Maging Sabik sa Paggawa
Nangyayari ang mga dakilang bagay at gumagaan ang mga pasanin sa pagsisikap ng maraming kamay na “sabik sa paggawa ng mabuting bagay.”
Elder Perry, palagay ko ikaw ang pinakabatang 90-taong-gulang sa buong Simbahan. Napansin ninyo kung paano siya tumayo mula sa kanyang upuan.
Mahal kong mga kapatid, tuwing kakain ako ng bagong pitas na hinog na kamatis o hinog at makatas na peach, nagugunita ko na 60 taon na ang nakararaan ay may maliit na peach orchard ang aking ama sa Holladay, Utah. Naglagay siya ng mga bahay-pukyutan doon para malagyan ng polen ang mga usbong ng peach na kalauna’y magiging malalaki at masasarap na peach.
Minahal ni Itay ang mababait niyang pukyutan at namangha sa paraan ng pagtutulungan ng libu-libo nito upang ang nektar na natipon mula sa mga usbong ng peach ay maging matatamis na ginintuang pulot—isa sa mga pagkain ng kalikasan na nakalulusog. Katunayan, sinasabi sa atin ng mga nutritionist na isa ito sa mga pagkaing naroon ang lahat ng sustansya—mga enzyme, bitamina, mineral, at tubig—na kailangan para mabuhay.
Lagi akong pinatutulong ng aking ama sa ginagawa niya sa kanyang mga bahay-pukyutan, pero tuwang-tuwa akong hayaan siyang mag-alaga sa kanyang mga bubuyog. Gayunman, simula noon, marami pa akong natutuhan tungkol sa napaka-organisadong bahay-pukyutan—isang kolonya ng 60,000 bubuyog.
Ang mga pukyutan ay masipag magdala ng polen, manguha ng nektar, at gawin itong pulot. Ang pagkahumaling nilang gawin ito ay likas na katangiang bigay sa kanila ng ating Lumikha. Tinatayang para makagawa ng isang libra (0.45 kg) na pulot, kailangang sama-samang puntahan ng 20,000 hanggang 60,000 bubuyog sa karaniwang bahay-pukyutan ang milyun-milyong bulaklak at liparin nila ang katumbas ng dalawang beses na pag-ikot sa mundo. Sa maikling buhay nito na iilang linggo hanggang apat na buwan lamang, ang kontribusyong pulot ng iisang pukyutan sa bahay nito ay 1/12 lamang ng isang kutsarita.
Kahit tila kakatiting kumpara sa kabuuan, ang 1/12 ng isang kutsaritang pulot na bigay ng bawat bubuyog ay mahalaga sa ikatatagal ng bahay-pukyutan. Ang mga bubuyog ay umaasa sa isa’t isa. Ang trabahong mahirap para sa iilang bubuyog ay gumagaan dahil tapat na ginagawa ng lahat ng bubuyog ang kanilang bahagi.
Ang bahay-pukyutan ay mahalagang simbolo ng kasaysayan ng ating Simbahan noon pa man. Nalaman natin sa Aklat ni Mormon na nagdala ng mga pukyutan ang mga Jaredita (tingnan sa Eter 2:3) nang maglakbay sila patungong mga lupain ng Amerika libu-libong taon na ang nakararaan. Pinili ni Brigham Young ang bahay-pukyutan bilang simbolo para hikayatin at pasiglahin ang pagtutulungang kailangan ng mga pioneer upang ang disyertong nakapaligid sa Great Salt Lake ay maging mayamang lambak na mayroon tayo ngayon. Tayo ang nakikinabang sa kanilang sama-samang pananaw at kasipagan.
Ang simbolo ng bahay-pukyutan ay makikita kapwa sa loob at labas ng maraming templo natin. Ang podium na kinatatayuan ko ay yari sa kahoy ng punong walnut na lumaki sa likod-bahay ni Pangulong Gordon B. Hinckley at nagagayakan ng inukit na imahe ng mga bahay-pukyutan.
Lahat ng simbolismong ito ay patunay sa isang katotohanan: nangyayari ang mga dakilang bagay at gumagaan ang mga pasanin sa pagsisikap ng maraming kamay na “sabik sa paggawa ng mabuting bagay” (D at T 58:27). Isipin ang magagawa ng milyun-milyong Banal sa mga Huling Araw sa mundo kung kikilos tayo na parang bahay-pukyutan habang nakatuon ang ating pansin at lubos ang katapatan natin sa mga turo ng Panginoong Jesucristo.
Itinuro ng Tagapagligtas na ang una at dakilang utos ay:
“Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo. …
“At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.
“Sa dalawang utos na ito’y nauuwi ang buong kautusan, at ang mga propeta” (Mateo 22:37, 39–40).
Ang mga salita ng Tagapagligtas ay simple, ngunit ang kahulugan nito ay malawak at napakahalaga. Dapat nating mahalin ang Diyos at mahalin at pangalagaan ang ating kapwa tulad sa ating sarili. Isipin kung anong buti ang magagawa natin sa mundo kung magsasama-sama tayo, magkakaisa bilang mga disipulo ni Cristo, sabik at abalang tumutugon sa mga pangangailangan ng iba at naglilingkod sa mga nakapaligid sa atin—sa ating pamilya, mga kaibigan, kapitbahay, kababayan.
Sabi nga sa Sulat ni Santiago, paglilingkod ang mismong kahulugan ng dalisay na relihiyon (tingnan sa Santiago 1:27).
Nababasa natin ang paglilingkod ng mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo at lalo na ang paglilingkod sa mga tao tuwing may krisis—mga sunog at baha at bagyo at buhawi. Ang kailangang-kailangan at napakahalagang pagtugon na ito sa emergency ay talagang dapat magpatuloy bilang paraan ng pagpasan ng pasanin ng isa’t isa. Pero paano naman ang buhay natin sa araw-araw? Ano ang kabuuang epekto ng milyun-milyong mumunting pagkakawanggawa natin araw-araw dahil sa taos na pagmamahal natin sa iba bilang Kristiyano? Sa paglipas ng panahon mapagbabago nito ang lahat ng anak ng ating Ama sa Langit sa pagpapaabot ng Kanyang pagmamahal sa kanila sa pamamagitan natin. Higit kailanman kailangan ng magulong mundong ito ang pag-ibig ni Cristo ngayon, at mas kakailanganin pa nila ito sa darating na mga taon.
Ang simple at araw-araw na paglilingkod ay maaaring tila hindi naman gayon kalaki, ngunit kapag pinagsama-sama ay nagiging parang 1/12 ng isang kutsaritang pulot na iniambag ng isang bubuyog sa bahay-pukyutan. May kapangyarihan ang pagmamahal natin sa Diyos at sa Kanyang mga anak, at kapag ang pagmamahal na iyon ay nakita sa milyun-milyong paggawa ng kabutihan ng Kristiyano, mapapabuti at pangangalagaan nito ang mundo sa pamamagitan ng nagbibigay-buhay na nektar ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa.
Ano ang kailangan nating gawin para maging katulad ng matatapat na pukyutan at maging bahagi ng ating pagkatao ang katapatang iyon? Marami sa atin ang masigasig na dumadalo sa ating mga pulong sa Simbahan. Pinagsisikapan nating gawin ang ating mga tungkulin lalo na tuwing Linggo. Talagang kapuri-puri iyan. Ngunit sabik din ba ang ating puso’t isipan sa paggawa ng mabubuting bagay sa mga karaniwang araw ng linggo? Ginagampanan lang ba natin ang ating tungkulin, o talagang lubos tayong naniniwala sa ebanghelyo ni Jesucristo? Paano natin maitatanim sa ating kaluluwa ang binhi ng pananampalataya na nasa ating isipan para lalo itong mapayabong? Paano tayo magkakaroon ng malaking pagbabago ng puso na sinabi ni Alma na mahalaga sa ating walang-hanggang kaligayahan at kapayapaan? (tingnan sa Alma 5:12–21).
Tandaan, nasa pulot ang lahat ng sustansyang kailangan para mabuhay sa mundo. At ang doktrina at ebanghelyo ni Cristo ang tanging daan para matamo ang buhay na walang hanggan. Mahihikayat lamang tayong magmahal at maglingkod na katulad ng sa Tagapagligtas kapag lumago ang ating patotoo nang higit kaysa nasa ating isipan at naisapuso natin ito. Sa gayon lamang tayo nagiging mga tunay na disipulo ni Cristo na binigyang-kapangyarihan ng Espiritu upang maantig ang puso ng ating kapwa.
Kapag hindi na nakatuon ang ating puso sa mga bagay ng mundo, hindi na natin hahangarin ang parangal ng tao o bibigyang-kasiyahan ang ating kapalaluan (tingnan sa D at T 121:35–37). Bagkus, nagtataglay tayo ng mga katangiang katulad ng kay Cristo na Kanyang itinuro:
-
Tayo ay mahinahon at maamo at mapagtiis (tingnan sa D at T 121:41).
-
Tayo ay mabait, walang pagkukunwari o pandaraya (tingnan sa D at T 121:42).
-
Nakadarama tayo ng pag-ibig sa lahat ng tao (tingnan sa D at T 121:45).
-
Ang ating isipan ay laging puspos ng kabanalan (tingnan sa D at T 121:45).
-
Tayo ay wala nang hangarin pang gumawa ng masama (tingnan sa Mosias 5:2).
-
Ang Espiritu Santo ang lagi nating kasama, at ang mga doktrina ng priesthood ay padadalisayin ang ating kaluluwa gaya ng hamog mula sa langit (tingnan sa D at T 121:45–46).
Ngayon, mga kapatid, hindi ko hinihikayat na maging masyado kayong relihiyoso o panatiko. Kabaligtaran iyan! Sinasabi ko lang na gawin natin ang susunod na tamang hakbang sa ating lubos na pagbabalik-loob sa ebanghelyo ni Cristo sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga doktrina nito sa ating puso’t kaluluwa upang maisagawa at maipamuhay natin—nang may integridad—ang sinasabi nating ating pinaniniwalaan.
Ang integridad na ito ay nagpapasimple sa ating buhay at nagpapalakas ng ating pakiramdam sa Espiritu at sa mga pangangailangan ng iba. Pinasasaya nito ang ating buhay at pinapayapa ang ating kaluluwa—ang uri ng kagalakan at kapayapaang dumarating sa atin kapag nagsisisi tayo sa ating mga kasalanan at sinusunod ang mga utos ng Tagapagligtas.
Paano natin maisasagawa ang pagbabagong ito? Paano natin maisasapuso ang pag-ibig na ito ni Cristo? May isang simpleng gawain sa araw-araw na makagagawa ng kaibhan sa bawat miyembro ng Simbahan, pati na sa inyo mga batang lalaki at babae, mga binatilyo at dalagita, mga single adult at mga magulang.
Ang simpleng gawaing iyon ay: Sa pagdarasal ninyo tuwing umaga, hilingin sa Ama sa Langit na gabayan kayo na magkaroon ng pagkakataong mapaglingkuran ang isa sa Kanyang mahal na mga anak. At saka humayo sa buong maghapon na ang puso ay puno ng pananampalataya at pagmamahal, naghahanap ng matutulungan. Kailangang nakatuong mabuti ang ating pansin, tulad ng pagtutuon ng pansin ng mga pukyutan sa mga bulaklak na kukunan nila ng nektar at polen. Kung gagawin ninyo ito, lalakas ang inyong espirituwal na pakiramdam at makakakita kayo ng mga pagkakataong maglingkod na hindi ninyo aakalaing posible.
Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson na sa maraming pagkakataon ay sinasagot ng Ama sa Langit ang mga panalangin ng ibang tao sa pamamagitan natin—sa pamamagitan ko at ninyo—sa pamamagitan ng ating mabubuting salita at gawa, sa ating simpleng paglilingkod at pagmamahal.
At sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Tunay na napapansin tayo ng Diyos, at binabantayan Niya tayo. Ngunit karaniwan na sa pamamagitan ng ibang tao Niya ibinibigay ang ating mga pangangailangan. Samakatwid lubhang mahalaga na paglingkuran natin ang bawat isa” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 100)
Alam ko na kung gagawin ninyo ito—sa bahay, sa paaralan, sa trabaho, at sa simbahan—gagabayan kayo ng Espiritu, at mahihiwatigan ninyo ang mga nangangailangan ng partikular na paglilingkod na kayo lamang ang makapagbibigay. Bubulungan kayo ng Espiritu at mahihikayat kayong tumulong na impluwensyahan ang mundo ng dalisay na pag-ibig ni Cristo at ng Kanyang ebanghelyo.
At tandaan, tulad ng 1/12 na kutsaritang pulot na laan ng munting pukyutan sa bahay-pukyutan, kung pararamihin natin ang ating mga pagsisikap nang libu-libo, maging ng milyun-milyong pagsisikap nang may panalangin na ibahagi ang pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng paglilingkod ng isang Kristiyano, mabilis na lalago ang kabutihang maghahatid ng Liwanag ni Cristo sa mundong ito na pasama nang pasama. Sa pagkakaisa, maipararating natin ang pagmamahal at pagkahabag sa sarili nating pamilya at sa nalulumbay, maralita, nagdadalamhati, at sa mga anak ng ating Ama sa Langit na naghahanap ng katotohanan at kapayapaan.
Mapagpakumbaba kong dalangin, mga kapatid, na hihingi tayo ng inspirasyon sa ating araw-araw na mga panalangin na makakita ng isang taong mapaglilingkuran natin nang makabuluhan, kabilang na ang pagbabahagi ng mga katotohanan ng ebanghelyo at ng ating patotoo. Sa pagtatapos ng bawat araw, nawa’y masagot natin ng oo ang mga tanong na: “Ako ba’y may kabutihang nagawa? Ako ba ay nakatulong?” (Mga Himno, blg. 135).
Ito ang gawain ng Diyos. Nawa’y tapat nating maisagawa ito na tulad ng masisigasig na pukyutan, ang mapagpakumbaba kong dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.