2010–2019
Pagiging Butihing mga Magulang
Oktubre 2012


2:3

Pagiging Butihing mga Magulang

Napakaraming paraan para makatanggap ng tulong at suporta ang butihing mga magulang na kailangan nila para maituro ang ebanghelyo ni Jesucristo sa kanilang mga anak.

Sumapit ang espesyal at napakahalagang pangyayari sa buhay ko nitong tag-init—ipinagdiwang ko ang aking ika-90 kaarawan. Kapag sumapit kayo sa napakahahalagang pangyayari sa inyong buhay, makatutulong at makapagpapasigla na pagmuni-munihin ang lumipas na mga kaganapan at karanasan. Kayong mga kabataan na nakikinig o nagbabasa ng mensaheng ito maaaring walang gaanong epekto sa inyo na umabot ng 90 anyos ang isang tao, ngunit noong kapanahunan ko, ang umabot sa ganitong edad ay isa nang malaking tagumpay. Araw-araw nagpapasalamat ako sa Ama sa Langit na biniyayaan Niya ako ng mahabang buhay.

Napakarami nang nagbago sa buong buhay ko. Nakita ko ang pag-unlad ng industriya at teknolohiya. Ang napakaraming nilikhang mga sasakyan at telepono at eroplano ay magagandang imbensyon noong kabataan ko. Ngayon halos araw-araw ay nagbabago ang paraan ng ating paghahanap, pagbabahagi, at paggamit ng impormasyon. Sa edad kong ito namamangha ako sa mabilis na pagbabago sa mundong ating ginagalawan. Napakarami sa mga imbensyon ngayon ang nakasisigla sa imahinasyon dahil sa potensyal nitong mapagbuti pa ang ating buhay.

Sa lahat ng mabilis na pagbabagong ito sa ating paligid, taimtim tayong nagdarasal at nagsisikap para matiyak na mananatili ang mga pinahahalagahan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ilan na sa mga ito ang nanganganib na mawala. Unang-una na sa mga pinahahalagahang ito at, samakatwid, ang mga pangunahing pinupuntirya ng kaaway, ay ang kasagraduhan ng kasal at malaking kahalagahan ng mga pamilya. Ang mga ito ay naglalaan ng matatag at ligtas na tahanan kung saan bawat anak ng mapagmahal na Ama sa Langit ay maiimpluwensyahan sa kabutihan at magkakaroon ng mga walang-hanggang pinahahalagahan.

Ang sarili kong pamilya, na umaasam sa pagdiriwang ng aking ika-90 kaarawan, ay sinimulan akong tulungang maalala at mapahalagahan ang mga karanasan ng mahaba kong buhay. Halimbawa, tinipon at ibinahagi sa akin ng aking pamangkin ang ilang liham na isinulat ko sa aking mga magulang halos 70 taon na ang nakararaan mula sa marine outpost ko sa pulo ng Saipan sa Pacific noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Natuon ang pansin ko sa isa sa mga liham na ito. Isang liham iyon na isinulat ko sa aking ina para buksan at basahin niya sa Mother’s Day noong 1945. Gusto kong ikuwento ang ilang bahagi nito sa pag-asang makita ninyo kung bakit walang hanggan ang pasasalamat ko sa aking mapagmahal na ama’t ina sa mga natutuhan ko mula sa mga itinuro nila sa aming pamilya. Ang aking mga magulang ang itinuturing kong pinakamabuting halimbawa ng butihing mga magulang na inuna ang kanilang pamilya at wastong pagpapalaki sa mga anak.

Nagsimula ang liham ko noong Mother’s Day ng 1945 sa:

“Mahal kong Inay,

“Nitong huling apat na taong nagdaan lungkot na lungkot akong magdiwang ng Mother’s Day na malayo sa inyo. Bawat taon ninais kong makasama kayo at masabi sa inyo kung gaano ko kayo kamahal at naaalala, ngunit dahil imposible na naman itong mangyari, kailangan kong gawin ang susunod na pinakamabuting gawin at isulat sa inyo ang mga nasa isipan ko.

“Ngayong taon lalo kong natanto kung gaano ako kapalad sa pagkakaroon ng mabuting ina. Una sa lahat, naaalala ko ang maliliit na bagay na dati ninyong ginagawa para sa akin. Tuwing gigising ako sa umaga, hindi ko kailangang mag-alala kailanman kung may isusuot akong malinis na kamiseta at medyas. Ang kinailangan ko lang gawin ay buksan ang isang drawer, at naroon ang mga iyon. Sa hapag-kainan alam ko na lagi akong makakakita ng pagkaing gusto ko, na napakasarap ng pagkaluto. Sa gabi alam ko na lagi kong makikitang malinis ang kubrekama sa higaan ko at may sapat na kumot para maging komportable ang pagtulog ko. Talagang malaking kasiyahang tumira sa isang tahanan.”

Nang mabasa ko ang unang dalawang talata ng liham na ito, nagulat ako dahil napakasentimental nito. Marahil ang pagtira sa isang tolda at pagtulog nang nakakulambo sa isang tiheras sa kampo ang nagpaalala sa akin sa napakaespesyal naming tahanan.

Sabi ko pa sa liham ko sa aking ina:

“Ngunit higit ko kayong naaalala dahil sa ipinakita ninyong halimbawa sa akin. Naging napakasaya ng buhay ng ating pamilya kaya ninais naming sundan ang inyong halimbawa, upang patuloy naming maranasan ang kagalakan namin noong mga bata pa kami. Lagi kayong may oras na ipasyal ang pamilya, at lagi namin kayong naaasahang gawin ang anumang bagay mula sa pag-akyat ng bundok hanggang sa pakikipaglaro ng bola sa amin. Hindi kayo nagbakasyon ni Itay nang kayo lang. Lagi ninyong kasama ang buong pamilya. Ngayong malayo ako sa inyo, gusto kong pag-usapan palagi ang buhay ko sa piling ninyo dahil napakasaya nito. Hindi ko mababalewala ngayon ang mga turo ninyo dahil iisipin ng iba na hindi ninyo ako napalaki nang maayos. Malaking hamon sa buhay ko ang maging karapat-dapat na matawag na anak ni Nora Sonne Perry. Ipinagmamalaki kong matawag na anak ninyo, at sana ay lagi akong maging karapat-dapat dito.

“Sana sa susunod na taon makasama ko na kayo para maipasyal ko kayo sa Mother’s Day na matagal ko nang planong gawin nitong nakalipas na apat na taon.

“Nawa’y pagpalain kayo ng Panginoon sa lahat ng magagandang bagay na nagawa ninyo sa magulong mundong ito.

“Lubos na nagmamahal, Tom”1

Nang muli kong basahin ang aking liham, pinag-isipan ko rin ang kultura ng pamilya, ward, stake, at komunidad na kinalakhan ko.

Ang kahulugan ng kultura ay ang paraan ng pamumuhay ng tao. May natatanging kultura ng ebanghelyo, isang grupo ng mga pinahahalagahan at inaasahan at kaugalian na karaniwan sa lahat ng miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang kulturang ito ng ebanghelyo, o paraan ng pamumuhay, ay nagmumula sa plano ng kaligtasan, sa mga kautusan ng Diyos, at mga turo ng mga buhay na propeta. Ito ay nakikita sa paraan ng pangangalaga natin sa ating pamilya at sa pamumuhay ng bawat isa.

Ang unang tagubilin kay Adan para sa kanyang responsibilidad sa buhay ay matatagpuan sa Genesis 2:24: “Kaya’t iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ang kaniyang ina, at makikipisan sa kaniyang asawa: at sila’y magiging isang laman.”

Ang pagsasama ng isang lalaki at isang babae na legal na ikinasal ayon sa batas ay hindi lamang paghahanda sa darating na mga henerasyon para manahin ang lupa, kundi nagdudulot din ito ng napakalaking kagalakan at kasiyahang matatagpuan sa buhay na ito. Ito ay totoo lalo na kapag ipinahayag ng mga kapangyarihan ng priesthood na ang kasal ay para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Ang mga batang isinilang sa gayong mga kasal ay may katiyakang hindi matatagpuan saanman.

Ang mga itinuturo sa tahanan ng butihing mga magulang ay lalong nagiging mahalaga sa mundo sa panahong ito, kung saan napakalaganap ng impluwensya ng kaaway. Tulad ng alam natin, tinatangka niyang pabagsakin at wasakin ang pinakapundasyon ng lipunan—ang pamilya. Sa tuso at patagong mga paraan, inaatake niya ang katapatan sa pamilya sa buong mundo at pinarurupok ang kultura at mga tipan ng matatapat na Banal sa mga Huling Araw. Dapat ipasiya ng mga magulang na ang pagtuturo sa tahanan ay isang napakasagrado at mahalagang responsibilidad. Kahit ang ibang mga institusyon, tulad ng simbahan at paaralan, ay makatutulong sa mga magulang na “turuan … ang bata sa daan na dapat niyang lakaran” (Mga Kawikaan 22:6), ang responsibilidad na ito ay talagang nakaatang sa balikat ng mga magulang. Ayon sa dakilang plano ng kaligayahan, butihing mga magulang ang pinagkatiwalaan sa pangangalaga at pag-unlad ng mga anak ng Ama sa Langit.

Sa malaking responsibilidad natin bilang mga magulang, napakaraming paraan para makatanggap ng tulong at suporta ang butihing mga magulang na kailangan nila para maituro ang ebanghelyo ni Jesucristo sa kanilang mga anak. Magmumungkahi ako ng limang bagay na magagawa ng mga magulang para magkaroon ng mas matatag na kultura ng pamilya:

Una, maaaring manalangin nang taimtim ang mga magulang, na humihiling sa Amang Walang Hanggan na tulungan silang mahalin, unawain, at gabayan ang mga anak na ibinigay Niya sa kanila.

Ikalawa, maaari silang manalangin bilang pamilya, mag-aral ng mga banal na kasulatan, at magdaos ng mga family home evening at kumain nang sabay-sabay nang madalas hangga’t maaari, na ginagawa itong pagkakataon para mag-usap-usap at magturo ng kagandahang-asal.

Ikatlo, maaaring lubos na makinabang ang mga magulang sa organisasyon ng Simbahan, na kinakausap ang mga Primary teacher, lider ng mga kabataan, at presidency ng klase at korum ng kanilang mga anak. Sa pakikipag-usap sa mga tinawag at itinalagang tumulong sa kanilang mga anak, makauunawa ang mga magulang sa espesyal at partikular na mga pangangailangan ng isang anak.

Ikaapat, ang mga magulang ay maaaring magbahagi ng patotoo nang madalas sa kanilang mga anak, turuan silang sundin nang tapat ang mga utos ng Diyos, at ipangako ang mga pagpapalang ipinangako ng ating Ama sa Langit sa Kanyang matatapat na anak.

Ikalima, maitatatag natin ang ating pamilya batay sa malilinaw at simpleng patakaran at inaasahan ng pamilya, mabubuting tradisyon at aktibidad, at “kabuhayan ng pamilya,” kung saan ang mga anak ay binibigyan ng mga responsibilidad sa bahay at maaaring kumita para matuto silang magbadyet, mag-impok, at magbayad ng ikapu sa perang kinita nila.

Ang mga mungkahing ito sa pagkakaroon ng mas matatag na mga kultura ng pamilya ay nakatutulong sa kultura ng Simbahan. Ang napatatag na mga kultura ng ating pamilya ay magiging proteksyon sa ating mga anak mula sa “nag-aapoy na sibat ng kaaway” (1 Nephi 15:24) na nakaakibat sa kultura ng kanilang mga kaedad, sa mga kultura ng libangan at ng tanyag na mga tao, ng mga papuri at inaakalang karapatan, at ng Internet at media kung saan sila laging nakalantad. Tutulungan ng matatatag na kultura ng pamilya ang ating mga anak na mamuhay sa sanlibutan at hindi maging “taga sanglibutan” (Juan 15:19).

Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith: “Tungkulin ng mga magulang na ituro sa kanilang mga anak ang nakapagliligtas na mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo, nang sa gayo’y malaman nila kung bakit kailangan silang mabinyagan at magkaroon ng tapat na hangarin na magpatuloy sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos matapos silang mabinyagan, nang sila ay makabalik sa kanyang piling. Gusto ba ninyo, butihin kong mga kapatid, ang inyong pamilya, ang inyong mga anak; gusto ba ninyong mabuklod sa inyong mga ama at ina na nauna sa inyo … ? Kung gayon, dapat ninyong simulan ang pagtuturo habang bata pa sila. Turuan ninyo sila sa pamamagitan ng halimbawa at tuntunin.”2

Nakasaad sa pagpapahayag tungkol sa pamilya:

“Ang mag-asawa ay may banal na tungkuling mahalin at kalingain ang bawat isa at ang kanilang mga anak. ‘Ang mga anak ay mana na mula sa Panginoon’ (Mga Awit 127:3). Ang mga magulang ay may banal na tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan, maglaan para sa kanilang pisikal at espirituwal na mga pangangailangan, turuan silang magmahal at maglingkod sa isa’t isa, sundin ang mga kautusan ng Diyos at maging masunurin sa batas saanman sila naninirahan. …

“… Sa plano ng Diyos, ang mga ama ang mangungulo sa kanilang mga mag-anak sa pagmamahal at kabutihan at ang may tungkuling maglaan ng mga pangangailangan sa buhay at kaligtasan ng kanilang mga mag-anak. Ang mga ina ang may pangunahing tungkulin na mag-aruga ng kanilang mga anak. Sa mga banal na tungkuling ito, ang mga ama at ina ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan.”3

Naniniwala ako na plano ng Diyos na bigyang-diin sa tungkulin ng ina ang pag-aaruga at pagtuturo sa susunod na henerasyon. Ngunit magandang makita na magkatuwang ang mga mag-asawa sa pagpapalaki sa mga anak at pinagsasama ang kanilang impluwensya at epektibong pinag-uusapan at kinakausap ang kanilang mga anak.

Ang matinding pagsalakay ng kasamaan sa ating mga anak ay mas tuso at hayagan kaysa noon. Ang pagkakaroon ng mas matatag na kultura ng pamilya ay nagdaragdag ng proteksyon sa ating mga anak, at napapangalagaan sila mula sa mga impluwensya ng mundo.

Pagpalain kayong butihing mga ina at ama sa Sion. Ipinagkatiwala Niya sa inyong pangangalaga ang Kanyang mga walang-hanggang anak. Bilang mga magulang katuwang tayo, at kaisa, ng Diyos, sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain at kaluwalhatian sa Kanyang mga anak. Sagradong tungkulin natin ang gawin ang lahat ng ating makakaya. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Liham ni L. Tom Perry sa kanyang ina noong Mother’s Day, mula sa Saipan, na may petsang Mayo 3, 1945.

  2. Joseph Fielding Smith, sa Conference Report, Okt. 1948, 153.

  3. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.