Isang Hakbang Palapit sa Tagapagligtas
Pagbabalik-loob ang mithiin ng lahat ng pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo. Ang pagbabalik-loob ay hindi nangyayari nang minsanan. Ito ay habambuhay na pagsisikap na maging higit na katulad ng Tagapagligtas.
Nitong nakaraang tag-init ang isang maikling artikulong isinulat ko ay nalathala sa Liahona at Ensign. Nag-email ang anak ko na nagsasabing, “Itay, sabihin naman po ninyo sa amin kapag may lalabas kayong artikulo.” Ang sagot ko, “Gusto ko lang malaman kung binabasa ninyo ang mga magasin ng Simbahan.” Nag-email siya ulit na nagpapaliwanag na ang kanyang 10-taong gulang na anak na babae ang “nakapasa sa pagsubok. Kinuha niya ang Ensign sa mailbox, pumasok sa bahay, at binasa ito. Pagkatapos pumasok siya sa silid namin at ipinakita sa amin ang inyong artikulo.”
Binasa ng apo kong babae ang Ensign dahil gusto niyang matuto. Kusa siyang kumilos. Kamakailan ay inaprubahan ng Unang Panguluhan ang bagong mga pag-aaralan para sa kabataan na susuporta sa hangarin ng mga kabataan na matutuhan, ipamuhay, at ibahagi ang ebanghelyo. Ang mga pag-aaralang ito ay maaari na ngayong rebyuhin online. Sa Enero sisimulan nating gamitin ang mga ito sa mga silid-aralan. (Alamin ang iba pang detalye tungkol sa mga bagong materyal sa pag-aaral para sa kabataan sa lds.org/youth/learn.)
Noong nagtuturo ang Tagapagligtas, ang kalayaan ng nag-aaral ay napakahalaga. Ipinakita Niya sa atin hindi lamang kung ano ang ituturo kundi kung paano rin magturo. Nakatuon ang Kanyang pansin sa mga pangangailangan ng nag-aaral. Tinulungan Niya ang mga tao na matuklasan nila mismo ang katotohanan.1 Siya ay palaging nakikinig sa kanilang mga tanong.2
Ang mga bagong pag-aaralang ito ay tutulong sa ating lahat na matuto at magturo ayon sa paraan ng Tagapagligtas sa ating mga tahanan at silid-aralan.3 Kapag ginawa natin ito, makatutugon tayo sa Kanyang paanyaya na “pumarito ka, sumunod ka sa akin,”4 tulad ng napakagandang itinuro ni Elder Robert D. Hales. Habang binubuo noon ang mga bagong pag-aaralang ito, nakita ko ang mga lider at guro sa mga auxiliary at seminary na nakikipag-usap sa mga magulang para matugunan nila ang mga pangangailangan ng kanilang mga tinuturuan. Nakita ko ang mga kabataang babae sa kanilang mga klase, ang mga kabataang lalaki sa kanilang mga korum sa Aaronic Priesthood, at mga kabataan sa Sunday School na natututong gamitin ang kanilang kalayaan at kumilos para sa kanilang sarili.
Isang guro ng mga kabataan sa Sunday School ang nag-isip kung paano tutulungan ang dalawang autistic na binatilyo na kumilos para sa kanilang sarili. Nang anyayahan niya ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang natututuhan, nag-alala siya na baka tanggihan ng dalawang binatilyong ito ang kanyang paanyaya. Pero hindi sila tumanggi. Tumayo ang isa para ituro ang natutuhan niya at nagpatulong pa sa kanyang kaklaseng autistic. Nang magsimulang mahirapan ang una, nanatili sa kanyang tabi ang kaklase niya at bumulong sa kanya para madama niyang nagtagumpay siya. Kapwa sila nagturo nang araw na iyon. Itinuro nila kung ano ang itinuro ng Tagapagligtas, at nagturo rin sila kung paano nagturo ang Tagapagligtas. Noong nagtuturo ang Tagapagligtas, nagpakita Siya ng pagmamahal sa bawat tao na Kanyang tinuturuan, gaya ng ginawa ng kaklaseng ito sa kanyang kaibigan.5
Kapag natuto tayo at itinuro ang Kanyang salita ayon sa Kanyang paraan, tinatanggap natin ang Kanyang paanyaya na “pumarito ka, sumunod ka sa akin.” Sumusunod tayo sa Kanya sa paisa-isang hakbang. Sa bawat hakbang, napapalapit tayo sa Tagapagligtas. Nagbabago tayo. Alam ng Panginoon na ang espirituwal na pag-unlad ay hindi nangyayari nang minsanan. Ito ay nangyayari nang dahan-dahan. Sa tuwing tatanggapin natin ang Kanyang paanyaya at pipiliing sumunod sa Kanya, umuunlad tayo tungo sa lubusang pagbabalik-loob o pagbabago.
Pagbabalik-loob ang mithiin ng lahat ng pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo. Ang pagbabalik-loob ay hindi nangyayari nang minsanan. Ito ay habambuhay na pagsisikap na maging higit na katulad ng Tagapagligtas. Ipinaalala sa atin ni Elder Dallin H. Oaks na hindi sapat ang “magkaroon [lang] ng kaalaman.” “Upang ‘magbalik-loob’ … kailangan tayong gumawa at magkaroon ng kahihinatnan.”6 Kaya’t ang pag-aaral para sa pagbabalik-loob ay tuluy-tuloy na pag-alam, paggawa, at pagkakaroon ng kahihinatnan. Gayundin, kailangan sa pagtuturo para sa pagbabalik-loob ang pangunahing doktrina, paanyayang kumilos, at pangakong mga pagpapala.7 Kapag nagtuturo tayo ng totoong doktrina, tinutulungan natin ang nag-aaral na matuto. Kapag inanyayahan natin ang iba na kumilos, tinutulungan natin silang gawin o ipamuhay ang doktrina. At kapag dumating ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon, tayo ay nagbabago. Kagaya ni Alma, tayo ay maaaring maging bagong nilalang.8
Ang mga bagong pag-aaralan para sa kabataan ay may isang napakahalagang mithiin: tulungan ang mga kabataan na magbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo. Nakita ko kamakailan lang ang isang binatilyo sa klase sa Sunday School na nakatuklas ng katotohanan para sa kanyang sarili. Nang mapansin kong nahihirapan siyang iugnay ang Pagbabayad-sala sa kanyang buhay, itinanong ko kung nakadama na siya ng pagpapatawad. Sagot niya: “Opo, gaya noong nabali ko ang ilong ng kalaro ko habang naglalaro kami ng soccer. Nalungkot po ako dahil dito. Inisip ko po kung ano ang kailangan kong gawin para gumaan ang pakiramdam ko. Kaya nagpunta ako sa bahay niya at humingi ng patawad, pero alam kong may kailangan pa akong gawin, kaya nanalangin ako, at nadama ko na pinatawad din ako ng Ama sa Langit. Iyan po ang ibig sabihin sa akin ng Pagbabayad-sala.”
Nang ikuwento niya ang karanasang ito sa klase nang araw na iyon, binasa niya ang Juan 3:16—“Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak”—at nagpatotoo sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala. Ang doktrinang ito ay hindi na isang konsepto lang para sa binatilyong ito. Naging bahagi ito ng kanyang buhay dahil nagtanong siya at pagkatapos ay ginamit ang kanyang kalayaan para kumilos.9
Ang binatilyong ito ay lalo pang nagbalik-loob, at gayundin ang kanyang mga kaklase. Nagtuon sila sa isang mahalagang doktrina sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Iniugnay nila ang mga sagradong salitang iyon sa sarili nilang buhay at pagkatapos ay nagpatotoo tungkol sa mga pagpapalang dumating sa kanila bunga ng pagsunod sa doktrina. Kapag itinuturo natin ang ebanghelyo ni Jesucristo, tumutuon tayo sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga makabagong propeta. Umaasa tayo sa sagradong teksto para mapalakas ang pananampalataya, magkaroon ng patotoo, at matulungan ang lahat na lubusang magbalik-loob. Ang bagong pag-aaralan para sa kabataan ay tutulong sa lahat ng gagamit nito na maunawaan at maipamuhay ang salita ng Diyos.
Habang nagtuturo sa mga Banal sa Costa Rica, ipinakita ko ang kopya ng Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin at nagtanong, “Ilan sa inyo ang may kopya ng manwal na ito?” Halos lahat ay nagtaas ng kamay. May ngiting sinabi ko, “At tiyak na binabasa ninyo ito araw-araw.” Nagulat ako na isang babae sa harapan ang nagtaas ng kanyang kamay, tanda na binabasa niya ito araw-araw. Pinapunta ko siya sa podyum para magpaliwanag. Sabi niya, “Binabasa ko ang Aklat ni Mormon tuwing umaga. Pagkatapos ay nagbabasa ako sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin para maituro ko sa aking mga anak ang natutuhan ko sa pinakamainam na paraan.”
Nais niyang matutuhan at ituro ang Kanyang salita ayon sa Kanyang paraan, kaya’t pinag-aralan niya ang Kanyang salita sa mga banal na kasulatan at pagkatapos ay pinag-aralan naman kung paano ituro ang Kanyang salita upang lubusang magbalik-loob ang kanyang mga anak. Ang kanyang paraan ng pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo ay hindi nangyari nang minsanan. Nagdesisyon siyang gawin ang isang bagay. At habang ginagawa niya ang alam niyang dapat niyang gawin, lalo siyang pinalakas ng Panginoon sa pagtahak sa Kanyang landas.
Kung minsan ang landas tungo sa pagbabalik-loob ay mahaba at mahirap. Ang bayaw ko ay di-gaanong aktibo noon sa Simbahan sa loob ng 50 taon. Tinanggap lamang niya ang paanyaya ng Tagapagligtas na bumalik noong siya ay nasa kanyang 60s. Marami ang tumulong sa kanya. Isang home teacher ang nagpapadala sa kanya ng postcard buwan-buwan sa loob ng 22 taon. Ngunit kailangang siya ang magpasiya na gusto na niyang magbalik. Kailangan niyang gamitin ang kanyang kalayaan sa pagpili. Kailangan niyang gawin ang unang hakbang na iyon—at ang mga susunod pang hakbang. Ngayon nabuklod na silang mag-asawa, at naglilingkod siya ngayon sa bishopric.
Kamakailan ipinakita namin sa kanya ang mga video na ginawa para tulungan ang mga lider at guro na ipatupad ang mga bagong pag-aaralan. Pagkatapos panoorin ang mga video, sumandal sa kanyang upuan ang bayaw ko at medyo madamdaming sinabi, “Siguro kung mayroon niyan noong kabataan ko, hindi siguro ako nawala noon sa Simbahan.”
Ilang linggo na ang nakalilipas may nakilala akong isang binatilyo na may problema. Itinanong ko kung miyembro siya ng Simbahan. Sinabi niya na duda siya kung may Diyos o wala ngunit noong kabataan niya ay may alam siya tungkol sa Simbahan. Nang sabihin ko sa kanya ang tungkulin ko sa Sunday School at na magsasalita ako sa pangkalahatang kumperensya, sabi niya, “Kung magsasalita po kayo, panonoorin ko ang sesyong iyon.” Sana nanonood siya ngayon. Alam ko na kung nanonood siya, may natutuhan siya. Ang Conference Center na ito ay pambihirang lugar para matuto at magturo para sa pagbabalik-loob.
Kapag ipinamuhay natin ang mga alituntuning itinuro ng mga sinasang-ayunan natin bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag, natututo tayo ayon sa paraan ng Tagapagligtas.10 Humahakbang tayo palapit sa Kanya. Sa pagtatapos nitong kumperensya, inaanyayahan ko ang lahat ng nakikinig na gawin ang hakbang na iyon. Tulad ng mga Nephita noong sinauna, magsiuwi tayo sa ating “mga tahanan, at bulay-bulayin ang mga bagay na … sinabi, at tanungin ang Ama, sa pangalan [ni Cristo], upang [tayo’y] makaunawa.”11
Gusto naming makaunawa ang bawat kabataan. Gusto namin silang matuto, magturo, at ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo araw-araw. Ito ang gusto ng Panginoon sa lahat ng Kanyang anak. Ikaw man ay bata, kabataan, o matanda, inaanyayahan kitang lumapit at sundan ang Kanyang mga yapak. Sa bawat paghakbang natin, nagpapatotoo ako na palalakasin tayo ng Panginoon. Tutulungan Niya tayong tahakin ang landas. At kapag nagkaroon ng mga hadlang, magpapatuloy pa rin tayo. Kapag dumating ang pag-aalinlangan, magpapatuloy pa rin tayo. Hindi tayo kailanman aatras. Hindi tayo kailanman tatalikod.
Pinatototohanan ko na ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay buhay. Pinatototohanan ko na patuloy tayong tinatawag ng Tagapagligtas na lumapit sa Kanya tulad ng ginawa Niya noong sinauna. Maaari nating tanggapin ang Kanyang paanyaya. Tayong lahat ay maaaring matuto, magturo, at ipamuhay ang Kanyang salita ayon sa Kanyang paraan sa pamamagitan ng paghakbang palapit sa Tagapagligtas. Sa paggawa nito, tayo ay tunay na magbabalik-loob. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.