2010–2019
Matuto Gamit ang Ating Puso
Oktubre 2012


10:29

Matuto Gamit ang Ating Puso

Isang paraan para makalapit kay Cristo ay ang hangaring matutuhan ang mahahalagang katotohanan gamit ang ating puso.

“Lumapit sa akin, nang inyong madama at makita.”1 Ito ang utos na ibinigay ng Tagapagligtas sa mga taong nabuhay noon sa sinaunang Amerika. Nadama nila sa kanilang mga kamay at nakita ng kanilang mga mata na si Jesus ang Cristo. Ang kautusang ito na natanggap nila na mahalaga sa kanila noon ay mahalaga rin sa atin ngayon. Sa paglapit natin kay Cristo madarama at makikita at “[malalaman] natin nang may katiyakan”2—hindi sa ating mga kamay at mata kundi sa ating puso’t isipan—na si Jesus ang Cristo.

Isang paraan para makalapit kay Cristo ay ang hangaring matutuhan ang mahahalagang katotohanan gamit ang ating puso. Sa paggawa natin nito, ang mga inspirasyong mula sa Diyos ay magbibigay sa atin ng kaalaman na hindi natin makukuha sa anupamang paraan. Alam ni Apostol Pedro nang may katiyakan na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos. Ipinaliwanag ng Tagapagligtas na ang pinagmulan ng kaalaman ni Pedro ay hindi [ipinahayag] ng “laman at ng dugo … kundi ng … Ama na nasa langit.”3

Si Abinadi ang nagpaliwanag sa tungkulin ng mga damdaming nagmula sa Diyos tungo sa ating puso. Itinuro niya na hindi natin mauunawaan nang ganap ang mga banal na kasulatan kung hindi natin gagamitin ang ating puso sa pag-unawa.4

Ang katotohanang ito ay napakagandang ipinahayag sa aklat para sa mga bata, ang The Little Prince ni Antoine de Saint-Exupéry. Sa kuwento, naging kaibigan ng batang prinsipe ang isang soro o fox. Nang maghihiwalay na, may sinabing lihim ang soro sa batang prinsipe. Sabi nito, “Heto ang sikreto ko … : Tanging sa paggamit lamang ng puso makakakita nang tama ang tao; ang pinakamahalagang bagay ay hindi nakikita ng mata.”5

Ang walumpung-taong-gulang na si Brother Thomas Coelho ay magandang halimbawa ng isang nakakita ng mahahalagang bagay gamit ang kanyang puso. Isa siyang matapat na miyembro ng aming high council sa Paysandú, Uruguay. Bago siya naging kasapi ng Simbahan, naaksidente siya habang sakay ng kanyang motorsiklo. Habang nakahandusay sa lupa at hindi makatayo, dalawa sa ating mga misyonero ang tumulong sa kanyang tumayo at iniuwi siya ng mga ito sa kanyang bahay. Sinabi niya na may nadama siyang hindi pangkaraniwan nang tulungan siya ng mga misyonero. Kalaunan may matindi na naman siyang nadama nang turuan siya ng mga misyonero. Napakatindi ng epekto ng nadama niyang iyon kaya natapos niyang basahin ang Aklat ni Mormon nang ilang araw lamang. Nabinyagan siya at naglingkod nang buong katapatan mula nang araw na iyon. Naaalala ko siya na nakamotorsiklong nililibot ang mga kalye sa aming lungsod, kahit sa maulang taglamig, para dalhin ang mga tao sa simbahan nang sa gayon ay makakita, makadama, at makaalam sila nang may katiyakan tulad niya.

Dahil napapalibutan tayo ngayon ng maraming impormasyon, maaaring isipin natin na ang pagtingin sa milyun-milyong website ay magbibigay sa atin ng lahat ng dapat nating malaman. Makakakita tayo ng mabuti at masamang impormasyon sa internet, ngunit hindi sapat ang impormasyon lamang. Binigyan tayo ng Diyos ng iba pang pagkukunan ng mas malaking kaalaman,6 maging ng kaalamang mula sa langit. Mabibigyan tayo ng Ama sa Langit ng gayong kaalaman kapag hinangad natin ang kaalamang mula sa langit sa ating puso’t sipan. Sinabi ni propetang Joseph Smith na “nakakintal sa puso [niya] ang pinakalumang aklat, maging ang kaloob na Espiritu Santo.”7

Napasasaatin ang Espiritu Santo kapag nagbabasa tayo ng mga banal na kasulatan, nakikinig sa buhay na propeta, at nagdarasal. Bukod dito, mahalaga rin na mapanatag at magnilay-nilay8 at damhin ang mga pahiwatig ng langit. Kapag ginawa natin ito, “madarama at makikita” natin ang mga bagay na hindi matututuhan sa makabagong teknolohiya. Sa sandaling hangarin natin ang kaalamang ito mula sa langit, madarama natin ang katotohanan, kahit nagbabasa pa tayo ng sekular na kasaysayan o iba pang paksa. Ang matatapat na naghahangad ng katotohanan ay malalaman ang katotohanan ng lahat ng bagay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.9

Ngayon, ito ang babala: hindi tayo magkakaroon ng kaalamang ito mula sa langit kung tayo ay masama at nakalilimot sa Panginoon. Sinabi ni Nephi sa kanyang mga kapatid na hindi nila “madama ang kanyang mga salita” dahil sila ay “mabilis sa paggawa ng kasamaan [at] mabagal sa pag-aalaala sa Panginoon.”10 Ang kasamaan ay hadlang sa ating kakayahang makakita, makadama, at magmahal ng iba. Ang mabilis na pag-alaala sa Panginoon sa pamamagitan ng pagdarasal “nang buong lakas ng puso”11 at pag-alaala ng ating mga espirituwal na karanasan ay nagpapalawak sa ating kakayahang makita at madama ang mga bagay ni Cristo. Ngayon ay tatanungin ko kayo:

  • Naaalala ba ninyo ang kapayapaang inyong nadama nang, matapos ang matinding pagsubok, nagsumamo kayo sa Ama sa mataimtim na panalangin?

  • Natatandaan ba ninyong binago ninyo ang mga plano ninyong gawin para sundin ang ipinahiwatig sa inyong puso?

Naragdagan ang kaalaman ng mga kalalakihan sa Aklat ni Mormon nang alalahanin nila ang mahahalaga nilang espirituwal na karanasan. Pinatatag at pinalakas ni Alma ang kanyang mga anak sa pagpapaalala sa kanila ng kanyang naranasan sa pagbabalik-loob.12 Itinuro ni Helaman kina Nephi at Lehi na tandaan—tandaan na sa bato na si Cristo nila kailangang itayo ang kanilang saligan nang sa gayon ang diyablo ay hindi magkaroon ng kapangyarihan sa kanila.13 Dapat din nating gawin iyon. Ang pag-alaala sa Diyos ay tutulong sa ating makadama at makakita. Ito ay nagbibigay ng mas malalim na kahulugan sa mga salita ni Haring Benjamin, na nagsabing, “At ngayon, O tao, pakatandaan at nang huwag masawi.”14

Isa sa mga pinakasagradong alaalang itinatangi ko ay ang nadama ko noong malaman ko na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos. Natutuhan ko na makadarama tayo ng galak na hindi sapat na mailalarawan ng mga salita. Nang mismong araw na iyon, habang ako’y nagdarasal, nadama ko at nalaman nang may katiyakan ang mga bagay na hindi ko marahil nalaman sa ibang paraan. Ang gayong alaala ay dahilan para magpasalamat ako nang walang hanggan at mapalakas sa mga araw ng pagsubok.

Ang mga tumatanggap ng kaalaman, na hindi nagmula sa laman at dugo kundi sa ating Ama sa Langit, ay malalaman nang may katiyakan na si Jesus ang Cristo at ito ang Kanyang Simbahan. Ang kaalamang iyan ang nagbibigay ng lakas na magawa ang kinakailangan upang makalapit kay Cristo. Dahil dito, inaanyayahan natin ang bawat tao na magpabinyag, magsisi, at lumapit sa Kanya.15

Sa paglapit kay Cristo, sinuman ay makikita, madarama, at malalaman nang may katiyakan na nagdusa si Cristo at nagbayad-sala para sa ating mga kasalanan upang magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. Kung tayo’y magsisisi, hindi na natin kailangang magdusa.16 Salamat sa Kanya, lahat ng nasugatang kaluluwa ay mapagagaling at ang mga nasaktang puso ay mapahihilom. Walang pasaning hindi Niya kayang pagaanin o alisin. Alam niya ang ating mga kahinaan at karamdaman. Ipinapangako at pinatototohanan ko na kapag tila hindi na ninyo kayang magpatuloy, kapag tila wala nang pag-asa, hindi Niya kayo pababayaan. Si Cristo ay tutulong at sasagip, kayo man ay nagdurusa sa pagkalulong, matinding lungkot, o iba pa. Alam Niya “kung paano tutulungan ang kanyang mga tao.”17 Ang mga mag-asawa at pamilya na naghihirap sa anupamang dahilan—problema sa kabuhayan, masamang impluwensya ng media, o mga sitwasyon sa pamilya—ay makadarama ng kapanatagan mula sa langit. Nakapapanatag na “madama at makita” na Siya na nagbangon mula sa mga patay ay may pagpapagaling sa Kanyang mga bagwis,”18 na dahil sa Kanya, ating makikita at mayayakap na muli ang mga minamahal nating nagsipanaw na. Tunay ngang sa pagbabalik-loob natin sa Kanya tayo ay mapagagaling.19

Alam ko nang may katiyakan na totoo ang lahat ng ito. Dahil dito nakikiisa ang aking tinig sa mga nabuhay noon sa Amerika sa pagsasabi ng: Hosana! Purihin ang pangalan ng Kataas-taasang Diyos!”20 Binibigyan Niya tayo ng kaligtasan. Pinatototohanan ko na si Jesus ang Cristo, ang banal na Mesiyas. Siya ang Panginoon ng mga Hukbo, ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.