2010–2019
Pagiging Mas Kristiyanong Kristiyano
Oktubre 2012


15:9

Pagiging Mas Kristiyanong Kristiyano

Ito ang panawagan ni Cristo sa bawat Kristiyano ngayon: “Pakanin mo ang aking mga kordero. … Pakanin mo ang aking mga tupa.”

Ano ang ibig sabihin ng maging Kristiyano?

Ang isang Kristiyano ay may pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, na Siya ang literal na Anak ng Diyos, na isinugo ng Kanyang Ama upang magdusa para sa ating mga kasalanan sa dakilang pagpapakita ng pagmamahal na alam natin bilang Pagbabayad-sala.

Ang isang Kristiyano ay naniniwala na sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak na si Jesucristo, maaari tayong magsisi, magpatawad sa iba, sumunod sa mga utos, at magmana ng buhay na walang hanggan.

Ang katagang Kristiyano ay nangangahulugan na tinataglay natin ang pangalan ni Cristo. Ginagawa natin ito sa pagpapabinyag at pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga mayhawak ng Kanyang priesthood.

Alam ng isang Kristiyano na sa buong kasaysayan, palaging pinatototohanan ng mga propeta ng Diyos si Jesucristo. Ang Jesus ding ito, kasama ang Ama sa Langit, ay nagpakita kay Propetang Joseph Smith noong 1820 at ipinanumbalik ang ebanghelyo at ang organisasyon ng Kanyang orihinal na Simbahan.

Sa pamamagitan ng banal na kasulatan at patotoo ni Joseph Smith, alam natin na ang Diyos, ang ating Ama sa Langit, ay may niluwalhati at perpektong katawang may laman at buto. Si Jesucristo ang Kanyang Bugtong na Anak sa laman. Ang Espiritu Santo ay isang personahe ng espiritu na ang gawain ay patotohanan ang Ama at ang Anak. Ang Panguluhang Diyos ay tatlong magkakahiwalay at magkakaibang nilalang, na iisa ang layunin.

Sa mga doktrinang ito na pundasyon ng ating pananampalataya, mayroon pa bang pagdududa o pagtatalo na tayo, bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay Kristiyano? Ngunit sa bawat Kristiyano, may isa pang simpleng tanong: anong klaseng Kristiyano ba tayo? Sa madaling salita, kumusta na ang pagsisikap nating sundin si Cristo?

Isipin natin ang karanasan ng dalawang disipulong Kristiyano:

“At sa paglalakad [ni Jesus] sa tabi ng dagat ng Galilea; ay nakita niya ang dalawang magkapatid, si Simon na tinatawag na Pedro, at si Andres na kaniyang kapatid, na inihuhulog ang isang lambat sa dagat; sapagka’t sila’y mga mamamalakaya.

“At sinabi niya sa kanila, Magsisunod kayo sa hulihan ko, at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.

“At pagdaka’y iniwan nila ang mga lambat, at nagsisunod sa kaniya.”1

Bilang mga Kristiyano ngayon, may pagkakataon tayong kumilos pagdaka, at kaagad, at nang may katatagan, tulad nina Pedro at Andres: “iniwan nila ang mga lambat, at nagsisunod sa kaniya.”2 Tayo man ay inuutusang iwanan ang ating mga lambat, na itakwil ang mga makamundong gawi, kaugalian, at tradisyon. Iniuutos din sa atin na talikuran ang ating mga kasalanan. “Pinalapit [ni Jesus] sa kaniya ang karamihan …, at sa kanila’y sinabi, Kung ang sinomang tao ay ibig sumunod sa akin, ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin.”3 Ang pagkakait sa ating sarili ng di-makadiyos na pag-uugali ay simula ng pagsisisi, na naghahatid ng malaking pagbabago ng puso hanggang sa tayo ay “wala nang hangarin pang gumawa ng masama.”4

Ang pagbabagong ito, na tinatawag na pagbabalik-loob, ay posible lamang sa pamamagitan ng Tagapagligtas. Nangako si Jesus: “Kung ang mga tao ay lalapit sa akin ay ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan. … At ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila.”5 Kapag tayo ay napanibago kay Cristo, magbabago ang mismong pagkatao natin at hindi na natin nanaising balikan ang dati nating pag-uugali.

Magkagayunman, ang matatapat na Kristiyano ay laging pagpapalain sa pagdanas ng mga paghihirap at kabiguan. Kapag dumating ang mga hamong ito na nagpapadalisay sa atin, maaari tayong matuksong balikan ang dati nating pag-uugali. Matapos ang Pagpapako sa Krus sa Tagapagligtas, nagpakita Siya sa kababaihan at sinabi sa kanila na makikita Siya ng kalalakihan sa Galilea. Pagbalik ni Pedro, ang nakatatandang Apostol, sa Galilea, nagbalik din siya sa gawaing alam niya—na komportable siyang gawin. “Mangingisda ako,”6 paliwanag niya, at nagsama siya ng ilang disipulo.

Tunay ngang si Pedro at ang iba pa ay nangisda buong magdamag na walang mahuling isda. Kinabukasan nagpakita si Jesus sa pampang at tinawag sila sa dagat at sinabi, “Ihulog ninyo ang lambat sa dakong kanan.” Sinunod ng mga disipulong nasa bangka ang mga tagubilin ng Tagapagligtas at agad natuklasan na himalang napuno ng mga isda ang kanilang mga lambat. Nakilala ni Juan ang tinig ng Tagapagligtas, at dagling tumalon si Pedro sa dagat at lumangoy patungong pampang.7

Sa mga Kristiyanong nagbalik sa dati nilang di-tapat na pag-uugali, isipin ang halimbawa ng katapatan ni Pedro. Huwag magpaliban. Halina’t pakinggan at kilalanin ang tinig ng Panginoon na tumatawag. At kaagad magbalik sa Kanya at muling tanggapin ang Kanyang saganang pagpapala.

Nang magbalik sa pampang ang mga kapatid, natuklasan nila ang maraming isda at tinapay. “Magsiparito kayo at mangagpawing gutom,”8 ang pag-anyaya ng Tagapagligtas. Nang pakainin Niya sila, tatlong beses Niyang tinanong si Pedro, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo baga ako?” Nang ipahayag ni Pedro ang kanyang pagmamahal, hiniling sa kanya ng Tagapagligtas, “Pakanin mo ang aking mga kordero. … Pakanin mo ang aking mga tupa.”9

Ito ang panawagan ni Cristo sa bawat Kristiyano ngayon: “Pakanin mo ang aking mga kordero. … Pakanin mo ang aking mga tupa”—ibahagi ang aking ebanghelyo sa mga bata at matatanda, na nagpapasigla, nagpapala, nagpapanatag, naghihikayat, at nagpapalakas sa kanila, lalo na sa mga yaong iba ang iniisip at pinaniniwalaan kaysa atin. Pinakakain natin ang Kanyang mga kordero sa ating tahanan sa paraan ng pamumuhay natin ng ebanghelyo: sa pagsunod sa mga utos, pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagtulad sa Kanyang pagmamahal. Pinakakain natin ang Kanyang mga tupa sa Simbahan sa paglilingkod sa mga priesthood quorum at auxiliary organization. At pinakakain natin ang Kanyang mga tupa sa buong mundo sa pagiging mabubuting Kristiyano sa ating kapwa, na ipinamumuhay ang dalisay na relihiyon sa pagbisita at paglilingkod sa mga balo, ulila sa ama, maralita, at sa lahat ng nangangailangan.

Para sa marami, ang panawagang maging isang Kristiyano ay maaaring mahirap, at malaking tungkulin. Ngunit hindi tayo dapat matakot o makadama ng kakulangan. Nangako ang Tagapagligtas na gagawin Niya tayong marapat at magagawa natin ang Kanyang gawain. “Magsisunod kayo sa hulihan ko,” ang wika Niya “at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.”10 Kapag sumunod tayo sa Kanya, bibiyayaan Niya tayo ng mga kaloob, talento, at lakas na gawin ang Kanyang kalooban, na magtutulot sa atin na gumawa ng higit pa sa mga gawaing madali para sa atin at gawin ang mga bagay na akala natin ay hindi natin magagawa. Maaaring ang kahulugan nito ay ibahagi ang ebanghelyo sa mga kapitbahay, sagipin ang mga naliligaw ng landas, magmisyon, magtrabaho sa templo, magpalaki ng anak na may mga espesyal na pangangailangan, mahalin ang alibughang anak, maglingkod sa maysakit na asawa, tiisin ang mga di-pagkakasundo, o paghihirap. Nangangahulugan ito na ihanda ang ating sarili sa pagtugon sa Kanyang panawagan at sabihing, “Saanman ako’y tutungo; nais N’yo’y bibigkasin ko; susundin ko ang utos N’yo; [magiging katulad ng nais N’yo].”11

Para maging katulad ng nais ng Ama sa Langit, sinusunod natin si Jesucristo. Pinatototohanan ko na patuloy Siyang nananawagan na sundin natin Siya. Kung ngayon lang ninyo nalaman na tapat na Kristiyano ang mga Banal sa mga Huling Araw o kung hindi kayo aktibo sa Simbahan at nagnanais na sundin Siyang muli—huwag matakot! Ang mga unang disipulo ng Tagapagligtas ay pawang mga bagong miyembro ng Simbahan, na kababalik-loob pa lang sa Kanyang ebanghelyo. Matiyagang tinuruan ni Jesus ang bawat isa sa kanila. Tinulungan Niya silang gampanan ang kanilang mga responsibilidad. Tinawag Niya silang Kanyang mga kaibigan at ibinuwis ang Kanyang buhay para sa kanila. At nagawa na rin Niya iyon para sa inyo at sa akin.

Pinatototohanan ko na sa pamamagitan ng Kanyang walang-katapusang pagmamahal at awa, maaari tayong maging mas Kristiyanung-Kristiyano. Isipin ang sumusunod na mga katangiang katulad ng kay Cristo. Ano ang ginagawa natin para mapag-ibayo ang mga ito sa ating sarili?

Pagmamahal ng Kristiyano. Pinahalagahan ng Tagapagligtas ang lahat. Mabait at mahabagin sa lahat, iniwan Niya ang siyamnapu’t siyam upang hanapin ang isang nawawala,12 dahil “maging ang mga buhok ng [ating] ulo ay … bilang”13 sa Kanya.

Pananampalataya ng Kristiyano. Sa kabila ng mga tukso, pagsubok, at pang-uusig, nagtiwala ang Tagapagligtas sa ating Ama sa Langit at piniling maging tapat at masunurin sa Kanyang mga utos.

Pagsasakripisyo ng Kristiyano. Sa buong buhay niya, ibinigay ng Tagapagligtas ang Kanyang oras, lakas, at sa huli, sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, ay ibinigay Niya ang Kanyang Sarili upang ang lahat ng anak ng Diyos ay mabuhay na mag-uli at magkaroon ng pagkakataong magmana ng buhay na walang hanggan.

Pagmamalasakit ng Kristiyano. Tulad ng mabuting Samaritano, patuloy na tumutulong ang Tagapagligtas na sagipin, mahalin, at pangalagaan ang mga tao sa Kanyang paligid, anuman ang kanilang kultura, paniniwala, o sitwasyon.

Paglilingkod ng Kristiyano. Umiigib man ng tubig sa balon, nagluluto ng makakaing isda, o naghuhugas ng maruruming paa, ginugol ng Tagapagligtas ang Kanyang mga araw sa paglilingkod sa kapwa—pinasisigla ang napapagod at pinalalakas ang mahina.

Pagtitiyaga ng Kristiyano. Sa Kanyang sariling kalungkutan at pagdurusa, naghintay ang Tagapagligtas sa tulong ng Kanyang Ama. Nagtiyaga para sa atin, matiyaga Niyang hinintay na makita natin ang tamang landas at bumalik sa Kanya.

Kapayapaan ng Kristiyano. Sa buong paglilingkod Niya hinimok Niyang magkasundo tayo at itinaguyod ang kapayapaan. Lalo sa Kanyang mga disipulo, itinuro Niya na ang mga Kristiyano ay hindi maaaring makipagtalo sa ibang mga Kristiyano, anuman ang kanilang di-mapagkasunduan.

Pagpapatawad ng Kristiyano. Itinuro Niya na pagpalain natin ang mga sumusumpa sa atin. Ipinakita Niya sa atin ang paraan nang ipagdasal Niya na mapatawad ang mga nagpako sa Kanya sa krus.

Pagbabalik-loob ng Kristiyano. Tulad nina Pedro at Andres, maraming nakauunawa sa katotohanan ng ebanghelyo sa sandaling marinig nila ito. Sila ay kaagad na nagbabalik-loob. Para sa iba maaaring mas matagal ito. Sa isang paghahayag kay Joseph Smith, itinuro ng Tagapagligtas, “Yaong sa Diyos ay liwanag; at siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw,”14 ang ganap na araw ng ating pagbabalik-loob. Si Jesucristo ang “ilaw at ang Manunubos ng sanlibutan; ang Espiritu ng katotohanan.”15

Pagtitiis ng Kristiyano hanggang wakas. Sa lahat ng araw ng Tagapagligtas, hindi Siya sumuko kailanman sa paggawa ng kalooban ng Kanyang Ama kundi nagpatuloy Siya sa kabutihan, kabaitan, awa, at katotohanan hanggang sa wakas ng Kanyang mortal na buhay.

Ito ang ilan sa mga katangian ng mga nakikinig at sumusunod sa tinig ng Tagapagligtas. Bilang isa sa Kanyang natatanging saksi sa mundo, pinatototohanan ko bilang isang Kristiyano na nananawagan Siya sa inyo ngayon, “Pumarito ka, sumunod ka sa akin.”16 Halina’t tumahak sa landas patungo sa walang-hanggang kaligayahan, kagalakan, at buhay na walang hanggan sa kaharian ng ating Ama sa Langit. Sa pangalan ni Jesucristo, na ating Tagapagligtas at Manunubos, amen.