2010–2019
Protektahan ang mga Bata
Oktubre 2012


16:34

Protektahan ang mga Bata

Walang dapat tumutol sa panawagang magkaisa tayo para mapag-ibayo ang ating malasakit sa kapakanan at kinabukasan ng ating mga anak—ang bagong henerasyon.

Maaalala nating lahat ang ating nadama nang isang batang musmos ang umiyak at humingi ng tulong sa atin. Ibinigay sa atin ng mapagmahal na Ama sa Langit ang damdaming iyon para hikayatin tayong tulungan ang Kanyang mga anak. Gunitain sana ang damdaming iyon habang tinatalakay ko ang ating responsibilidad na protektahan at pangalagaan ang kapakanan ng mga bata.

Nagsasalita ako ayon sa pananaw ng ebanghelyo ni Jesucristo, kabilang na ang Kanyang plano ng kaligtasan. Iyan ang tungkulin ko. Ang mga lokal na lider ng Simbahan ay may responsibilidad sa iisang lugar, gaya ng ward o stake, ngunit ang isang Apostol ay responsableng sumaksi sa buong mundo. Sa bawat bansa, ng bawat lahi at doktrina, lahat ng bata ay anak ng Diyos.

Kahit hindi ako nagsasalita tungkol sa pulitika o patakarang pampubliko, gaya ng iba pang mga lider ng Simbahan hindi ako maaaring magsalita para sa kapakanan ng mga bata nang walang mga pahiwatig tungkol sa mga pagpapasiya ng mga mamamayan, opisyal ng pamahalaan, at nagtatrabaho sa mga pribadong organisasyon. Lahat tayo ay inutusan ng Tagapagligtas na mahalin at pangalagaan ang isa’t isa at lalo na ang mahihina at walang kalaban-laban.

Ang mga bata ay madaling mabiktima. May kakatiting o wala silang lakas na protektahan o paglaanan ang kanilang sarili at maliit ang impluwensya nila sa napakaraming bagay na mahalaga sa kanilang kapakanan. Kailangan ng mga bata ng ibang taong magsasalita para sa kanila, at mga taong magpapasiya na unahin ang kanilang kapakanan kaysa mga sakim na interes ng matatanda.

I.

Sa buong mundo, nagugulat tayo sa milyun-milyong batang nabiktima ng masasamang krimen at kasakiman ng matatanda.

Sa ilang bansang nakikipagdigma, kinikidnap ang mga bata para magsilbing mga sundalo sa mga hukbong magkakalaban.

Inireport ng United Nations na mahigit dalawang milyong bata ang nabibiktima ng prostitusyon at pornograpiya taun-taon.1

Mula sa pananaw ng plano ng kaligtasan, isa sa mga pinakamatinding pang-aabuso sa mga bata ang ipagkait sa kanila ang karapatang maisilang. Laganap ito sa buong mundo. Ang dami ng isinilang sa mga bansa sa Estados Unidos ay pinakamababa sa loob ng 25 taon,2 at ang mga isinilang sa halos lahat ng bansa sa Europe at Asia ay mababa pa sa replacement levels sa loob ng maraming taon. Hindi lamang ito usaping pangrelihiyon. Habang nababawasan ang bagong henerasyon, humihina ang mga kultura at maging ang mga bansa at kalaunan ay nawawala.

Ang isang dahilan ng bumababang bilang ng mga isinisilang ay aborsyon. Sa buong mundo, tinatayang mahigit 40 milyon ang nagpapalaglag [ng sanggol] taun-taon.3 Maraming batas ang nagtutulot o nagsusulong ng aborsyon, ngunit para sa atin ito ay matinding kasamaan. Ang iba pang mga pang-aabuso sa mga bata habang nasa sinapupunan pa sila ay ang pinsala sa mga sanggol dahil sa di-sapat na nutrisyon o paggamit ng droga ng ina.

Nakalulungkot na maraming batang pinatay o sinaktan bago isinilang samantalang napakaraming mag-asawang hindi magkaanak na sabik magkaroon at naghahanap ng mga sanggol na aampunin.

Mas lantaran na ang mga pang-aabuso o pagpapabaya sa mga bata matapos silang isilang. Sa buong mundo, halos walong milyong bata ang namamatay bago sumapit ang kanilang ikalimang kaarawan, karamihan ay mula sa mga sakit na maaaring magamot at maagapan.4 At inireport ng World Health Organization na isa sa apat na bata ang hindi malusog ang isipan at katawan, dahil kulang sa nutrisyon.5 Dahil nakatira at naglalakbay kaming mga pinuno ng Simbahan sa iba’t ibang bansa, halos lahat ng ito ay nakikita namin. Inireport ng Primary general presidency ang mga batang nabubuhay sa mga kalagayang “hindi natin maubos-maisip.” Sabi ng isang ina sa Pilipinas: “Kung minsan wala kaming sapat na pera para sa pagkain, pero okey lang kasi pagkakataon iyon para turuan ang aking mga anak tungkol sa pananampalataya. Nagtitipon kami at nagdarasal para maginhawahan, at nakikita ng mga bata na pinagpapala kami ng Panginoon.”6 Sa South Africa, nakilala ng isang Primary worker ang isang batang babae, na nag-iisa at malungkot. Sa mahihinang sagot sa magiliw na mga tanong, sinabi niya na wala siyang ina, ama, at lola—lolo lang niya ang nag-aalaga sa kanya.7 Ang gayong mga trahedya ay karaniwan sa isang kontinente kung saan maraming tagapag-alaga ang namatay sa AIDS.

Kahit sa mayayamang bansa napapahamak ang mga batang musmos dahil napapabayaan sila. Ang mga batang lumalaki sa karukhaan ay hindi napapangalagaan ang kalusugan at hindi makapag-aral. Lantad din sila sa panganib sa kanilang pisikal at kultural na kapaligiran at maging sa kapabayaan ng kanilang mga magulang. Ibinahagi ni Elder Jeffrey R. Holland kamakailan ang karanasan ng isang LDS police officer. Sa isang imbestigasyon nakita niya ang limang batang musmos na magkakayakap at sinisikap matulog nang walang sapin sa maruming sahig sa isang tirahan habang ang kanilang ina at iba pa ay nag-iinuman at nagkakasayahan. Walang pagkain sa apartment para maibsan ang kanilang gutom. Matapos ihiga ang mga bata sa isang pansamantalang kama, lumuhod ang pulis at nagdasal na maprotektahan sila. Nang palabas na siya ng pintuan, isa sa kanila, mga anim na taong gulang, ang humabol sa kanya, hinawakan ang kanyang kamay, at nagsumamo, “Puwede po ba ninyo akong ampunin?”8

Maaalala natin ang turo ng ating Tagapagligtas nang iharap Niya ang isang batang musmos sa Kanyang mga disipulo at sinabi:

“At sinomang tumanggap sa isa sa ganitong maliit na bata sa aking pangalan ay ako ang tinanggap.

“Datapuwa’t sinomang magbigay ng ikatitisod sa isa sa maliliit na ito na nagsisisampalataya sa akin, ay may pakikinabangin pa siya kung bitinan ang kaniyang leeg ng isang malaking batong gilingan, at siya’y ilubog sa kalaliman ng dagat” (Mateo 18:5–6).

Kapag inisip natin ang mga panganib na kung saan dapat protektahan ang mga bata, dapat din nating isama ang pang-aabuso sa isipan. Ang mga magulang o iba pang tagapag-alaga o guro o barkadang nanghahamak, nananakot, o nanghihiya sa mga bata o kabataan ay maaaring makapinsala nang mas permanente kaysa makapanakit nang pisikal. Kapag nadama ng isang bata o kabataan na siya ay walang halaga, hindi minamahal, o inaayawan, maaaring makasama iyon nang husto at matagal na makaapekto sa kanyang damdamin at paglaki.9 Ang mga kabataang may naiibang kalagayan, kabilang na ang pagkaakit sa kapareho niya ang kasarian, ay mas madaling masaktan at nangangailangan ng mapagmahal na pag-unawa—hindi ng pananakot o pagtatakwil.10

Sa tulong ng Panginoon, maaari tayong magsisi at magbago at maging mas mapagmahal at matulungin sa mga bata—sa ating mga anak at sa mga bata sa paligid natin.

II.

May ilang halimbawa ng pisikal o emosyonal na pananakot sa mga bata na kasinghalaga niyaong mga nagmumula sa pakikipag-ugnayan nila sa kanilang mga magulang o tagapag-alaga. Binanggit ni Pangulong Thomas S. Monson ang tinawag niyang “masasamang gawa” ng pang-aabuso sa bata, kung saan binalian o pininsala ng isang magulang ang katawan ng anak, sa pisikal o emosyonal.11 Nalungkot ako nang pag-aralan ko ang nakagugulat na ebidensya ng gayong mga kaso noong naglilingkod ako sa Utah Supreme Court.

Ang isang napakahalaga sa kapakanan ng mga bata ay kung kasal ang kanilang mga magulang, paano at gaano katagal silang nagsama, at, higit pa rito, ang kaugalian at mga inaasahan sa pag-aasawa at pangangalaga sa anak kung saan sila nakatira. Ipinaliwanag ng dalawang eksperto tungkol sa pamilya: “Sa buong kasaysayan, noon pa man ay kasal na ang una at pinakamahalagang institusyon para sa paglikha ng mga bata at pagpapalaki ng mga anak. Nakapaglaan ito ng kultural na koneksyon na nagmimithing iugnay ang ama sa kanyang mga anak sa pamamagitan ng pagbubuklod nila ng ina ng kanyang mga anak. Subalit sa panahon ngayon, patuloy na naisasantabi ang mga bata.”12

Ipinaliwanag ng isang Harvard law professor ang batas at saloobin ngayon patungkol sa kasal at diborsyo: “Ang [kasalukuyang] saloobin sa Amerika tungkol sa kasal, ayon sa batas at sa napakabantog na literatura, ay ganito: ang kasal ay isang relasyong umiiral para lamang sa kasiyahan ng mag-asawa. Kung hindi na ito nakasisiya, walang ibang masisisi at mawawakasan ito ng sinuman sa mag-asawa kung kailan niya gusto. … Halos hindi iniisip dito ang mga anak; itinuturing silang hindi mahalaga sa sitwasyon.”13

Itinuro ng mga pinuno ng ating Simbahan na ang pagturing sa kasal “bilang isang kontrata lamang na maaaring pasukan kung kailan gusto … at tapusin kapag nahirapan … ay isang kasamaang marapat na isumpa,” lalo na kapag “nagdurusa ang mga anak.”14 At ang mga anak ay naaapektuhan ng mga diborsyo. Mahigit kalahati ng mga diborsyo nitong nakaraang taon ang kinasangkutan ng mga mag-asawang musmos pa ang mga anak.15

Maraming bata sana ang napagpalang mapalaki ng kanilang ama’t ina kung sinunod lamang ng kanilang mga magulang ang inspiradong turong ito sa paghahayag tungkol sa pamilya: “Ang mag-asawa ay may banal na tungkuling mahalin at kalingain ang bawat isa at ang kanilang mga anak. … Ang mga magulang ay may banal na tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan, at turuan silang magmahalan at maglingkod sa isa’t isa.”16 Ang pinakamabisang pagtuturo sa mga bata ay sa pamamagitan ng halimbawa ng kanilang mga magulang. Ang nagdidiborsyong mga magulang ay nagtuturo ng masamang aral.

Siguradong may mga kaso na kailangan ang diborsyo para sa kabutihan ng mga anak, ngunit pambihira ang gayong mga sitwasyon.17 Sa karamihan ng alitan ng mag-asawa dapat mas pahalagahan ng nag-aaway na mga magulang ang kapakanan ng mga anak. Sa tulong ng Panginoon, magagawa nila ito. Kailangan ng mga bata ang emosyonal at personal na lakas na nagmumula sa pagpapalaki ng dalawang magulang na nagkakaisa sa kanilang pagsasama at mga mithiin. Bilang isang anak na pinalaki ng inang balo, alam ko mismo na hindi palaging nakakamtan ito, ngunit ito ang huwarang dapat hangarin hangga’t maaari.

Ang mga bata ang unang mga biktima ng kasalukuyang mga batas na nagtutulot sa tinatawag na “diborsyong walang dahilan.” Sa pananaw ng mga bata, napakadali ng diborsyo. Sa pagbubuod ng mga social science research na ginawa sa loob ng maraming taon, ang naging konklusyon ng madetalyeng scholar ay “ang karaniwang istruktura ng pamilya na nagdudulot ng pinakamagandang resulta sa mga anak ay ang dalawang magulang na nananatiling magkasama.”18 Isinaad ng isang manunulat sa New York Times na “ang nakagugulat na katotohanan na kahit na ang mga tradisyonal na kasal ay humina na sa Estados Unidos … lumutang ang ebidensya na mahalaga ang institusyon sa kapakanan ng mga anak.”19 Ang katotohanang iyan ay dapat magbigay ng mahalagang patnubay sa mga magulang at magiging mga magulang sa kanilang mga desisyon tungkol sa kasal at diborsyo. Kailangan ding mas pagtuunan ng pansin ng mga pulitiko, mambabatas, at opisyal kung ano ang pinakamabuti para sa mga bata kaysa mga sakim na interes ng mga botante na hayagang sumusuporta sa interes ng matatanda.

Napapahamak din ang mga batang isinilang sa mga magulang na hindi kasal. Mas nakababahala ang ilang katotohanan tungkol sa kapakanan ng ating bagong henerasyon kaysa sa huling report na 41 porsiyento ng lahat ng isinilang sa Estados Unidos ay sa mga babaeng hindi kasal.20 Ang mga inang hindi kasal ay may malalaking hamon na kinakaharap, at malinaw ang ebidensya na hindi maayos ang buhay ng kanilang mga anak kumpara sa mga batang pinalaki ng mga magulang na ikinasal.21

Karamihan sa mga batang isinilang sa mga inang hindi kasal—58 porsiyento—ay isinilang sa mga magkasintahang nagsasama nang hindi kasal.22 Anuman ang sabihin natin tungkol sa hindi nila pagpapakasal, makikita sa mga pag-aaral na ang kanilang mga anak ay hindi maayos ang buhay kumpara sa ibang mga bata.23 Para sa mga bata, mahalaga ang matatag na pagsasama ng kanilang mga magulang.

Dapat nating isipin na gayon din kagulo ang buhay na kauuwian ng mga batang pinalaki ng dalawang taong magkapareho ang kasarian. Kontrobersyal at mapulitika ang social science literature tungkol sa matagalang epekto nito sa mga anak, dahil, ayon sa puna ng isang manunulat sa New York Times, “ang kasal ng kapwa lalaki at kapwa babae ay isang eksperimento ng lipunan, at tulad ng halos lahat ng eksperimento matagal bago maunawaan ang mga ibubunga nito.”24

III.

Nagsalita na ako alang-alang sa mga bata—mga bata sa lahat ng dako. Maaaring tutulan ng ilan ang ilan sa mga halimbawang ito, ngunit walang dapat tumutol sa panawagang magkaisa tayo para mapag-ibayo ang ating malasakit sa kapakanan at kinabukasan ng ating mga anak—ang bagong henerasyon.

Tinutukoy namin ang mga anak ng Diyos, at sa makapangyarihang tulong Niya, mas marami tayong magagawa para tulungan sila. Sa panawagang ito nakikiusap ako hindi lamang sa mga Banal sa mga Huling Araw kundi maging sa lahat ng taong may pananampalataya sa Diyos at sa iba pa na nagpapahalaga sa mga pangangailangan ng iba kaysa sa sarili nila, lalo na sa kapakanan ng mga bata.25

Nauunawaan din ng mga taong relihiyoso ang turo ng Tagapagligtas sa Bagong Tipan na ang dalisay na mga batang musmos ang ating huwaran ng taong mapagpakumbaba at madaling turuan:

“Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Malibang kayo’y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit.

“Sinoman ngang magpakababa na gaya ng maliit na batang ito, ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit” (Mateo 18:3–4).

Sa Aklat ni Mormon mababasa natin ang tungkol sa pagtuturo ng nagbangong Panginoon sa mga Nephita na dapat silang magsisi at magpabinyag “at maging katulad ng isang maliit na bata” o hindi nila mamanahin ang kaharian ng Diyos (3 Nephi 11:38; tingnan din sa Moroni 8:10).

Dalangin ko na magpakumbaba tayong tulad ng maliliit na bata at sikaping protektahan ang ating maliliit na anak, dahil sila ang kinabukasan para sa atin, sa ating Simbahan, at sa ating bansa. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa UNICEF, The State of the World’s Children 2005: Childhood under Threat (2004), 26.

  2. Tingnan sa Haya El Nasser, “National Birthrate Lowest in 25 Years,” USA Today, Hulyo 26, 2012, A1.

  3. Tingnan sa Gilda Sedgh at iba pa, “Induced Abortion: Incidence and Trends Worldwide from 1995 to 2008,” The Lancet, tomo 379, blg. 9816 (Peb. 18, 2012), 625–32.

  4. Tingnan sa UNICEF, “Young Child Survival and Development,” http://www.unicef.org/childsurvival/index.html.

  5. Tingnan sa World Health Organization, World Health Statistics 2012 (2012), 109, 118.

  6. Report ng Primary general presidency, Set. 13, 2012.

  7. Report ng Primary general presidency.

  8. Tingnan sa Jeffrey R. Holland, “Israel, Diyos ay Tumatawag” (Church Educational System devotional para sa mga young adult, Set. 9, 2012), lds.org/broadcasts; tingnan din sa R. Scott Lloyd, “Zion Not Only Where, but How We Live, Says Elder Holland,” Deseret News, Set. 10, 2012, B2.

  9. Tingnan sa Kim Painter, “Parents Can Inflict Deep Emotional Harm,” USA Today, Hulyo 30, 2012, B8; Rachel Lowry, “Mental Abuse as Injurious as Other Forms of Child Abuse, Study Shows,” Deseret News, Ago. 5, 2012, A3.

  10. Tingnan sa “End the Abuses,” Deseret News, Hunyo 12, 2012, A10.

  11. Thomas S. Monson, “A Little Child Shall Lead Them,” Liahona, Hunyo 2002, 2.

  12. W. Bradford Wilcox at Elizabeth Marquardt, mga editor, The State of Our Unions: Marriage in America (2011), 82.

  13. Mary Ann Glendon, Abortion and Divorce in Western Law: American Failures, European Challenges (1987), 108.

  14. David O. McKay, “Structure of the Home Threatened by Irresponsibility and Divorce,” Improvement Era, Hunyo 1969, 5.

  15. Tingnan sa Diana B. Elliott and Tavia Simmons, “Marital Events of Americans: 2009,” American Community Survey Reports, Ago. 2011.

  16. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.

  17. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Diborsyo,” Liahona, Mayo 2007, 71.

  18. Charles Murray, Coming Apart: The State of White America, 1960–2010 (2012), 158.

  19. Ross Douthat, “Gay Parents and the Marriage Debate,” New York Times, Hunyo 11, 2012, http://douthat.blogs.nytimes.com/2012/06/11/gay-parents-and-the-marriage-debate.

  20. Tingnan sa Joyce A. Martin and others, “Births: Final Data for 2010,” National Vital Statistics Reports, tomo 61, blg. 1 (Ago. 2012), 10.

  21. Tingnan sa William J. Doherty and others, Why Marriage Matters: Twenty-One Conclusions from the Social Sciences (2002); W. Bradford Wilcox and others, Why Marriage Matters: Thirty Conclusions from the Social Sciences, 3rd ed. (2011).

  22. Tingnan sa Martin, “Births: Final Data for 2010,” 10–11.

  23. Tingnan sa Wilcox, Why Marriage Matters.

  24. Douthat, “Gay Parents and the Marriage Debate.” Nakita sa pinakahuli at pinakamasusing pag-aaral ang di-magandang kalagayang inireport ng mga young adult na may magulang na nakisama sa kapwa nila lalaki o babae bago tumuntong ng 18 anyos ang bata (tingnan sa Mark Regnerus, “How Different Are the Adult Children of Parents Who Have Same-Sex Relationships? Findings from the New Family Structures Study,” Social Science Research, tomo 41 [2012], 752–70).

  25. Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay lalong tapat sa pagiging magulang bilang isa sa mga pinakamahalagang mithiin nila sa buhay (tingnan sa Pew Research Center’s Forum on Religion and Public Life, Mormons in America: Certain in Their Beliefs, Uncertain of Their Place in Society, Ene. 12, 2012, 10, 16, 51).