“Sapagka’t Ako’y Nabubuhay, ay Mangabubuhay Rin Naman Kayo”
Dahil sa Kanya, ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo, ang mga pagdurusa, lungkot, at kawalan ng pag-asa ay papawiing lahat balang araw kapalit ang ganap na kagalakan.
Noong mga missionary pa kami sa Chile, nakilala namin ng kompanyon ko ang isang pamilya sa branch na may limang anak. Nagsisimba linggu-linggo ang ina kasama ang kanyang mga anak. Inakala naming matagal na silang miyembro ng Simbahan. Makaraan ang ilang linggo nalaman namin na hindi pa sila nabinyagan.
Kaagad kaming nakipag-ugnayan sa pamilya at itinanong namin kung maaari namin silang puntahan sa bahay at turuan. Hindi interesado ang ama na malaman ang tungkol sa ebanghelyo pero hindi naman siya tutol sa pagtuturo namin sa kanyang pamilya.
Mabilis na natutuhan ni Sister Ramirez ang mga lesson. Gustung-gusto niyang malaman ang lahat ng doktrinang itinuturo namin. Isang gabi nang tinatalakay namin ang pagbibinyag sa sanggol, itinuro namin na ang mga bata ay walang kasalanan at hindi kailangang binyagan. Inanyayahan namin siyang basahin sa Aklat ni Moroni ang:
“Masdan, sinasabi ko sa iyo na ituro mo ang bagay na ito—pagsisisi at pagbibinyag sa mga yaong may pananagutan at may kakayahang gumawa ng kasalanan; oo,turuan ang mga magulang na sila ay kinakailangang magsisi at magpabinyag, at magpakumbaba ng kanilang sarili katulad ng kanilang maliliit na anak, at silang lahat ay maliligtas kasama ng kanilang maliliit na anak.
“At ang kanilang maliliit na anak ay hindi nangangailangan ng pagsisisi, ni ng binyag. Masdan, ang binyag ay tungo sa pagsisisi sa katuparan ng mga kautusan para sa kapatawaran ng mga kasalanan.
“Subalit ang maliliit na bata ay buhay kay Cristo, maging mula pa sa pagkakatatag ng daigdig; kung hindi gayon, ang Diyos ay isang may pagkiling na Diyos, at isa ring pabagu-bagong Diyos, at may pagtatangi sa mga tao, sapagka’t kayraming maliliit na bata ang mga nangamatay nang walang binyag!”1
Pagkabasa ng talatang ito, nagsimulang humikbi si Sister Ramirez. Nagtaka kami ng kompanyon ko. Itinanong ko, “Sister Ramirez, may nasabi po ba kami o ginawa na nakasakit ng damdamin ninyo?”
Sabi niya, “Naku, wala, Elder, wala kayong ginawang mali. Anim na taon na ang nakalipas, mayroon kaming anak na lalaki. Namatay siya nang hindi namin napabinyagan. Sinabi sa amin ng pari na dahil hindi siya nabinyagan, walang hanggan siyang mamamalagi sa limbo. Sa loob ng anim na taon dala-dala ko ang sakit at panunurot ng budhi dahil diyan. Pagkabasa ko ng talatang ito, alam ko sa kapangyarihan ng Espiritu Santo na ito ay totoo. Dama kong nawala ang mabigat na pasanin ko, at naiiyak ako dahil sa tuwa.”
Naaalala ko ang mga itinuro ni Propetang Joseph Smith tungkol sa nakapagpapanatag na doktrinang ito: “Maraming taong kinukuha ang Panginoon, kahit mga sanggol pa lamang, upang matakasan nila ang mga inggit ng mga tao, at ang kalungkutan at kasamaan ng daigdig ngayon; napakadalisay nila, napakaganda, para mamuhay sa mundo; samakatwid, kung tutuusin, sa halip na magdalamhati ay may dahilan tayong magalak dahil naligtas sila sa kasamaan, at hindi magtatagal at maaangkin natin silang muli.”2
Matapos pagdusahan ang halos di-makayanang pighati at pasakit nang anim na taon, ang totoong doktrina, na inihayag ng mapagmahal na Ama sa Langit sa pamamagitan ng kanyang buhay na propeta, ay nagdulot ng kapanatagan sa nagdadalamhating inang ito. Mangyari pa, si Sister Ramirez at kanyang mga anak na walong taong gulang at pataas ay nabinyagan.
Naaalala kong isinulat ko sa aking pamilya ang pasasalamat ko dahil nalaman ko ito gayundin ang marami pang ibang malinaw at mahalagang mga katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Hindi ko inakala na ang napakaganda at totoong alituntuning ito ay tutulong sa akin sa hinaharap at magsisilbing balsamo ng Galaad sa akin.
Gusto kong magsalita sa mga namatayan ng anak at nagtatanong ng, “Bakit ako?” o kaya ay pinanghinaan ng pananampalataya sa mapagmahal na Ama sa Langit. Dalangin ko na sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, makapagbigay ako ng kahit kaunting pag-asa, kapanatagan, at pag-unawa. Nais kong maging kasangkapan sa pagbabalik ng inyong pananampalataya sa ating mapagmahal na Ama sa Langit, na nakaaalam ng lahat ng bagay at hinahayaan tayong makaranas ng mga pagsubok upang makilala at mahalin natin Siya at maunawaan na kung hindi sa Kanya ay wala tayong halaga.
Noong ika-4 ng Pebrero ng 1990, isinilang ang pangatlo naming anak na lalaki at pang-anim na anak. Pinangalanan namin siyang Tyson. Nakatutuwa siyang sanggol, at masaya at sabik siyang sinalubong ng buong pamilya. Ipinagmamalaki siya ng kanyang mga kapatid. Inisip naming lahat na siya ang pinakaperpektong bata na isinilang sa mundo.
Noong si Tyson ay walong buwang gulang, nakalulon siya ng chalk na nakita niya sa carpet. Bumara ang chalk sa lalamunan ni Tyson, at hindi siya makahinga. Ipinanhik si Tyson ng kanyang kuya, na natatarantang sumigaw ng, “Hindi humihinga si baby. Hindi humihinga si baby.” Binigyan namin siya ng CPR at tinawagan ang 911.
Dumating ang mga paramedic at isinugod si Tyson sa ospital. Sa waiting room patuloy kaming nagdasal nang taimtim, nagsusumamo ng himala sa Diyos. Matapos ang tila napakatagal na paghihintay, pumasok ang doktor sa silid at sinabi, “Ikinalulungkot ko. Wala na kaming magagawa pa. Maiwan ko muna kayo.” Pagkatapos ay umalis na siya.
Nang pumasok kami sa silid na kinahihimlayan ni Tyson, nakita naming wala nang buhay ang aming pinakamamahal. Parang may sinag ng langit na nakapalibot sa kanyang munting katawan. Maaliwalalas ang kanyang anyo at napakadalisay.
Nang sandaling iyon pakiramdam ko ay katapusan na ng mundo. Paano namin babalikan ang iba pa naming anak at sasabihing hindi na uuwi si Tyson?
Magsasalita ako mula sa sarili kong pananaw habang ikinukuwento ang karanasang ito. Magkasama naming hinarap ng aking mabait na asawa ang pagsubok na ito, ngunit hindi ko sapat na mailalarawan ang damdamin ng isang ina at ni hindi ko susubukang gawin.
Imposibleng ilarawan ang magkahalong damdamin na nadama ko sa sandaling iyon ng aking buhay. Halos lagi kong iniisip na bangungot lang ito at magigising din ako at matatapos ang kalunus-lunos na bangungot na ito. Maraming gabing hindi ako makatulog. Madalas akong nagpapalipat-lipat sa mga silid para matiyak na ligtas ang lahat ng aming mga anak.
Patuloy akong binagabag ng aking budhi. Parang napakasama ko. Sinisi ko ang sarili ko. Ako ang kanyang ama; dapat ay mas naprotektahan ko siya. Sana ay ganito o ganoon ang ginawa ko. Kung minsan kahit ngayon, matapos ang 22 taon, bumabalik-balik pa rin ang mga ganoong pakiramdam, at kailangan ko itong labanan dahil makapagpapahirap ito sa akin.
Mga isang buwan mula nang mamatay si Tyson, kinausap ako ni Elder Dean L. Larsen. Nag-ukol siya ng panahon na pakinggan ako, at pasasalamatan ko kailanman ang kanyang payo at pagmamahal. Sabi niya, “Naniniwala ako na hindi gusto ng Panginoon na parusahan mo ang sarili mo sa pagkamatay ng iyong anak.” Nadama ko ang pagmamahal ng aking Ama sa Langit sa pamamagitan ng isa sa Kanyang mga piling tagapaglingkod.
Gayunpaman, hindi pa rin nawala sa isip ko ang sakit, at di-naglaon nakadama na ako ng galit. “Hindi ito makatarungan! Paanong nagawa ito ng Diyos sa akin? Bakit ako? Ano ang nagawa ko para danasin ito?” Nagalit pa ako sa mga tao na ang gusto lang naman ay aluin kami. Naaalala kong sinasabi ng mga kaibigan, “Alam ko ang nararamdaman mo.” Sa isip ko, “Hindi mo alam ang nararamdaman ko. Hayaan mo na lang ako.” Nalaman ko kalaunan na nakapanghihina rin ang maawa sa sarili. Nahihiya ako sa sarili ko na napag-isipan ko nang hindi maganda ang mababait na kaibigang gusto lang namang tumulong.
Nang napuno na ako ng paninisi, galit, at awa sa sarili, ipinagdasal ko na mabago ang aking saloobin. Sa napakapersonal na sagradong mga karanasan, binigyan ako ng Panginoon ng bagong damdamin, at kahit naroon pa rin ang lungkot at sakit, nabago ang buong pananaw ko. Ipinaalam sa akin na walang inagaw sa akin at sa halip ay may dakilang pagpapalang naghihintay sa akin kung ako ay magiging matapat.
Nagsimulang mabago ang buhay ko, at nagawa kong umasam nang may pag-asa, sa halip na balikan ang nakaraan nang may pagdadalamhati. Pinatototohanan ko na hindi sa buhay na ito natatapos ang lahat. Ang daigdig ng mga espiritu ay totoo. Ang mga turo ng mga propeta tungkol sa kabilang buhay ay totoo. Ang buhay na ito ay pansamantala lamang nating daraanan pabalik sa ating Ama sa Langit.
Si Tyson ay nananatiling napakahalagang bahagi ng aming buhay. Sa paglipas ng mga taon napakasayang madama ang awa at kabaitan ng mapagmahal na Ama sa Langit, na tinulutan ang aming pamilya na madama at makita nang lubos ang impluwensya ni Tyson. Pinatototohanan ko na manipis lang ang tabing. Ang katapatan, pagmamahal, at pagkakaisa ng pamilya ay hindi natatapos sa pagkamatay ng ating mahal sa buhay; bagkus, lalong umiigting ang mga damdaming ito.
Kung minsan ay itinatanong ng mga tao, “Gaano katagal bago tuluyang napawi ang pagdadalamhati ninyo?” Ang totoo, hindi tuluyang mawawala ang dalamhati hangga’t hindi ninyo nakakasamang muli ang mga pumanaw ninyong mahal sa buhay. Hindi ako kailanman magkakaroon ng ganap na kagalakan hanggang sa magkasama kaming muli sa umaga ng Unang Pagkabuhay na Mag-uli.
“Sapagka’t ang tao ay espiritu. Ang mga elemento ay walang hanggan, at ang espiritu at elemento, hindi mapaghihiwalay ang kaugnayan, ay tatanggap ng ganap na kagalakan;
“At kapag magkahiwalay, ang tao ay hindi makatatanggap ng ganap na kagalakan.”3
Ngunit sa ngayon, tulad ng itinuro ng Tagapagligtas, makapagpapatuloy tayo nang may lakas ng loob.4
Natutuhan ko na ang pinakamapait, halos hindi makayanang pasakit ay magiging napakatamis kung babaling kayo sa inyong Ama sa Langit at hilingin ang Kanyang kaaliwang nagmumula sa Kanyang plano; sa Kanyang Anak, si Jesucristo; at sa Kanyang Mang-aaliw, ang Espiritu Santo.
Napakadakilang pagpapala ito sa ating buhay. Hindi ba’t kalunus-lunos kung hindi natin madama ang malaking kalungkutan kapag namatayan tayo ng anak? Lubos ang pasasalamat ko sa aking Ama sa Langit dahil hinayaan Niyang magmahal tayo nang taos-puso at walang hanggan. Nagpapasalamat ako na walang hanggan ang mga pamilya. Nagpapasalamat ako na ipinahayag niyang muli sa pamamagitan ng Kanyang buhay na mga propeta ang dakilang plano ng pagtubos.
Alalahanin ninyo nang ilibing ang inyong minamahal ang naramdaman ninyo habang paalis kayo sa sementeryo at lumingon para tingnan muli ang nag-iisang kabaong na iyon—winawari na parang sasabog ang puso ninyo.
Pinatototohanan ko na dahil sa Kanya, ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo, ang mga pagdurusa, lungkot, at kawalan ng pag-asa ay papawiing lahat balang araw kapalit ang ganap na kagalakan. Pinatototohanan ko na makaaasa tayo sa Kanya at nang sabihin Niya:
“Hindi ko kayo iiwang magisa: ako’y paririto sa inyo.
“Kaunti pang panahon, at hindi na ako makikita ng sanglibutan; nguni’t inyong makikita ako: Sapagka’t ako’y nabubuhay, ay mangabubuhay rin naman kayo.”5
Pinatototohanan ko, tulad ng sabi sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, “sa pag-asa natin sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, matutulungan Niya tayo na tiisin ang ating mga pagsubok, karamdaman, at sakit. Mapupuspos tayo ng galak, kapayapaan, at kaaliwan. Lahat ng di-makatarungan sa buhay ay naiwawasto sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”6
Pinatototohanan ko na sa maliwanag at maluwalhating umaga ng Pagkabuhay na Mag-uli, ang ating mga mahal sa buhay ay babangong muli mula sa libingan tulad ng ipinangako ng Panginoon at tayo ay magkakaroon ng ganap na kagalakan. Dahil siya ay buhay, sila at tayo ay mabubuhay ring muli. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.