2010–2019
Anong Ibibigay ng Tao na Katumbas sa Kaniyang Buhay?
Oktubre 2012


10:5

Anong Ibibigay ng Tao na Katumbas sa Kaniyang Buhay?

Talikuran natin ang lahat ng ating kasalanan, maliit man o malaki, para sa buhay na walang hanggan na gantimpala ng Ama.

Minsa’y itinanong ito ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo: “Anong ibibigay ng tao na katumbas sa kaniyang buhay?”1

Ito ay tanong na itinuro sa akin ng aking ama na pag-isipan kong mabuti maraming taon na ang nakalilipas. Habang lumalaki ako, binigyan ako ng mga magulang ko ng mga gawaing-bahay at binigyan ako ng allowance para sa gawaing iyon. Madalas kong gamitin ang perang iyon, na mahigit 50 cents kada linggo, para manood ng sine. Ang halaga ng tiket sa sinehan noon ay 25 cents para sa isang batang 11-taong-gulang. May natitira pa akong 25 cents para ipambili ng kendi, na tig-5 cents ang isa. May sine na, may kendi pa! Ang sarap ng buhay ko noon.

Maayos ang lahat hanggang sa mag-12 anyos ako. Habang nakapila isang hapon, nalaman ko na ang halaga ng tiket para sa mga 12-anyos ay 35 cents, at ibig sabihin niyan ay mababawasan ng dalawa ang kendi. Dahil hindi ako handang isakripisyo iyon, ikinatwiran ko na, “Tulad pa rin noong isang linggo ang hitsura mo.” Pagkatapos ay lumapit ako at humingi ng tiket na halagang 25 cents. Hindi nagduda ang kahera, at lima pa rin ang nabili kong kendi sa halip na tatlo.

Sa tuwa sa nagawa ko, nagmadali akong umuwi para ikuwento kay Itay ang malaking tagumpay ko. Habang ikinukuwento ko ang mga detalye, wala siyang imik. Pagkatapos ko, tumingin lang siya sa akin at sinabing, “Anak, ipagbibili mo ba ang kaluluwa mo sa halagang singko?” Tumimo ang sinabi niya sa batang puso ko. Hinding-hindi ko nalimutan ang aral na ito.

Makalipas ang ilang taon itinanong ko rin ito sa isang di-gaanong aktibong mayhawak ng Melchizedek Priesthood. Kahanga-hanga siyang tao na nagmamahal sa kanyang pamilya. Gayunman, maraming taon na siyang hindi nagsisimba. Mayroon siyang matalinong anak na lalaki na kabilang sa napakahusay na sports team na sumasali sa mga kumpetisyon sa ibang bansa na nagpapraktis at naglalaro sa araw ng Linggo. Maraming beses nang nagwagi ang team sa malalaking kampeonato. Nang magkausap kami, ipinaalala ko sa kanya na, bilang mayhawak ng priesthood, pinangakuan siya na kung tutuparin niya ang kanyang sumpa at tipan, tatanggapin niya ang “lahat ng mayroon ang [ating] Ama.”2 Pagkatapos ay tinanong ko siya, “Higit ba ang halaga ng pambansang kampeonato kaysa lahat ng mayroon ang Ama?” Magiliw niyang sinabi, “Nauunawaan ko po ang ibig ninyong sabihin” at nagpa-iskedyul siya para makausap ang kanyang bishop.

Ngayon napakadaling matangay ng ingay ng mundo—sa kabila ng mabubuti nating hangarin. Pinipilit tayo ng daigdig na “[tumingin] nang lampas sa tanda.”3 May nagtanong sa akin kamakailan, “Talaga bang hindi puwede kahit isang lagok lang ng alak?” Hindi ba’t iyan ang tanong ng kaaway? Tanong ni Cain, “Sino ang Panginoon na nararapat ko siyang makilala?”4 at napariwara ang kanyang kaluluwa. Sa pangangatwiran sa maliliit na kasalanan, nagtatagumpay si Satanas. Sa isang bote ng gatas,5 maling baybay ng pangalan,6 nilutong pagkain,7 ipinagpalit ang mga pagkapanganay at mana.

Kapag inisip natin ang kapalit na singko o pambansang kampeonato sa ating buhay, maaari nating pangatwiranan ang ating mga ginagawa, tulad ni Cain, o kaya’y sundin ang kalooban ng Diyos. Ang tanong ay hindi kung ginagawa ba natin ang mga bagay na kailangang itama, dahil lagi naman nating ginagawa iyon. Sa halip, ang tanong ay “tatalikuran” o “susundin” ba natin ang utos na gawin ang kalooban ng Ama?8

Natutuwa ang Panginoon sa ating kabutihan ngunit iniuutos Niya na patuloy tayong magsisi at sumunod. Sa Biblia mababasa natin na isang taong masunurin sa mga kautusan at mayaman ang lumuhod sa harapan ng Tagapagligtas at nagtanong kung ano ang kailangan niyang gawin para magkaroon ng buhay na walang hanggan. Umalis siyang malungkot nang sabihin ng Tagapagligtas na, “Isang bagay ang kulang sa iyo: … ipagbili mo ang lahat mong tinatangkilik.”9

Ngunit, may isa pang mayaman ngunit makamundong lalaki, ang punong hari ng mga Lamanita, na ama ni Lamoni, ang nagtanong nang gayon din tungkol sa buhay na walang hanggan, at nagsabing: “Ano ang nararapat kong gawin upang isilang sa Diyos, nang ang masamang espiritung ito ay mabunot mula sa aking dibdib, at matanggap ang kanyang Espiritu[?] … Tatalikuran ko ang aking kaharian, upang matanggap ko ang labis na kagalakang ito.”10

Naaalala ba ninyo ang sagot ng Panginoon sa hari sa pamamagitan ng Kanyang lingkod na si Aaron? “Kung magsisisi kayo sa lahat ng inyong mga kasalanan, at yuyukod sa harapan ng Diyos, at mananawagan sa kanyang pangalan nang may pananampalataya, naniniwalang makatatanggap kayo, sa gayon inyong matatanggap ang pag-asang ninanais ninyo.”11

Nang maunawaan ng hari ang sakripisyong kailangang gawin, nagpakumbaba siya at nagpatirapa at pagkatapos ay nanalangin, “O Diyos, … tatalikuran ko ang lahat ng aking kasalanan upang makilala kayo.”12

Ito ang hinihinging kapalit ng Tagapagligtas sa atin: talikuran ang lahat ng ating kasalanan, maliit man o malaki, para sa buhay na walang hanggan na gantimpala ng Ama. Kailangan nating kalimutan ang mga pangangatwiran, pagdadahilan, pagpapaliban, pagpapanggap, kapalaluan, panghuhusga sa kapwa, at paggawa ng mga bagay sa paraang gusto natin. Dapat nating ihiwalay ang ating sarili sa lahat ng kamunduhan at taglayin sa ating sarili ang larawan ng Diyos.13

Mga kapatid, tandaan na ang utos na ito ay hindi lamang pagtigil sa paggawa ng masama. Dahil nakabantay ang kaaway kailangan din tayong kumilos at hindi maupo na lamang sa “kapabayaan.”14 Ang ibig sabihin ng taglayin sa ating sarili ang larawan ng Diyos ay paglingkuran ang isa’t isa. May masasamang bagay tayong ginagawa at mabubuting bagay na hindi natin ginagawa, at dapat nating iwasan ito pareho.

Noong naglilingkod ako bilang mission president sa Africa, hindi ko malilimutan ang natutuhan kong dakilang katotohanang ito. Papunta ako noon sa isang miting nang makita ko ang isang batang lalaking nag-iisa at humahagulgol sa tabing-daan. May tinig na nagsabi sa akin, “Tumigil ka at tulungan mo ang bata.” Nang marinig ko ang tinig, sa isang iglap ay nangatwiran ako: “Hindi ka puwedeng tumigil. Mahuhuli ka. Ikaw ang namumunong opisyal at hindi ka puwedeng mahuli.”

Pagdating sa meetinghouse, narinig ko ulit ang tinig na nagsasabing, “Tulungan mo ang bata.” Ibinigay ko ang susi ng kotse ko sa isang miyembro ng Simbahan na nagngangalang Afasi at hiniling kong dalhin niya sa akin ang bata. Pagkaraan ng 20 minuto, may tumapik sa balikat ko. Nasa labas na ang bata.

Mga 10 taong gulang siya. Nalaman namin na patay na ang tatay niya at nakakulong ang nanay niya. Nakatira siya sa pook ng mahihirap sa Accra kasama ang isang tagapag-alaga, na nagpapakain at kumukupkop sa kanya. Para may makain at matulugan, naglalako siya ng tuyo sa kalye. Ngunit matapos ang maghapong paglalako, pagdukot niya sa bulsa niya, nakita niyang butas ito. Nawala ang lahat ng kinita niya. Nalaman namin kaagad ni Afasi na kung babalik siya nang walang dalang pera, tatawagin siyang sinungaling, malamang na bugbugin, at saka siya itataboy sa lansangan. Ganoon ang kanyang takot at pangamba nang una ko siyang makita. Pinawi namin ang kanyang pangamba, pinalitan ang nawala sa kanya, at ibinalik siya sa tagapag-alaga niya.

Pag-uwi ko nang gabing iyon, natanto ko ang dalawang dakilang katotohanan. Una, noon ko lang nalaman na nagmamalasakit ang Diyos sa bawat isa sa atin at hindi Niya tayo pababayaan kailanman; at pangalawa, nalaman ko na kailangan nating dinggin palagi ang tinig ng Espiritu sa ating kalooban at “kaagad”15 sumunod anuman ang mangyari, kahit may pangamba tayo o hindi ito madali para sa atin.

Isang araw tinanong ng mga disipulo ang Tagapagligtas kung sino ang pinakadakila sa kaharian ng langit. Sinabi Niya sa kanila na magbalik-loob, magpakumbaba, at sumunod na tulad ng maliliit na bata. Pagkatapos ay sinabi Niya, “Ang Anak ng Tao ay naparito upang iligtas ang [yaong] nawala.”16 Sa isang pangungusap na iyan, niliwanag Niya ang ating misyon. Tayo ang sasagip—sa naliligaw, nahuhuli, at pinakaaba. Hindi sapat na iwasan ang kasamaan; dapat nating “batahin ang kanyang krus”17 at “maging sabik sa paggawa,”18 na tumutulong sa iba na magbalik-loob. May habag at pagmamahal nating tanggapin ang alibugha,19 tugunan ang pag-iyak ng nababagabag na mga ulila, ang pagsamo ng mga taong nasa dilim at nalulungkot,20 at ang namimighating pagsamo ng mga pamilyang nangangailangan. “Hindi kailangan ni Satanas na gawing tulad ni Cain o ni Judas ang lahat, … ” sabi ni Elder Neal A. Maxwell. “Kailangan lang niyang ipaisip sa mga taong may-kakayahan … na sila ay mga taong walang pinapanigan.”21

Pagkatapos ng isang stake conference kamakailan, nilapitan ako at tinanong ng isang binatilyo, “Mahal po ba ako ng Diyos?” Nawa ang ating buhay na puno ng paglilingkod ay magpapatunay sa tuwina na hindi pinababayaan ng Diyos ang sinuman.

Sa tanong na, “Anong ibibigay ng tao na katumbas sa kaniyang buhay?” Gugustuhin ni Satanas na ipagpalit natin ang ating buhay sa mga kendi at kampeonato ng mundong ito. Gayunman, iniuutos sa atin ng Tagapagligtas, nang walang katumbas na halaga, na ipagpalit ang ating mga kasalanan, taglayin ang Kanyang larawan, at tulungan ang mga tao sa ating paligid na gayon din ang gawin. Kapalit nito’y matatanggap natin ang lahat ng mayroon ang Diyos, na sinasabi sa atin na mas marami kaysa pinagsama-samang kayamanan ng mundong ito.22 Maiisip kaya ninyo iyan?

Sa biyahe kamakailan patungong Nicaragua, napansin ko ang isang plake sa simpleng tahanan ng isang pamilyang binisita namin. Nakasaad doon, “Ang aking patotoo ang pinakamahalaga kong pag-aari.” Gayundin ang sa akin. Ang aking patotoo ang yaman ng aking kaluluwa, at sa buong katapatan ng aking puso, iniiwan ko sa inyo ang aking patotoo na ang Simbahang ito ang tunay na Simbahan ng Diyos, na ang ating Tagapagligtas ang pinuno nito at ginagabayan Niya ito sa pamamagitan ng Kanyang piniling propeta. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Mateo 16:26.

  2. Doktrina at mga Tipan 84:38.

  3. Jacob 4:14.

  4. Moises 5:16.

  5. Ang isang bote ng gatas at ang krema nito ang pinagmulan ng sigalot sa pagitan ng asawa ni Thomas B. Marsh at ni Gng. Harris, na nagkasundong pagsamahin ang kanilang mga sangkap at gumawa ng keso. Nang malaman ni Gng. Harris na hindi isinama ni Gng. Marsh ang krema ng gatas kundi itinago ito para sa kanyang sarili, nagreklamo si Gng. Harris, at nag-away ang dalawa. Idinulog ni Thomas Marsh ang bagay na ito sa bishop, na pumanig naman kay Gng. Harris. Ipinarating ito ng bishop sa high council hanggang sa Unang Panguluhan, na pawang sumang-ayon na si Gng. Marsh ang mali. Naging balakid ito kay Thomas Marsh at sa mga Kapatid. Di-naglaon pagkatapos niyon, tumestigo si Thomas Marsh sa harap ng mahistrado ng Missouri na ang mga Mormon ay kalaban ng estado ng Missouri. (Tingnan sa George A. Smith, “Discourse,” Deseret News, Abr. 16, 1856, 44.)

  6. Nang tawagin ni Propetang Joseph Smith si Simonds Ryder na maglingkod bilang misyonero, natuklasan ni Ryder na nagkamali ang pagbaybay sa kanyang pangalan at naging “Rider” ito sa nakalimbag na paghahayag. Nagdamdam siya, at humantong ito sa kanyang apostasiya at sa huli’y nakasama siya sa pagbubuhos ng alkitran at balahibo sa propeta. Hindi alam ni Ryder na karaniwan ay idinidikta ni Joseph Smith ang mga paghahayag sa kanyang mga tagasulat at wala siyang kinalaman sa pagbaybay. (Tingnan sa Milton V. Backman Jr., The Heavens Resound: A History of the Latter-day Saints in Ohio, 1830–1838 [1983], 93–94; Donald Q. Cannon at Lyndon W. Cook, mga ed., Far West Record: Minutes of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 1830–1844 [1983], 286.)

  7. Sa Genesis 25 nalaman natin na ipinagbili ni Esau ang kanyang pagkapanganay kapalit ng “tinapay at nilutong lentehas” ni Jacob (talata 34).

  8. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:18–19.

  9. Tingnan sa Marcos 10:21–22.

  10. Alma 22:15.

  11. Alma 22:16.

  12. Alma 22:18.

  13. Tingnan sa Alma 5:14–19.

  14. Alma 60:7.

  15. Marcos 1:18.

  16. Mateo 18:11.

  17. Jacob 1:8.

  18. Doktrina at mga Tipan 58:27.

  19. Tingnan sa Lucas 15:11–32.

  20. Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–16.

  21. Neal A. Maxwell, Deposition of a Disciple (1976), 88.

  22. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:38.