. Natutuwa raw siyang isipin na maaaring kabilang ang mga kaibigan at kapitbahay sa kanyang sariling ward at stake sa mga tumutulong sa pagkumpleto ng gawain para sa kanyang mga ninuno. Pinasasalamatan niya ang paggawa nila nito.
Gustung-gusto ng mahal kong asawang si Jeanene, ang pagsasaliksik sa family history. Noong maliliit pa ang mga anak namin, nakikipagrelyebo siya ng pagbabantay sa mga bata sa mga kaibigan para makapag-ukol siya ng ilang oras bawat ilang linggo sa pagsasaliksik ng aming mga ninuno. Nang umalis na sa bahay ang bunsong anak namin, itinala niya sa kanyang journal: “Nakapagdesisyon na ako at gusto kong panindigan at ipagsigawan ito. Ang dating silid ni Mike ay naging silid ko sa paggawa ng genealogy. Kumpleto ito ng gamit para maisaayos ang mga talaan at makagawa ako. Ang buhay ko’y matutuon ngayon sa mahalagang pagsasaliksik ng pamilya at pagsusumite ng mga pangalan sa templo. Sabik na sabik na akong gawin ito.”8
Mababasa sa isang pang journal entry: “Ang … himala ay nangyari sa akin sa Family History office ni Mel Olsen na nagbigay sa akin ng printout ng lahat ng aking nahanap na mga pedigree chart mula sa update ng mga Ancestral File computerized record na ipinadala sa genealogical society. Karamihan dito ay mula sa rekord na bunga ng programa ng Simbahan na ginamit maraming taon na ang nakalipas upang hikayatin ang mga miyembro na saliksikin ang apat na henerasyon ng kanilang family history. Palaging nasa isip ko ang malaking gawaing dapat kong gawin para matipon ang lahat ng nasaliksik na rekord ng aking mga ninuno mula sa mga organisasyon ng pamilya at ilagay lahat ito sa computer para sa kauna-unahang computerized distribution ng Ancestral File. At naroon silang lahat, maganda, maayos at naka-print at nasa ibabaw ng mesa sa harapan ko. Nag-umapaw ang tuwa ko at naupo ako na namamangha at pagkatapos ay nagsimulang umiyak, napakasaya ko. … Para sa tulad kong walang-tigil at masigasig na nagsaliksik sa loob ng tatlumpung taon, ang paglalagay ng lahat ng talaang ito sa computer ay talagang kapana-panabik. At kapag naiisip ko ang libu-libong tao na ngayon o di magtatagal ay maglalagay sa computer ng napakaraming listahan ng mga census at mga disk na personal na sinaliksik. … tuwang-tuwa ako. Tunay na ito ang gawain ng Panginoon at Siya ang namamahala dito.”9
Naranasan ko na ang ibinunga ng napakadakilang gawaing ito kaya nalaman ko na ang mga susi ni Elijah na ipinanumbalik kay Joseph Smith ang nagbibigkis sa ating mga puso at nag-uugnay sa atin sa ating mga ninuno na naghihintay ng ating tulong. Sa ating mga gawain sa mga banal na templo dito sa lupa gamit ang awtoridad na ipinagkatiwala ng Tagapagligtas, natatanggap ng ating mga ninuno ang mga nakapagliligtas na ordenansa na magbibigay-daan upang matamasa nila ang walang-hanggang kaligayahan.
Noon, dahil sa matinding pananalig sa kabanalan ng gawain, magiting na hinarap ng mga tao ang hamon na para bang kaya nilang anihing mag-isa ang lahat ng butil sa Nebraska. Ngayon, marami na ang nagtutulung-tulong para magawa ito. Sama-sama nating magagawa ang kailangang gawin.
Nagpapatotoo ako na ang Espiritu ni Elijah ang umaantig sa puso ng marami sa mga anak ng Ama sa buong mundo, na siyang nagpapabilis sa gawain para sa mga patay.
Ano naman ang ginagawa ninyo? Ipinagdasal na ba ninyo ang gawain para sa sarili ninyong mga ninuno? Isantabi ang mga bagay sa inyong buhay na hindi mahalaga. Magpasiyang gawin ang isang bagay na magkakaroon ng epekto sa kawalang-hanggan. Marahil nadama na ninyong dapat hanapin ang inyong mga ninuno ngunit naisip ninyong hindi kayo genealogist. ‘Di ba ninyo nakikita na hindi na ninyo kailangang maging genealogist? Nagsisimula ang lahat ng ito sa pagmamahal at matapat na hangaring tulungan ang mga nasa kabilang-buhay na hindi matulungan ang kanilang sarili. Magtanung-tanong kayo. Makahahanap kayo ng isang tao sa inyong lugar na makatutulong sa inyo na magtagumpay.
Ang gawaing ito ay espirituwal, isang napakalaking pagtutulungan sa magkabilang-panig ng tabing na kapwa tumatanggap ng tulong. Saanman kayo naroon, sa pamamagitan ng panalangin, pananampalataya, determinasyon, sigasig, at kaunting sakripisyo, malaki ang maiaambag ninyo. Simulan na ngayon. Ipinapangako ko na tutulungan kayo ng Panginoon na mahanap ang daan. At napakaganda ng mararamdaman ninyo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.