Alam Ko Ito. Ipinamumuhay Ko Ito. Mahal Ko Ito.
Bilang mga miyembro tayo ay mga tagasunod ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Ang gayong pagbabalik-loob at kumpiyansa ay resulta ng masigasig at kusang pagkilos. Ito ay pinagsisikapan ng bawat isa. Ito ay patuloy na ginagawa.
Inspirasyon sa akin ang mga halimbawa ng mabubuting miyembro ng Simbahan, kabilang na ang mararangal na kabataan. Kayo ay matatag na umaasa sa Tagapagligtas. Kayo ay matapat, masunurin, at dalisay. Ang mga pagpapalang natanggap ninyo dahil sa inyong kabutihan ay nakaaapekto hindi lang sa buhay ninyo kundi sa akin din at sa buhay ng marami pang iba sa paraang napakatindi ngunit karaniwang hindi nababatid.
Ilang taon na ang nakararaan, nakapila ako para bumili sa tindahan sa aming lugar. Nasa unahan ko ang isang dalagita na mga 15 taong gulang. Mukha siyang masaya at may kumpiyansa sa sarili. Napansin ko ang T-shirt niya at hindi ko napigilang kausapin siya. Sabi ko, “Taga-ibang estado ka, ‘di ba?”
Nagulat siya sa tanong ko at sumagot, “Opo. Taga Colorado po ako. Paano ninyo nalaman?”
Ang sagot ko, “Dahil sa suot mong T-shirt.” Nahulaan ko nang tama dahil nabasa ko ang nakasulat sa kanyang t-shirt na “I’m a Mormon. Are you [Ako ay Mormon. Ikaw din ba]?”
Patuloy ko, “Gusto kong sabihin sa iyo na hanga ako sa kumpiyansa mo na mamukod-tangi at magsuot ng t-shirt na hayagang nagsasabi kung sino ka. Nakikita kong naiiba ka, at sana bawat kabataang babae at miyembro ng Simbahan ay may pananalig at kumpiyansang taglay mo.” Natapos na ang aming pamimili, nagpaalam sa isa’t isa at naghiwalay.
Ngunit kahit ilang linggo na ang lumipas, pinag-iisipan ko pa rin ang pangyayaring ito. Inisip ko kung paano nagkaroon ng ganoong kumpiyansa sa pagiging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang dalagitang ito na taga Colorado. Hindi ko mapigilang isipin kung ano kayang makahulugang mga salita, kung sakali man, ang pipiliin kong ipalagay sa aking t-shirt na nagpapakita ng aking paniniwala at patotoo. Marami akong naisip na kasabihang puwedeng ilagay. Sa wakas, naisip ko ang pinakamagandang mga katagang maipagmamalaki ko: “Ako ay Mormon. Alam ko ito. Ipinamumuhay ko ito. Mahal ko ito.”
Ngayon, gusto kong ituon ang aking mensahe sa hayagan, at kahika-hikayat na mga katagang ito.
Ang unang bahagi ay walang pagdududa at walang inaalintanang pagsasabi ng: “Ako ay Mormon.” Tulad ng walang takot na ipinaalam sa lahat ng dalagitang nakita ko sa tindahan na siya ay miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, sana ay hindi rin tayo matakot o mag-atubiling ipaalam na, “Ako ay Mormon.” Dapat ay magtiwala tayong tulad ni Apostol Pablo na nagsabing, “Sapagka’t hindi ko ikinahihiya ang evangelio [ni Cristo]: sapagka’t siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng bawa’t sumasampalataya.”1 Bilang mga miyembro, tayo ay mga tagasunod ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Ang gayong pagbabalik-loob at kumpiyansa ay resulta ng masigasig at kusang pagkilos. Ito ay pinagsisikapan ng bawat isa. Ito ay patuloy na ginagawa.
Ang sumunod na bahagi ay, “Alam ko ito.” Sa panahon ngayon, napakaraming aktibidad, paksa, at kinahihiligan na nagpapaligsahan sa pagkuha ng ating atensyon. Sa dami ng mga puwede nating gawin, may lakas, disipilina, at determinasyon ba tayong manatiling nakatuon sa kung ano ang pinakamahalaga? Maalam ba tayo sa mga katotohanan ng ebanghelyo gaya ng pagiging maalam natin sa eskwela, propesyon, libangan, isport, o sa pag-text at pag-tweet? Masigasig ba tayong naghahanap ng sagot sa ating mga tanong sa pamamagitan ng pagpapakabusog sa mga banal na kasulatan at mga turo ng mga propeta? Inaalam ba natin kung nakaayon tayo sa Espiritu?
Ang kahalagahan ng pagtatamo ng kaalaman ay walang hanggang alituntunin. Si Propetang Joseph Smith ay “mahilig sa kaalaman dahil sa kapangyarihang nagmumula sa mabuting paggamit nito.”2 Sabi niya: “Ang kaalaman ay kailangan sa buhay at kabanalan. … Dinggin, kayong lahat na kalalakihan, ang mahalagang susing ito: ang kaalaman ay kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan.”3
Lahat ng katotohanan at kaalaman ay mahalaga, ngunit sa kabila ng mga iba pang gusto nating gawin, ang dapat nating higit na pagtuunan ay ang pagpapalawak ng kaalaman natin sa ebanghelyo upang maunawaan natin kung paano ipamumuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo.4 Sa pagdami ng ating nalalaman, magiging kumpiyansa tayo sa ating mga patotoo at masasabing, “Alam ko ito.”
Susunod ay ang pahayag na, “Ipinamumuhay ko ito.” Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na dapat maging “tagatupad [tayo] ng salita, at huwag tagapakinig lamang.”5 Ipinamumuhay natin ang ebanghelyo at nagiging “tagatupad ng salita” kapag tayo’y sumasampalataya, sumusunod, mapagkandiling naglilingkod sa iba, at sinusunod ang halimbawa ng Tagapagligtas. Kumikilos tayo nang may integridad at ginagawa ang alam nating tama “sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar,”6 sino man ang nakatingin o hindi nakatingin sa atin.
Sa buhay natin sa mundo, walang sinumang perpekto. Kahit na pagsikapan natin nang husto ang pamumuhay ng ebanghelyo, lahat tayo ay magkakamali, at lahat tayo ay magkakasala. Malaking kapanatagan ang malamang sa pamamagitan ng nakatutubos na sakripisyo ng ating Tagapagligtas, mapapatawad tayo at malilinis na muli. Ang tunay na pagsisisi at pagpapatawad ay nagpapalakas ng ating patotoo at ng ating pagpapasiyang sundin ang mga utos ng Panginoon at mamuhay ayon sa mga pamantayan ng ebanghelyo.
Kapag iniisip ko ang mga katagang, “Ipinamumuhay ko ito,” naaalala ko ang dalagitang nakilala ko na ang pangalan ay Karigan. Isinulat niya: “Ako ay miyembro ng Simbahan mahigit isang taon na. … Para sa akin, noong nagsisiyasat pa lang ako, isang palatandaan kaya ko nalaman na ito ang tunay sa Simbahan ay dahil nagtuturo ito ng kahinhinan at mga pamantayan. Nakikita ko mismo ang nangyayari sa mga tao kapag winawalang-halaga nila ang mga utos at pinipili ang maling landas. Matagal ko nang ipinasiya na ipamuhay ang matataas na pamatayan ng moralidad. … Napakapalad ko na makita ang katotohanan at mabinyagan. Napakasaya ko.”7
Ang huling mga kataga sa aking ihahayag ay “Mahal ko ito.” Ang pagtamo ng kaalaman sa ebanghelyo ni Jesucristo at masigasig na pamumuhay ng ebanghelyo sa araw-araw ay naghihikayat sa maraming miyembro ng Simbahan na masiglang sabihing, “Mahal ko ang ebanghelyo!”
Nadarama ito kapag nadarama natin ang Espiritu Santo na nagpapatotoo sa atin na tayo ay mga anak ng ating Ama sa Langit, na inaalala Niya tayo, at tayo ay nasa tamang landas. Nag-iibayo ang pagmamahal natin sa ebanghelyo kapag nadarama natin ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ang kapayapaang ipinangako ng Tagapagligtas kapag ipinakita natin sa Kanya na handa tayong sundin Siya.
Sa iba’t ibang panahon ng ating buhay, bago man o matagal na tayong miyembro ng Simbahan, maaaring maramdaman natin na nababawasan na ang kasiglahang ito. Kung minsan nangyayari ito kapag maraming pagsubok at kailangan nating magtiis. Kung minsan nangyayari ito kapag nasa rurok tayo ng kasaganaan. Sa tuwing mararamdaman ko ito, alam kong kailangang dagdagan kong muli ang kaalaman ko sa ebanghelyo at ipamuhay ang mga alituntunin nang mas lubusan sa aking buhay.
Isa sa mga pinakaepektibo ngunit kung minsan ay mahirap ipamuhay na alituntunin ng ebanghelyo ay ang kapakumbabaan at pagsunod sa kagustuhan ng Diyos. Sa panalangin ni Cristo sa Halamanan ng Getsemani, ipinahayag Niya sa Ama, “Huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo.”8 Ito ang dapat din nating maging panalangin. Kadalasan, sa mga ganitong taimtim na pagdarasal natin nadaramang nababalot tayo ng pagmamahal ng Ama sa Langit, at ang masaya at magiliw na damdaming iyon ay muling nadarama.
Sa isang Young Women leadership meeting sa Eugene, Oregon, nagkaroon ako ng pribilehiyong makilala at makausap si Sister Cammy Wilberger. Ang ikinuwento ni Sister Wilberger sa akin ay katibayan ng lakas at pagpapala ng isang dalagitang nalalaman, ipinamumuhay, at minamahal ang ebanghelyo.
Ang 19-na taong gulang na anak ni Sister Wilberger, na si Brooke, ay namatay ilang taon na ang nakararaan habang nasa bakasyon matapos ang unang taon niya sa unibersidad. Paggunita ni Sister Wilberger, “Napakahirap at napakalungkot na panahon iyon sa aming pamilya. Gayunman, binigyan kami ni Brooke ng napakagandang regalo. Hindi namin napansin ito sa kanyang paglaki, ngunit bawat taon at sandali ng maikli niyang buhay, ibinigay ni Brooke ang pinakamagandang regalong maibibigay ng isang anak sa kanyang mga magulang. Si Brooke ay mabuting anak ng Diyos. … Dahil sa regalong ito at lalo na sa nakapagpapalakas na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala, nagkaroon ako ng lakas, kapanatagan, at ng pangakong kapayapaan ng Tagapagligtas. Alam ko kung nasaan si Brooke ngayon at inaasam ko ang matamis naming pagkikitang-muli.”9
Pinatototohanan ko ang dakilang plano ng walang hanggang kaligayahan ng Ama sa Langit. Alam ko na kilala at mahal Niya tayo. Alam ko na naghanda Siya ng isang propeta, si Pangulong Thomas S. Monson, upang himukin at gabayan tayo na makabalik sa Kanya. Dalangin ko na magsisikap tayo upang may kumpiyansa nating masabi na, “Ako ay Mormon. Alam ko ito. Ipinamumuhay ko ito. Mahal ko ito.” Mapagkumbaba kong sinasabi ang mga bagay na ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.